Black Sketchers (2002)
Hindi ko na maalala kung ano ang suot naming lahat noong second year high school.
Pero siya, oo.
Si Heidi. Nakasuot siya ng itim na Sketchers.
Sinumbong ko si Melissa kay Heidi. Sinabi kong bina-backstab siya ni Melissa. Noong panahong iyon, ang akala ko, mali ang magsalita ng masama tungkol sa ibang tao. Ngayon, naiintindihan ko na rin si Melissa. Nasasaktan din pala siya sa mga pangba-bara ni Heidi. Para sa akin noon, biro lang ang lahat.
Pagkasabi ko, sinugod ni Heidi si Melissa sa classroom. Nagsagutan sila, pero hindi naman umabot sa sabunutan.
Ako?
Tumakas.
Iniwan ko silang dalawa dahil duwag ako sa mga ganoong eksena.
Kalaunan, inamin ko rin kay Heidi na tumakbo ako.
Tinawanan lang niya ako.
"Pahamak ka talaga."
Noong second year, parang bodyguard ko si Heidi. Wala naman talagang nambu-bully sa akin, pero ang sarap sa pakiramdam na may taong laging nasa tabi mo na parang napakaimportante mo.
Kahit hindi ko siya pinapakopya ng assignment, hindi siya nagtatampo.
Lagi niya akong ikinukuwento sa iba. Lagi niyang sinasabi kung gaano siya kasaya kapag kasama niya ako.
At siya rin ang unang taong tumawag sa akin ng, "Best friend ko."
Hindi ko na maalala kung bakit hanggang ngayon naaalala ko pa rin ang itim niyang Sketchers.
Pero siguro, ganoon talaga ang alaala.
Minsan, ang pinakamaliit na detalye ang nagiging simbolo ng isang taong hindi mo nakalimutan.










