Gumising ang magkakapatid na Galamgam sa bagong araw ng pakikipagsapalaran. Nakinig muna ang tatlo sa balita sa radio, ang tanging paraan nila upang makakalap ng balita, dahil lahat ng ibang gamit ay matagal nang naipagpalit sa damit at pagkain.
Pagkatapos ay nagtakip ng makakapal na mga tela sa mukha ang Panganay. Limang taon kasi matapos kumalat ang COVID ay nagmutate ito at naging mas mabagsik sa pagpatay ng tao. Naulila sa magulang ang magkakapatid dahil sa sakit na ito.
Pagkatapos ay lumabas na ang Panganay para mamalimos ng pagkain sa pamilihan. Maraming tao sa pamilihan ang nag-aagawan sa mga iba’t ibang klase ng mga isda. Mayroong dalawa ang ulo, dalawa ang buntot, tatlo ang mata, at iba pa. Hindi pa sigurado kung paano nangyari ito, pero mayroong usap-usapan na dahil sa dolomite ito.
Biglang natumba si Panganay nang may bumangga sa kanyang lalaking tumatakbo. Nagsisisigaw ito nang parang baliw: “Ayoko na! Limang taon na pero wala pa ring nangyayari! Kailangan na patalsikin ang pamilyang-“
Naputol ang sasabihin ng lalaki ng mga putok ng balang tumagos sa kanyang katawan. Nagtakbuhan ang mga tao. Dahil sa gulo, nakapagnakaw si Panganay ng limang isdang kulay luntian.
Dali-dali siyang umuwi sa bahay kung saan nagpapainit ng pugon si Gitnang Kapatid. Niluto nila ang isa sa mga isda at pinaghatian, at itinabi ang iba para sa mga susunod na araw.
Habang kumakain ay napadura si Bunso ng buhangin.
“Pasensiya na Bunso, mahirap kasi tanggalin ang dolomite sa loob ng isda, ngunit ang mahalaga ay makakatulog tayo nang hindi kumakalam ang sikmura,” paumanhin ni Gitnang Kapatid.