Pinaka Unang Social Media na Nagamit Ko – Remastered
Bago nagkaroon ng Facebook, Twitter (X na siya ngayo), Tumblr, Friendster, MySpace, at kung anu-anong algorithm na sinusubukang hulaan ang pagkatao ko - slambook muna ang social network ko. Kapag nasubukan mong sumagot sa Slam Book, pareho na tayong medyo gurang.
Isang notebook na binili sa National Bookstore. Bulaklakin ang cover, may mga heart-heart sa gilid, at amoy pabango ng Victoria’s Secret na pinilit ipaamoy kahit di mo hiningi.
Doon nagsimula ang lahat:
Ang pagkukunwari, ang pagpapakatotoo, at ang kasaysayang hindi sinasadya.
---
Profile ni Black sa Slambook
Pangalan: Sekreto Muna
Palayaw: Black, Tim, minsan “Pre” kapag wala silang maalala
Sex: Sure.
Zodiac Sign: Leo – gusto kong laging bida, pero kadalasan narrator lang ng buhay ng iba.
Libangan: Magtanong ng tanong na ayaw sagutin. Magkwento ng kwentong ayaw ulitin.
Kasabihan: Vincit Omnia Veritas – Truth conquers all at "Time is gold when watching bold"
Ambisyon: Magkapera. Kahit hindi milyonaryo, basta may pananghalian.
Kinakatakutan: Magutom - literal, emosyonal
Course: Golf course. Of course. Life’s obstacle course.
---
Mga Paborito
Kulay: Pula – rebolusyon ng damdamin
Libro: Lahat ng sinulat ni Roberto (kahit hindi ko alam kung sino siya)
Sports: Bisikleta – para kung gusto kong lumayo, may dahilan (Sports ba ito?)
Kanta: "Bawal na Gamot" – kasi masarap pakinggan kahit bawal ang tema
Subject sa School: P.E. – kasi kahit papano, may galaw kahit tambay
Pelikula: "Forrest Gump" – kasi kahit tanga siya, dire-diretso ang takbo
Pagkain: Dinuguan – maitim, malapot, malasa, delikado
---
Define Love
Love is blind.
Love is a rosary full of mystery.
Love has four letters, pero ilang taon mong dadalhin.
Love is like bubble gum—pag dumikit, kumakapit.
Love is sweet. Pero 'di mo puwedeng kainin sa gutom ng kaluluwa.
---
Tanong-tanong, Sagot-sagot
Gusto ko: Mapuntahan ang mga lugar na hindi ko pa kayang puntahan kahit sa isip
Hinihiling ko: Maging maayos ang mga buhay—kahit hindi akin
Ayaw ko sa: Pork… lalo na ‘pag sinungaling
Nagtataka ako: Tatalab kaya sa akin ang gluta?
Pinagsisisihan ko: Yung mga bagay na hindi ko ginawa. At yung ilang bagay na ginawa ko kahit ayaw ko
Mahal ko: Yung mga taong hindi agad umalis
Palagi akong: Nagtatanong ng may halong lungkot
Iiyak ako kapag: Naubos ang buwaya sa bansa - pero dahil masaya ako (Tears of Joy)
Hindi ako mabubuhay nang walang: Hangin. Kasi kahit walang pagkain, pwede pang huminga
---
Oo o Hindi
Naninigarilyo: Oo. Pero paunti-unti, gaya ng paglimot
Umiinom ng alak: Oo. Lalo na pag may rason na wag uminom
Nagbibigay ba sa namamalimos: Oo, pag may barya at may konsensya
Matagal maligo: Limang minuto. Sapat na para burahin ang ilang dumi, pero hindi ang alaala
Umibig na ba: Oo. Sa maling tao, maling oras, at minsan, sa sarili ko
Gusto bang maikasal: Depende - kung kaya niyang isama ang multo ko sa altar
---
Slambook: The First Feed
Sa slambook ko unang narinig ang salitang “crush” na hindi galing sa panga.
Doon ako unang nagsinungaling tungkol sa paboritong kanta ko.
Doon ko unang naramdamang may interes pala sa akin, kahit sa pamamagitan lang ng papel.
Ngayon, sa internet… parang lahat open book.
Pero noon, sa slambook. May privacy, may amoy, may bulaklak.
At bawal i-lock ang profile.
At sa mga huling pahina?
Mga mensahe ng pasasalamat na totoo man o hindi,
eh sapat nang dahilan para maalala kang minsan,
may sumagot sa mga tanong mo.
======================
May kwento ako.
Basta sagot mo ang kape ko.
Please, click mo yung link.
☕ coff.ee/kwentoniblack















