DAY 2
February 28, 2016 11:38 PM, SUNDAY
Kakauwi ko lang halos galing sa isang show. Ayun, sumayaw ako. Hmmm. Masaya. Masaya ako. Masaya ako kasi nakasayaw ako. 5 days lang halos practice ko pero hinayaan parin ako sumayaw; pinagkatiwalaan parin ako para maging parte ng show. Pero malungkot din talaga.
Malungkot. Bakit? Sa napakaraming pagkakataon, lagi kong na-iimagine na balang araw, may isang tao na laging pupunta sa mga performances ko, isang tao na mas sabik pa kaysa sakin para manood ng show, isang taong hindi magsasawang suportahan ako sa mga bagay na gusto kong ginagawa. Hala. Ang sarap kaya nung feeling na kapag nagpeperform ka, tapos naiisip mo na, “Hala, andyan yung love of my life ko. Kailangan ko galingan.” Pero syempre, isa na naman ‘to sa mga araw na hopia ako. Isipin mo yan, kahit nga mga magulang ko, hindi na nanonood kasi daw maraming beses na sila nanood. Nye.
Anyway, napakaraming beses kong iniisip na sana may isang event in the future na magpeperform ako tapos andun ka; makikita kita sa audience. Naiisip ko na yung mga sasabihin mo e. Naiiisip ko na kung paano mo ko aasarin at paano mo ko pagtatawanan [pero joke lang naman].
Umuwi akong mag-isa na bitbit ko lahat ng gamit ko. Minsan, gusto ko rin naman na may kasama akong umuuwi at tinutulungan ako magbitbit ng gamit ko. Ang lungkot kaya umuwi mag-isa tapos gabing-gabi na. Pero okay lang. Walang choice.
Wag na pahabain pa. Ang gusto ko lang naman sabihin talaga ay namimiss na naman kita. Sana andun ka kanina. Sana magkasama tayo. Sana andito ka. Sana andito ka pa.
















