Singapore 2K18
Bihira kaming mangibang bansa ng pamilya ko. Siguro dahil abala din mga magulang ko sa kani-kanilang trabaho at isa pa, kakatapos ng lang ng ate ko sa kolehiyo pagkatapos ay nag trabaho na rin siya.
Kaya’t nung ako’y sabihan na aalis kami patungong Singapore, nung una ay ayaw kong maniwala kahit na sa loob-loob ko eh napakasaya ko.
Naniwala lang ako nung sinabihan ako ng magempake ng mga damit ko na pangapat na araw. Sabi ko sa sarili - totoo nga! “Singapore! Here we come!”
Sa sobrang saya ko, naparami ata ang nadala kong damit pero ang pinakaimportante sa lahat ay nadala ko ang iPad ko. Yan ang hindi ko maaaring makalimutang dalahin.
Unang Araw: Manila > Singapore
Maaga ang nakuhang flight namin kaya madaling araw pa lang eh nakahanda na kami para umalis ng bahay. Kapag ganito, pumupunta kami sa opisina ng Daddy ko para dun iwan yung sasakyan namin at kumuha ng Grab. Mahirap kasing kumuha ng Grab sa kung saan kami nakatira kaya para sigurado, ganyan kami pag umaalis.
Maaga kaming nakarating sa airport kaya’t nakapagalmusal pa kami. Pagkatapos ng isang oras, pinasakay na kami ng eroplano. Nakasakay na kami ng eroplano nung sabihing delayed yung flight namin. Isang oras din kami sa loob ng eroplano kaya natulog na lang muna ako. Ang tagal eh.
Mamaya-maya pa, naramdaman ko na yung makina at nagising ako. Aalis na kami, Manila!
Ilang sandali pa at tinanong ako ng flight attendant kung ano gusto kong kainin. Dahil kakakain lang namin, hindi ako maka isip kung ano gusto kaya’t ginaya ko na lang ang order ni Daddy. Chicken daw. Masarap naman sya at may pa-ice cream pa.
Matagal pala biyahe pero may TV screen ako sa harapan ko kaya’t nanuod muna ako ng pelikula pampalipas-oras.
Ilang oras pa at nakarating din kami ng Singapore. Woohoo! Hello Singapore!
Ang linis ng airport nila at ang bilis namin nakalabas. Kumuha ng van si Daddy at nung sasakay na kami, nagulat ako na ang drayber ay nasa kanan. Noon lang ako nakakita ng ganon. Panay ang pagpapasensya nung driver dahil daw traffic. Hindi daw normal na ganun sa Singapore. Sabi niya kasi daw doon din ang summit nila Trump at Kim Jong Un at yung tutuluyan naming hotel ay malapit sa hotel ni Trump. Ang daming check point pero mabilis pa din kumpara sa traffic natin sa Maynila.
Pagkatapos naming mag check-in, dumiretsyo kami sa Ikea. Syanga pala, may sarili kami kwarto ng ate ko. Woohoo! Yun lang, panay naman tawag ni mommy para i-check kami. Sa Ikea, kumain muna kami kasi medyo nagutom na kaming lahat. Ok yung Swedish meatballs. Busog!
Pagkatapos nun eh nagsimula ng mamili si Mommy ko. Ganado siya at parang hindi napapagod. Wala naman ako masyadong gusto kaya mabuti’t dala ko yung iPad ko. Pagod na pagod kami sa kalalakad pero pag dating sa hotel, kinaya pa din namin ng ate ko na maglibot sa malapit na mall para maningin ng make-up. Ang dami! Inabot kami hanggang magsara yung mall ng alas diyes. Nakabili ako ng ilang gusto ko pero hindi lahat kasi baka may mas maganda pa sa susunod na araw. Malapit lang naman yung mall sa hotel kaya kung wala, madali lang balikan.
Ikalawang araw: IMM, Merlion, Marina Bay at iba pang pasyalan
Kinabukasan, maaga kaming umalis ng hotel. Darating na si Trump kaya minabuti naming unahan bago pa lalong dumami ang check point. Sa IMM kami nagpunta. Maluwag talaga ang mga kalye sa Singapore kaya sandali lang din ang biyahe. Sarado pa yung ibang bilihan nung dumating kami kaya nag almusal muna kami. Unang tikim ko ng Kaya Bread. Parang may peanut butter na matamis. Dito marami kaming nabili. Maliban kay Daddy na isang polo lang ata ang nabili. Nung pagod na kami at naikot na namin yung buong mall, bumalik na kami sa hotel para iwanan yung mga pinamili namin tapos alis ulit papuntang Merlion, Marina Bay Sands, at Gardens by the Bay. Lakad na naman pero ang ganda! Pinaka gusto ko yung Gardens by the Bay. Siguro dahil aircon siya. Ang init kasi.
Pagod na pagod kami pag balik ng hotel kaya hindi na muna kami bumalik dun sa mall na malapit sa amin. Pahinga naman pagkatapos mag hapunan sa hotel.
Ikatlong araw: Universal Studios Singapore, S.E.A. Aquarium and Trick Eye Museum Singapore
Ito ang pinakagusto kong araw sa lahat. Maaga na naman kami at hindi na kumain sa hotel. Sa daan na lang daw kasi ito rin yung talagang summit nila Trump kaya’t nag-tren kami para siguradong walang traffic.
Pag dating namin ng Universal Studios, sarado pa pero may kaunting pila na. Buti na lang nag special pass kami kaya hindi na kami pumila. Sobrang daming tindahan ng kung ano-ano. Ang saya! Sumakay kami ng Transformers and Battle Star Galactica. Medyo mahaba na yung pila sa mga susunod na rides pero okay lang. Mainit, malagkit pero hindi ko inisip yun. Basta, ang saya-saya! Nagkukulitan kami ng ate ko at pinabayaan lang kami maglibot. Hay pagod din! At nakakagutom! Pagkakain namin, mainit na talaga ang panahon kaya’t nag S.E.A. Aquarium na kami. Dito malamig at napakadaming magagandang isda. Madami kaming nakuhang litrato dito. Nang malibot na namin lahat, nagaya ako sa Trick Eye Museum. Hindi na sumama si ate kaya kaming tatlo lang ni daddy at mommy ang naglibot. Maliit lang siya kaya natapos namin lahat wala pang isang oras at binalikan na namin si ate ko sa isang restaurant.
Pagod na pagod kami kaya pauwi, ayaw na ni daddy mag tren; kahit daw traffic okay lang. Kumuha ulit sya ng van para maayos kaming nakaupo hanggang makarating ng hotel. Pagkakain namin, binalikan namin ng ate ko yung mall na malapit sa hotel. Binili ko na yung iba ko pang gusto kasi bukas, babalik na kami sa Manila.
Ika-apat na araw: Balik Maynila na
Itong araw na ito, nag empake lang kami, kumain, at nagikot dun sa malapit na mall. Pahinga itong araw na ito. Hindi na kami bumili ng iba pa dahil maayos na yung pagkaempake. Pagkatapos ng tanghalian ay nag check-out na kami sa hotel at nagpunta sa airport. Ang ganda at ang linis! Nagikot pa kami at may konti biniling pasalubong para sa mga kaopisina nila daddy at mommy at para din kay Ate Mar.












