Mahal na mahal mo siya. Mahal na mahal ka rin niya.
Ganito kayo sa ngayon. Pero… hanggang kailan?
Darating `yung araw na ikaw na lang ang madalas na magte-text. Darating `yung araw na `yung mga pagkahaba-habang reply niya sa mga texts mo noon ay hindi na aabot ng tatlong salita man lang. Pwedeng simpleng “K” na lang, `yung wala man lang tuldok sa dulo. Simpleng-simple at wala nang katamis-tamis. Parang bubble gum na matagal nginuya hanggang sa nawalan na ng lasa.
Malay mo isang araw hindi na siya kasing sweet ng dati. `Yung madalas na pagsasabi niya sa `yo ng mga katagang I love you o Mahal kita na lumalagpas sa lima kada araw, maaaring maging isang beses na lang. Masakit? Oo, pero mas masakit kapag nawala na `yon ng tuluyan. At ang pinakamasakit ay maging Thank you na lang ang mga salitang `yon.
`Yung madalas na pag-aalala niya at pagtatanong ng, “Kumain ka na ba?” o kaya naman, “Okay ka lang ba, baby?” sa isang iglap ay maaaring maglaho na lang. Para bang hindi na siya `yung nakilala mo noon na sobrang maalaga at sobrang bait. Anumang oras, pwedeng mawala na `yung dating lambing. `Yung nagbabagang apoy ng pagmamahal ay unti-unting mauupos… hanggang sa tuluyan nang maabo.
`Yung tao na nasasandalan mo sa mga pagkakataon na hirap na hirap ka na, pwedeng balewalain ka na lang bigla. Kung noon ay halos hindi kayo nag-aaway, baka sa mga susunod na araw ay mas madalas na kayong magtalo maging sa maliit na bagay lang.
Darating `yung araw na hindi niyo na gagawin `yung usual bonding niyo—movie marathon all day habang kumakain ng pizza o simpleng stroll lang sa park—kasi tinatamad na siya. Pwedeng dumating sa puntong ikaw na lang `yung mag-eexert ng effort at ikaw na lang `yung gagawa nang paraan para bumalik kayo sa dati niyong routine as a couple.
Isa sa mga pinakamasakit na maaaring mangyari ay `yung dumating sa puntong ikaw na lang `yung nagbubuhos ng pagmamahal. Pilit kang kumakapit, habang siya… unti-unti nang bumibitiw. Nanlalamig na ang dating mainit na samahan o `di kaya’y tuluyan nang lumabo ang lahat.
Kung sakali namang may surpresa siya sa `yo at sumakto namang may dinadala kang problema, isantabi mo muna `yung lungkot mo. Ngitian mo siya. Ipakita mo na natutuwa ka sa ginawa niya para sa `yo. Pagkatapos niyong magsaya, saka mo sabihin sa kanya `yung problema mo. Oo, ipakita mong masaya ka, pero `wag mong hahayaan na isipin niyang hindi mo siya kasintahan dahil sa hindi mo pagsasabi ng problema. Sa ganoong paraan ay mas matutuwa pa siya dahil malalaman niya na anuman ang nararamdaman mo, pinipili mo pa ring sabihin at ipakita sa kanya.
`Wag mo ring hayaan na magsawa siyang gawin `yung mga bagay na ginagawa niya para sa `yo. Hanggang maaari, suklian mo `yung mga efforts niya. Tumbasan mo. O `di naman kaya’y higitan mo pa. `Wag mong hahayaan na hanapin niya sa iba `yung dapat sana’y ikaw ang gumagawa. `Wag mong hayaan na ang dating mainit at matamis mong kape ay tuluyang maging malamig at mapait.
Kaya habang nand’yan pa siya, habang mahal mo pa siya at mahal ka pa rin niya, `wag mong sayangin `yung mga oras at pagkakataon na magkasama kayo. `Wag mong balewalain ang pag-eeffort niya. Ipakita at iparamdam mo kung gaano mo naa-appreciate lahat ng `yon. Kapag sweet siya sa `yo, i-enjoy mo lang. Magpaka-sweet ka rin kung kinakailangan. Make him feel loved.
Learn to appreciate, give back and compliment him dahil hindi sa lahat ng pagkakataon, nasa magandang lagay `yung relasyon niyo. Hindi habambuhay puro sweetness at saya lang ang bubuo’t magpapatatag sa relasyon niyo.
Don’t take your partner for granted and make that person feel the love you have for him/her. Mahalin mo siya nang buong-buo dahil baka sa isang iglap lang… mawala na siya sa buhay mo at magsawa na. Tandaan mo, ang pagsisi madalas nasa huli.