Larawan at Katha ni Ligaya
Sa wakas! Nagkaroon na rin ako ng lakas ng loob matapos ang pitong buwan.
Sa loob ng mga araw na iyon, para akong nasa impyerno—pilit na ginigisa ang sarili sa mantika. Mahirap siyang lunukin—sa umpisa. Sino ba naman ang matutuwa? Ang taong nagbigay ng dahilan kung bakit dapat kang maniwala sa pag-ibig. Ang naging rason para sumugal ka sa maraming “bakit” at tipong siya lamang ang makakapagsabi ng “kasi”, bigla na lang nawala.
“Napakatamis ng mga simula. Ng mga umaga na ang bumubungad sa'yo ay ang kanyang mukha. Nagaalmusal ka ng kilig at pagdating sa gabi ay baon mo siya hanggang sa paghimbing. Dito, dito mo matututunan ang tunay na kapangyarihan ng isang ngiti.”
Parehas nating nakamit ang kaligayahan ng tunay na pag-ibig. Marami tayong ala-alang nabuo—mga karanasan na kung susumahin ay puro kalokohan at tampuhan, pero nanatili dahil sa pagmamahal.
Naalala ko pa nga, tinanong ako ng ka-trabaho ko kung ano raw ba ang benepisyo kapag may jowa. Ang sagot ko naman,
“Hindi ko alam. Siguro depende pa rin (sa tao). Pero para sa'kin, masarap s'ya sa feeling. Tipong kapag nandiyan siya, pakiramdam mo safe na safe ka. Sa sobrang laki ba naman ng jowa ko eh!”
Madalas kong itanong sa sarili ko noon kung karapat-dapat ba akong mahalin. Maraming tanong ang gumugulo sa isip ko, kasabay ng mga problema na para yatang favorite ka dahil ayaw kang layuan. Kung minsan, nakwekwestyon nito ang sarili mong kahulugan. Naaapektuhan ang mga desisyon mo sa buhay, pati na rin ang pakikitungo mo sa ibang tao. At kasabay ng pagbabago sa sarili mo, pati rin pala yung taong nagmamahal sa iyo, nagbabago.
Ito yung bio ko sa Twitter dati. May nabasa kasi akong article na ang mga babae daw ay may pinaka-malakas na endurance pagdating sa sakit—mula sa pagkakaroon ng menstruation hanggang sa panganganak. Malakas din tayo magdala ng mga problema kahit kung minsan tayo ay nagiging emosyonal. Strong independent woman, ika nga nila.
At muli akong sumasang-ayon dito.
Sa panahon na nawala yung tinuturing kong greatest love (hehe), dito ako nasubok.
Para na akong hindi sisikatan ng araw. Mabibilang na lamang sa isang kamay ko ang panahon na bumaba ako sa aking kama. Gustong-gusto kong matulog, kasi alam kong doon lamang ako makakalimot. Kung dati paborito ko ang sunrise dahil sa sunshine, naging hate na hate ko siya noong panahon na iyon.
Sa bawat gising ko, bumabalik ang pakiramdam na, “heto na naman.”
Hindi ko alam kung ano ang tawag doon, pero iyon ang pakiramdam ko kung i-co-contextualize siya. Wala akong ganang kumain. Ni pag-inom ng tubig, hindi ko rin kaya. Sumabay pa ang pandemic—wala kang mga kaibigan na maaaya para samahan ka sa laban na kinakaharap mo.
Sobrang hirap—para kang pinapatay.
Pagkatapos ng pitong buwan, muli akong nakabangon sa laban na hinarap ko.
Marami akong pilat na kung hindi dahil sa betadine, hindi ako gagaling. At sa kwentong ito, ang tinuturing kong betadine ay iyong pamilya ko. Akala ko noon, mas okay kapag sa tropa o ibang tao ka naglabas ng sama ng loob. Hindi pala.
Mas maganda pala kung kasama mo sa laban ang pamilya mo.
Sila lang ang nakatulong sa akin. Pinaramdam nila na kahit hindi ako perpekto, may ibang tao na pwedeng tumanggap sa akin. At syempre, in God's perfect timing.
Naalala ko noong isang gabi na sobrang hirap na hirap ako. Alas-tres ng madaling araw, kung saan mahimbing na natutulog ang lahat. Nakaluhod ako at nagmamakaawa sa Diyos—na tanggalin na Niya lahat ng sakit, at handa akong tanggapin Siyang muli sa buhay ko bilang Taga-pagligtas ko.
Dasal at pagmamahal ng pamilya.
Eksakto ngayon araw ang ika-dalawang taong anibersaryo sana namin. Pero sa loob ng isa't kalahating taon na pagsasama namin, nagpapasalamat pa rin ako sa lahat ng mga bagay na naranasan ko—ngiti, tawa, saya, inis, tampuhan, galit, mga masasayang litrato, mga regalo, mga simpleng text at malalim na argumento—at yung mismong tao.
At isa lang ang natutunan ko sa laban na ito—
Hindi mo pwedeng patawarin ang sarili mo at ang taong nanakit sa iyo kung hindi mo kayang tanggapin sa sarili mo na nasaktan at nasasaktan ka.
Naguumpisa ang lahat sa acceptance.
At matatanggap mo lang ang isang bagay kung dadamhin mo ang sakit (o sarap) nito.
Pero ang pinaka-importante sa lahat—ang deadline.
Lahat ng bagay may hangganan. Hindi pwedeng patuloy ka na lang mawawasak at sisirain ang pananaw mo sa buhay. Dahil kapag hinayaan mong mangyari iyon, nababawasan ang chance mong makita ang totoong tagumpay.
Bigyan mo ng deadline ang bawat chapter ng buhay mo.
Hindi pwedeng hanggang dito ka na lang.
Patuloy ka pa ring magmahal.