Kasi Lalaki Ka
"KASI LALAKI KA"
Utol pakatatag ka, kalma lang kapatid Tama ka, puwede kang umiyak sa gilid Puwedeng alak sa gabi o kape sa umaga Puwede rin kung babaliktarin mo na
Hindi sa lahat ng oras ikaw ay matatag Hindi lahat ay kontrolado mo sa iyong palad Hindi lahat ng plano mo ay matutupad Hindi lahat ay mabilis, madalas lahat ay makupad
Mali ka sa mata ng asawa, mali rin sa mata ng iba Tama ka sa iisa at mali sa isang- daan pa Matatabunan ka ng pagod at daing Sa bukambibig araw-araw kang ililibing
Trabaho sa labas at tulog lang ang pahinga Pag-uwi sa bahay ay may sermon pang kasama Alas nuebe, alas singko, at alas dos ang kaibigan Ang pag-alis at pag-uwi, minsang inuman
Ikaw ang salbabidang sasalba sa mga lulubog Ikaw ang sasakyang aandar kahit sa bubog Ikaw ang haliging magtataguyod kahit na inaanay Dahil sabi nila'y mas mahirap pa rin ang maging nanay
Sinong titingin sa'yo kapag lahat ay nakapikit? Sinong magpapakain kung bugong ay wala ng init? Sinong mag-aalaga kung siya'y sa mga bata nakatunganga? Kabaong lamang ang sa dulo ay nakahanda
Giyera mo'y walang nakakakita sa sa labas Ni sa mga mata mo'y hindi aring mabakas Sapagkat kahinaan ang magpakita ng panghihina Ikaw ang templo at sa kalusugan ay taga-pangalaga
Lalaki ka, bawal sa mga mata'y may pumatak Itikom ang bibig, bawal ka ring marinig tumalak Sa likod mo'y anino lamang ang tutulak Hanggang sa makamit ang ibang mga pangarap
Malamig na lubid ang kayakap sa leeg Dalawampung tabletang bumubula sa bibig Mainit na tinggang tatagos na lang sa utak Mga demonyong araw-araw kang pilit hinahatak
Kalaban mong hindi nakikita, bigla na lang madarama Utak mong umiisip ng solusyon nang mag-isa Masuwerte kung may iisang kaluluwa Ang handang tumawid sa kawalan kasama ka
Kaya utol pakatatag ka, kalma lang kapatid Tama ka, puwede kang umiyak sa gilid Mapaalak o kape sa gabi o umaga Lahat yan ay pagdadaanan mo kasi nga lalaki ka
















