Pagbalik ng Liwanag, Pagbalik sa Tahanan
Sa buhay natin sa mundo, may mga pagkakataong kinakailangan nating timbangin ang mga bagay-bagay, kailangang unahin ang sarili para sa mas malalim na pangarap. Kadalasan, kinakailangan nating lumisan upang bigyang daan ang mga pagkakataon para sa sarili, sa pamilya, at sa bayan.
Humigit-kumulang anim na taon ang lumipas bago ako muling nakabalik sa tahanan na minsan nang kumupkop sa akin—ang Tahanan ng mga Namumukod-Tangi. Sa dami ng dapat kong unahin at sa lawak ng mga pangarap na nais kong maisakatuparan, pinili ko munang ituon ang aking pansin sa aking sarili. Hindi ito nangangahulugang iniwan ko ang samahan, dahil kahit saan man ako magpunta ay tangan-tangan ko ang mga aral. Ngunit, hindi ako nakabalik dahil mas marami akong dapat unahin.
Sa pagpasok pa lamang ng taon na ito, sinubok na ang aking katatagan. Dumating ako sa puntong akala ko ay hindi ko na kakayanin. Sobrang nadurog ang puso ko—nawasak, nasaktan. Inakala ko na hindi na ako magmamahal muli. Napunta ako sa pinakamahirap at pinakamadilim na bahagi ng aking buhay, at di ko alam ang gagawin; nawala ang liwanag na AKO.
Subalit, sa di inaasahang pagkakataon, nakita ko muli ang Liwanag. Liwanag na nagbigay daan upang mapawi ang kalungkutan; liwanag na naging gabay pabalik sa tahanan; at liwanag na nagligtas sa akin sa pagkakalunod sa mga emosyon na hindi ko maipaliwanag.
Salamat sa pagkakataong makapaglingkod muli. Salamat sa pagpapahalaga sa akin bilang isang Kuya sa organisasyon. Salamat sa pagbibigay-daan upang muling makilala ang namumukod-tanging AKO. Ngumiti muli ako, nanabik ng muli, at napuno ng pag-ibig ang aking puso.
Gaya ng liriko sa aking paboritong kanta ng samahan:
"Kailanman sa iyong lilim, ako ay babalik, Pagkat hiwaga mo kahit saan ay hahanap-hanapin, Ikaw ang saksi sa aking pagkatao, Sa kanlungan mo nahubog ang isang ako."
Kahit gaano ka pa katagal nawala, kahit gaano katagal na panahon pa ang lumipas, muli't muli, lagi't lagi kang babalik sa tahanan na iyong minahal.
Salamat sa inyo. Patawad sa mga pagkukulang ko. Mahal ko kayo.

















