Marami na sa atin ang gumagamit sa pangaraw-araw ng wikang Ingles. Mapaloob ng ating bahay, sa loob ng paaralan, o sa paraan ng pakikipag-usap at pakikipag-talastasan. Dahil dito’y unti-unti nating napapabayaan ang ating sariling wika. Isang problemang tila pinagsasawalang-bahala nating mga Pilipino, lalung-lalo na ng mga kabataan, ay ang pakikipag-usap natin sa paraang Conyo. Hindi natin pansin ang unti-unting pagkawala ng diwa ng kahalagahan ng ating pambansang wika at ito’y nakaaapekto sa paglago at pagyaman ng ating wika at kultura.
Ano nga ba ang conyo? Ito ay isang pamamaraan ng komunikasyon kung saan pinaghahalu-halo ang salitang Ingles at salitang Filipino. “Tsong pare, sensya can’t make it to our basketball sesh tonight, nagpapahatid my mom sa Greenbelt eh. Next time na lang. G?” ay isang halimbawa ng pangungusap na conyo. Madalas maihalintulad ito sa mga estudyanteng pumapasok sa La Salle at Ateneo. Ang ganitong paraan ng pakikipag-usap ay tila pinapatay natin ang tunay na kahulugan ng wika at kahalagahan nito.
Ang pagsasalita ng conyo ay isang kahihiyan o pagde-degrade ng isang tao sa isang wika. Ang pagpapalit ng lenggwahe sa gitna ng pangungusap ay isang di-pormal na pagsasalita at nakakasakit sa teynga ng mga taong hindi kapwa conyo. Madalas makarinig ng ganitong klase ng pag-uusap sa mga high-end malls sa Metro Manila. Tulad ng Eastwood, Glorietta, Rockwell, at iba pa. Dito maririnig mo ang mga tao, lalung-lalo na ang mga kabataan, na bihasang-bihasa sa pagco-conyo. Nakapaloob sa unang utos sa Ten Conyo-mandmenst, ito ay ang sampung utos o gabay kung paano nga ba magsalita sa paraang conyo, na bago ang salitang pandiwa kailangan mong dagdagan ang pangungusap mo ng salitang make. Halimbawa, “Do you think we’re abot pa sa movie if we make bili popcorn muna? Because it’s so nakakainip and nakakagutom kaya if wala tayong foods. Like, duh?” Sasabayan pa nila ito ng tila ipit na boses. Hindi ba’t nakababahala? Nagsasalamin ito ng hindi paggalang sa dalawang magkaibang wika.
Nais ipahatid ng adbokasiyang ito na ang paggamit ng conyo, o kilala noon bilang taglish, ay kailangang bawasan. Ang pagiging conyo ng isang tao ay nagpaparating na walang alam sa sariling wika ang isang indibidwal. Dahil imbes na magsalita siya ng tuloy-tuloy na Filipino ay pinapalitan niya ng ingles ang ilang piling salita ng kanyang pangungusap. At minsan ito ay nagiging sanhi ng hindi pagkakaintindihan ng ispiker (speaker) at tagapakinig. At sa mas malalim na dahilan, nawawala ang pagmamahal ng mga tao sa sarili nating wika. Kung magsasalita ang tao ng Filipino, dapat ay dere-deretsong Filipino lamang. Kung Ingles naman, dapat ay tuloy-tuloy na Ingles lamang. Kapag nabawasan ang bilang ng mga taong na gumagamit ng conyo, mas magkakaroon ng pagkakaisa ang mga tao. Mapa-filipino man o mapa-ingles ang lengwaheng ginamit. At dahil tayo’y mga Pilipino dapat lamang na mas bihasa tayo sa pagsasalita gamit ang wika nating Filipino. Dito natin mapapakita ang ating pagiging makabayan.
Ayon sa aming pagsusuri, halos 95% ng tao ay ayaw sa paraan ng pagsasalita ng conyo. Ang madalas na sinasabi nila ay pasosyal lamang ang mga tao kaya nila pinagsasama ang mga salitang Filipino at Ingles sa isang pangungusap. Maaring dahilan din nito ay hindi nila alam ang katumbas ng salitang Ingles sa Filipino at salitang Filipino sa Ingles. Pero dahil tayo ay mga dugi at lahing Pilipino, kailangan nating pagtuunan ng pansin ang ating sariling wika.
Walang masama sa pagsasalita ng Ingles, hindi ito an gang nais naming bigyang-diin at pansin, dahil ang pagsasalita ng Ingles ay dapat ding matutunan ng bawat isa sa atin sapagkat ito ang wikang gagamitin natin sa pakikipag-komunika sa iba’t-ibang bansa sa labas ng Pilipinas. Sa totoo nga’y sumisimbolo ng kaalaman sa isang tao kapag bihasa kang mag-ingles. Ngunit magka-iba ang Ingles sa Conyo. Malayong-malayo ang pangungusap na Ingles sa pangungusap na conyo. Nawawala ang diwa ng estraktura ng tamang pangungusap sa pangungusap na conyo. Ang mga paksang natutunan natin sa asignaturang Filipino sa paaralan sa loob ng maraming taon ay hindi nabibigyang-halaga sapagkat sinasambit natin ito sa paraang hindi wasto at angkop. May iba namang nagsasabi na ang pagsasalita nila ng conyo ay katuwaan lamang o nakiki-uso lamang sila dahil ito ang in ngayon. Ngunit ang paggamit nito ng madalas, ang paggamit nito bilang unang lengwahe ng isang tao o Pilipino, ay hindi tama. Ang Filipino ay Filipino, ang Ingles ay Ingles. Hindi masamang wikain sila pareho, ngunit dapat ay hindi sabay. Hindi naman mahirap intindihin, tama ba? Kung inumpisahan mo ng Filipino, tapusin mo ng Filipino. Kung Ingles naman, tapusin mo ng Ingles. Matuto tayong pahalagahan ang gamit ng isang salita at wika. Dahil ito ay repleksyon o salamin ng kung anong klaseng tao tayo.
Tama na walang masamang mag-Ingles. Pero kasi yung pagco-conto parang pa-arte lang eh. Hehe 😌













