Artikulo Uno
Ika-16 ng Abril, taong 2020.
Nabasa ko ang balita ngayong araw. Hindi na ako nagulat. Wala namang bago maliban sa may bagong pangalan na namang naidagdag sa mahabang listahan ng mga biktima ng opresyon. Kahapon lang isang ginang ang namatay dahil pinagbabaril ng militar, nanlaban daw diumano nang huhulihin na dahil sa paninira nito sa Alkalde ng Lungsod sa pamamagitan ng social media.
At noong isang araw, isang pahayagang kilala bilang kritiko ng Pangulo ang ipinasara dahil umano sa paglabag sa batas na ipinagbabawal ang foreign ownership ng mga pahayagan dito sa Pilipinas; tumanggap raw ito ng pondo mula sa mga pilantropong foreign investors.
Natigil ako sa pagbabasa. Sa Pilipinas, ang dali lang palang pumatay—tao, karapatan o kahit kalayaan — kayang patayin gamit sa isang kumpas ng kamay ng kinauukulan. Kaya nilang gumawa ng paraan maiwasan lang ang pambabatikos laban sa kanila. Naalala ko tuloy noong high school. Bilang manunulat ng editoryal sa pahayagan ng eskwelahan, gumawa ako ng artikulo na naglalaman ng kritisismo laban sa pangulo. Nang maisapubliko na ang naisulat ko sa seksyon ng opinyon, mas mabilis pa sa internet connection ng kapitbahay namin ang text ng adviser ko na burahin ang artikulo.
Ang tanong ay bakit?
Masama raw ang pambabatikos sa gobyerno, aniya. Hindi ko siya maintindihan. Motto pa naman ng pahayagan na magbalita ng tapat at isiwalat ang katotohanan. Sa utos ni Maam, binura ko nalang ito dahil sa takot na baka maging dahilan pa ito ng pagtanggal sa akin sa honors' list ng graduating class.
Ipinagpatuloy ko ang pagbabasa sa dyaryong inihahatid ng suki kong nagdedeliber tuwing umaga. Buti nga may trabaho pa 'yon kahit unti-unti ng nagsasara ang ilang mga pahayagan sa bansa dahil sa mga banta ng pangulo.
Nakuha ng isa na namang headline ang aking atensyon,
"Duterte Administration Moves to Kill Free Speech in the Philippines"
Nakatatakot na ang mabuhay sa bansang ito. Dahil ang mismong nakaupo sa pinakamataas na katungkulan ang siyang una sa listahan ng mga nag-aalis ng karapatang-pantao.
Ilan na kaya ang namatay?
Ibinaba ko na ang dyaryo at dumiretso sa kusina para kumain ng agahan. Hindi maalis sa isip ko ang nalaman ko ngayong araw. Sa kailaliman ng aking pag-iisip, nangangamba ako. Hindi lang para sa sarili ko at sa mga kapwa ko manunulat, mamamahayag, kundi para sa sambayanang Pilipino:
Ano kaya ang mangyayari sa isang bansang unti-unting kinikitil ng mga nasa itaas ang karapatan ng taong makapagsalita at maipabatid ang hinanaing nito sa pamahalaan?
Tinapos ko na ang pagkain, bumalik sa kuwarto, binuksan ang computer at isinumite ang kagagawa kong artikulo—
"Can The Philippines Survive Rodrigo Duterte?"
Hindi na ako nag-atubili at kinumpirma ang pag-uupload ng artikulo.
Pikit-mata, buntong-hininga, wag na kayong magtaka kung bukas ako ay patay na.

















