Salamin [Ni Elisheba Naungayan, Education Student]
Ibinaling niya ang pagsusuklay ng makintab at mahaba niyang buhok sa salamin habang nasa loob ng pampublikong banyo, at dahan-dahang binuksan ang pulang bag na Gucci na ipinatong sa lababong gawa sa puting marmol. Sa loob ng ilang segundo, kaliwa't kanan niyang kinilatis ang bawat sulok ng kanyang mukha. Napag-isip sandali saka humulma ng ngiti sa kanyang mga labi. Ang laki na ng pinagbago, daig na niya si Cristine Reyes na kinahuhumalingan ng mga lalaking naka-fitted na polo at naka-gel na buhok. Naglabas siya ng lipstick saka ininguso ang mga labing tulad ng kay Angelina Jolie, buong ingat na nilapatan ng pulang tinta na lalong nagpatingkad sa mapuputi niyang ngipin. Bawat makakita sa kanya'y nagmimistulang istatwa sa gilid, na ang mga mata'y naka-plaster sa Diyosa niyang mukha. Humakbang siya ng dalawang beses patalikod saka tumindig na tila isa sa mga kandidata ng binibining pilipinas. Umikot ng kalahati saka hinagod pababa ang bulaklaking bistida na yumayakap sa balingkinitang katawan. Nagpabago sandali sa pinagsamang amoy ng citrus at bubble gum. Matapos hangaan ang kaniyang sarili sa harap ng salamin, lumabas siya habang sinasalubong ang mga kalalakihang susunod na gagamit. Sa kalagitnaan ng aking ilusyon, sumambulat sa aking harapan ang malaking karatulang nakakabit sa pinto na men's room. Ang hirap mang tanggapin ngunit ang inakala kong Diyosa ang kagandaha'y ex-barako pala.










