Pagsusuri kay Sakura
Sa pagsusuri nito bilang halimbawa ng maskulinidad o kalalakihan, mas mataas ang opinyon at pananaw ni Kero kahit isa siyang lalaking hayop. Nasusunod ang gusto ni Kero na piliin si Sakura at pilitin siyang sumabak sa mga pangyayaring hindi nakakasiguro ng kanyang kaligtasan. Hindi namang lagian na pinipilit niya si Sakura na humili ng mga baraha pero naging lubos na ito na si Sakura na mismo ang kumondisyon sa sarili niya na tanggapin at isapuso ang obligasyon na ito at kumilos sa sarili niyang kagustuhan.
Kahit pambabae ang anime na ito, hindi maipapagkait na puro lalaking mga tauhan ang pumapalibot sa buhay ni Sakura. Mga lalaki ang mga larawan ng awtoridad sa kanyang buhay. Ang kanyang ama ang taga-taguyod ng pamilya dahil namatay nang maaga ang ina ni Sakura. Susunod ang panganay na kuya na pumapangalawa sa pagtataguyod ng pamilya at kanyang sarili sa paraan ng pagtatrabaho sa iba’t ibang establisyimyento. Si Kero ang kanyang guro at taga-payo sa pagkukuha ng mga Clow Cards at ang taong gusto niya ay si Yukito. Halos iisa lang ang babae sa buhay ni Sakura na talagang malapit sa kanya, si Tomoyo. Bagama’t ganito ang estruktura ng serye, ang mga baraha o Clow Cards napapalagay sa mga katangian at aspetong pambabae base sa kung paano ito dinesenyo. Kahit na si Sakura ang pungunahing bida sa serye, hindi pa rin mawawala ang katotohanang nakapaluob pa rin siya sa sistemang patriyarkal.









