Toxic Positivity raw ang kantang Panalo ni Ez Mill dahil sa lyrics na "Wag nang pag-usapan ang mga negatibong pangyayari." May nakita ring mali dahil sa lyrics na "Nanalo na ako nung mula pa na pinugutan si Lapu sa Mactan."
Pinakinggan ko. Maganda ang tunog. Nakakakuha ng atensyon, iyong tipong tatapusin mo ang kanta. Pagdating naman sa sinasabing Toxic Positivity, off naman talaga pakinggan ang lyrics na "Wag nang pag-usapan ang mga negatibong pangyayari." Pero naisip ko bakit may ganitong linya sa chorus kung sa ibang verse nabanggit nya ang bad experience nya gaya ng sinasabi ng lyrics na ito:
"Ever since bata ako I've been kinda discriminated in my own home country"
Negatibong pangyayari iyan, di ba? Sa tingin ko, iyong tinutukoy na panalo ay panalo nya at ng mga katulad nya ng karanasan. Nagkaroon sya ng pananaw na ang nanalo hindi na dapat pa magpokus sa mga negatibong pangyayari gaya na lamang ng mga pangit na karanasan nya na nilahad sa kanta. At binibigyang credit nya sa pagkapanalo ang pagkakaroon nya ng dugong Pilipino. Naging problema siguro iyong pagsisiksik ng mga salita para kumasya sa beat o sa tono. Pero hindi tamang iwasan na lamang ang mga negatibo dahil kailangan at mahalaga itong mapag-usapan at kung personal na karanasan mahalagang makalaya mula rito.
Kung tingin ng iba ay toxic positivity, at hindi para sa kanila ang motivation na nais iparating ng kanta, e di hindi. Pero hindi maiaalis ang posibilidad na merong makakakuha ng inspirasyon dito. At ito ang hindi dapat ipagdamot sa iba. Ito ang naratibo ni Ez Mill na nakaugat sa kanyang danas. Kung may nakikitang panganib sa kantang ito, ano ang maaaring gawin maliban sa pagtawa?
Tingin ko iyong kabuoan ng kanta ay halos tungkol lang sa kanya at sa pag-e-encourage sa iba na maaaring pinagdaraanan din ang napagdaan nya. Ang lyrics na "Nanalo na ako nung mula pa na pinugutan si Lapu sa Mactan" ay tungkol pa rin sa kanya at pagpapalakas ng loob sa sarili. Sa pagiging Pilipino nya nahanap o nakuha ang lakas ng loob kaya may panghihikayat sa ibang nakaka-relate sa kanya. Pero mali iyong lyrics, dahil walang nakakaalam kung paano namatay si Lapu-Lapu kaya hindi siguradong napugutan siya ng ulo. Pero ang totoo, uso talaga pagpiyestahan at tawanan sa social media ang mga mali habang itinatama lalo na kung sikat o kilala ang nagkakamali. May pagkukulang ang artist at sa pagkukulang na ito nakaramdam ng kalamangan ang iba.
Naguluhan lang ako sa lyrics na ito. "At lahat ang nasaktan na nalaman nila na pinatay ang kanilang bayani sa karagatan ng bansa na pag-aari ng Pilipino." Maaaring may kaugnayan pa rin kay Lapu-Lapu at kung oo, mali pa rin dahil wlaang record ng pagkamatay nya. Kung tungkol naman ito sa West Philippine Sea na iniisip ng iba, sa pagkakaalam ko walang direktang namatay sa WPS na Pinoy dahil sa Chinese Coast Guard. Pero merong kabuhayang pinapatay, ang kabuhayan ng mga mangingisda na dito lamang umaasa para buhayin ang kanilang pamilya. Dahil sa mga Chinese na nananakot, nababawasan ang kanilang huli, minsan wala pa. Kaya pinapatay na rin sila.
Sa dulo, binanggit ang "Despite any turmoil, I'll be proud of my soil." Ibig sabihin, hindi maiaalis o hindi maitatanggi ang pagiging Pilipino nya sa kabila ng kaguluhang nangyayari sa bansa.
Ang tanong na lamang, nasaan nga ba ang pagiging Pilipino sa panahong maraming kababayan ang naghihirap, pinagnanakawan, pinagkakaitan ng hustisya, nilalamangan, inaabuso, tinatakot, at pinapatay?







