Batch 2028, 2029 ng UPIS, nagningning sa Vermillion 2026
Idinaos ng UPIS Batch 2028 at Batch 2029 ang Junior-Senior Promenade 2026, Vermillion: A Coronation of Hearts, sa The Grand Cobo Events Place noong Abril 11, 2026.
Hango sa simbolismo ng baraha—partikular na ang reyna at hari ng mga puso—layunin ng Vermillion na bigyang-diin ang importansya ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng identidad ng bawat indibidwal. Ang dress code ay gender-inclusive; malaya ang lahat na suotin ang angkop at nais nilang kasuotan.
Kinoronahan sina Achi Regner at Wish Llodriga bilang King of Hearts at Queen of Hearts, habang sina Cian Casis at Tifa Caringal ay itinanghal bilang Jack of Hearts at Jewel of Hearts. Iginawad naman kina Charlie Aro at Jairus Retuya ang Wild Cards of Style.
Nagbigay-aliw naman sa mga panauhin ang mga soloist na sina Charlie Aro at Vannah Almero, at ang mga bandang GWOM at °Fahrenheit. Bukod pa rito, inihanda ng Batch 2029 ang isang bidyo para sa Batch 2028 upang magbalik-tanaw sa kanilang mga alaala bilang paggunita sa kanilang senior year.
Tampok din sa programa ang Bequeathal Ceremony, kung saan ipinasa ni Angela Masangkay, Pangulo ng Senior Council (SC), ang Key of Responsibility kay Elin Lim, Pangulo ng Junior Association (JA). Ipinasa naman ni Kevin Chan ang Torch kay Liv Florendo, na parehong miyembro ng UPIS Varsity Swimming Team, habang ipinagkatiwala ni Princess Espino ang Banner of Excellence kay Kristine Bariuan, na na parehong kinilala para sa kanilang akademikong husay.
Nang tanungin tungkol sa kaniyang paboritong bahagi ng Vermillion, sinabi ni Tifa Caringal, “My favourite part of the night was the open dance floor where everybody could just go up there and have fun with no judgement from others. I think that truly made the prom successful, when everybody could just gather together and be themselves at the end of the night, making it a very magical and memorable experience."
Ayon kay Elin Lim, ang pag-organisa ng Vermillion ay hinamon ng kakapusan sa oras at miscommunication dulot ng pagdaos nito sa gitna ng semestre. Sa kabila nito, hindi naging hadlang ang mga ito sa pagkamit ng tagumpay ng Vermillion.
“We did not let these hurdles keep us down, and instead we learned and were able to adjust and improve for the better,” dagdag ni Lim.
Bilang payo para sa susunod na JA, ipinaalala ni Lim na huwag isakripisyo ang sariling kapakanan, sa halip ay matutong humingi ng tulong at suporta sa mga kasamahan, guro, at magulang. Bagama't normal ang mapagod at magkamali, ang tunay na karakter ay sinusubok sa kung paano haharapin ang mga hamon at babangong muli. “It's all about resilience as a student, a friend, and as a leader.”
// ni Sean Uchi
Isinulat para sa Peryodismo 1 ng Social Sciences and Humanities Track Batch 2028.