Alas Dose | Agsunta
______________________________________________________
Part 1 – of things I imagined while listening to this song.
Inabot na naman tayo ng kinabukasan sa presensya ng isa't-isa, puyat at wala pang tulog ang pareho nating mga mata. Parang ayaw ko na rin namang pumikit dahil hindi ko gustong hindi ka nakikita.
Binubusog mo ako ng mga kwento tungkol sa nanay mong 'di mo na ulit nakita matapos niyang sabihin na may bibilhin lang siya; at pagtatawanan naman natin buong magdamag ang kwento bago ako iwan ng tatay ko sa kapitbahay namin para tumaya sa lotto.
Isang hithit pa ng sigarilyo, at sinasabi ko sa'yo na ito na ang huli. Hindi dahil sa pinagbabawalan mo na ako, o hindi mo gusto ang amoy nito sa bagong laba mong mga polo, 'di rin dahil sa hindi mo na gusto ang lasa ng mga labi ko tuwing hahalikan mo.
Sarili ko lang ang nagdesisyon na umayaw, ang sabi kasi nila ang isang stick daw ng bawat sigarilyo ay pitong minuto ang inaalis sa haba ng buhay ko.
Hindi na ako gagamit ulit.
Gusto kong makasama ka pa nang matagal, at nanghihinayang ako sa lahat ng pitong minuto na naalis sa buhay ko na dapat ibinigay ko na lang sa'yo. Naisip kong paano kung dumating ang isang gabi na pitong minuto na lang bago mag alas dose, gusto kong abutan ng kinabukasan kasama ka.
Hindi ko pa alam kung kailan mangyayari 'yon kaya ngayon pa lang pinag-iipunan ko na. Ang bawat pagtanggi sa yosi na inaalok ng iba, ay katumbas ng pitong minuto pang kasama ka.
Ako ang may bisyo, ako ang mahilig gumawa ng kalokohan, hindi nararapat sa iyo ang katulad kong hindi pa alam ang gustong mangyari sa buhay. Ako ang sumisira sa sarili kong mundo dahil sa kagustuhan kong sumaya sa maling paraan, ako ang hindi marunong makinig, ako ang huli na nung tumigil.
Pero bakit ikaw ang kinuha?
Bakit ikaw ang nawala?
— h.c. (palaging-sumasaiyo)


















