Unang Hinaing: Sahod na Bitin
Lahat naman tayo ay humahantong sa ganitong sitwasyon. Hindi pa natatapos ang ikalabinglima o katapusan ng buwan ay bigla na lamang siya naglalaho. Alam niyo na kung ano ang gusto kong iparating. Bago pa lamang ako sa trabaho. Siguro nasa tatlong buwan pa lang ako sa pinapasukan ko. Aminado ako di gaanong kalakihan ang sahod ko ngunit ang iniisip ko na lang ay masaya ako sa ginagawa ko at sa propesyong pinasok ko ngunit sa pananaw ng isang praktikal na kumag ay maliit lang talaga siya. Ang ending, sa UTANG ako nabubuhay.
Nagsimula ako sa trabaho nang may utang na tangan nang matapos ‘yun inisip ko, “Yes! Wala nang susunod.” Matapos ang isang kinsenas... “Swa, kumuha ako ng 2k pambayad ng kuryente at tubig. Sa’yo ko pinalagay.” Ang ganda! Hindi pa ko tapos sa binubuno kong Cash Advance may dumating pang panibago. Ang masaklap pa, nagkaproblema sa pinagtatrabahuhan nila sina Mama at Papa. Ang resulta, BREADWINNER nang wala sa oras.
Alam ko naman ang obligasyon ko bilang panganay at naaalala ko ang bawat pangako na binitawan ko sa kanila... pero iba pala kapag ang tingin sa’yo ay buhay na ATM. Hindi naman sa nagmamaramot o kung anuman. Sadyang may mga bagay na dapat ko nang masimulan. May mga plano ako na dapat matupad. Gusto kong palawigin ang kaalaman ko sa larangan ng pagtuturo, gusto kong mas paigtingin ang kaalaman ko dahil nais kong manatili sa larangan ng pagtuturo upang maging kabahagi ng pagbabago sa akademya. Ayoko silang isipin bilang hadlang sa mga gusto kong mangyari ngunit napagtatanto ko na ganoon na pala ang resulta. Napapaisip ako tuloy, “masama na ba akong anak? “ Mahal ko sila, pero kailangan ko ring isaalang-alang ang sarili ko. Pero alam ko na sa dulo, magiging maayos rin ang lahat...
TIWALA, KAPIT at PUSO lang. <3









