Balang araw, hindi na ikaw.
Balang araw hindi na ko hahati sa atensyong hindi mo na kayang ibigay. Balang araw hindi na ko aasa sa mga salitang hindi naman nagiging tunay. Balang araw hindi na ko maghihintay na puntahan mo, na maalala mo, na samahan mo, o ipagmalaki mo. Balang araw ikaw naman makakaramdam kung paano ko unti-unting mawawala sayo. Sa araw na yon hindi na ko maghihintay. Wala na kong oras na ilalaan at irereserba para lang sayo. Sa araw na yon hindi ko na aalamin o hahanapin pa ang update mo. Hahayaan kitang gawin lahat ng gusto mo, nang wala ako. Ipapakita ko sayo kung paano ko mawalan ng pake sa minsang itinuring kong mundo. Ipapaalam ko sayo kung gaano kasakit na maramdamang unti-unting nauubos yung dating pagmamahal na naibibigay sayo nang lubos. Ipaparamdam ko sayo kung gaano kahirap tanggapin yung pagbabagong ako mismo ang gagawa. At sa araw na yon, hindi na ikaw kundi sarili ko na ang pinipili ko. Sarili kong pagod ng umiyak sa bawat sakit na nararanasan nito. Sarili kong pagod ng umintindi sa mga sitwasyong sya rin naman dapat yung iniintindi. Sarili kong pagod ng hilingin na hindi maitago at maitrato ng tama. Sarili kong pagod ng mabalewala kahit ang ginawa lang naman ay magmahal nang magmahal. Aalis ako sa kahong matagal kong kinalagyan. Sa kahon kung saan ang tagal kong hinihintay na ilabas mo ko. Na magkaron ka ng lakas ng loob na maipakita sa kahit na sino kung sino ba ko sayo. Ginawa ko na ang lahat. Alam nating pareho na higit pa yon sa sapat. Ito na yung hangganan ko. Kung hindi mo pa rin ako kayang hilahin pabalik sayo, tuluyan na kong lalayo.












