Papa...
Hindi ko pa rin matanggap
Alam kong mapayapa ka na kung nasaan ka man ngayon, kasi nga, ni hindi mo ako dinadalaw maski sa panaginip man lang. Kaso, parang pakiramdam ko, ang dami kong hindi nagawa para sa 'yo. Although nasabi ko na 'to kay Mama at sinabi naman niyang huwag daw ako mag-isip nang ganoon kasi alam mo naman daw na ginawa ko ang lahat para sa 'yo, pakiramdam ko, sobrang underrated mo noong nabubuhay ka pa at sobrang hindi kita napahalagahan.
Bakit sumuko ka agad? Mangingibang-bansa pa tayo. Pupunta pa tayo sa La Union. Uuwi pa ulit tayo sa Samar na kasama ulit ako. Magba-Baguio at Tagaytay pa tayo. Magbibirthday ka pa sana for your 60th year sa Jollibee kasi you always have the kid in you. Payayamanin pa kita, 'yong tipong maghihintay ka na lang ng bigay mula sa akin. Ihahatid mo pa ako palagi kapag pumapasok. Makikinig pa ako sa mga rants mong nakakairita. Sasamahan pa kita sa mga away mo, kahit saan pa tayo mapunta. Kukunsintihin pa kita sa pagkain mo ng mga bawal na pagkain. Sasamahan mo pa ako sa office kapag kailangan ko ng katulong. Lalakarin mo pa ang kung ano-anong pinalalakad ko. Kakain pa sana tayo sa gusto mo. Ibibili pa kita ng sapatos sa birthday mo. Bibili pa sana tayo ng Christmas Tree at mga regalo. Magbebenta pa tayo ng paputok. Magluluto ka pa ng mga cravings ko.
Pero bakit nauna ka na, Papa?
Sa pagsagot-sagot ko sa 'yo, sa hindi ko pagbili sa ibang gusto mo, sa pag-aalinlangan kong magpautang sa 'yo minsan, sa sobrang pag-utos ko sa 'yo...sorry, Papa. Huli na eh, pero sorry, Papa. Alam kong pinatawad mo na ako.
Naaalala ko pa rin 'yong gabing sabi mo ay ayaw mo na. Akala ko ay ayaw mo lang ng tugtog ko noon na pamasko habang binabantayan kita. Hanggang sa mamilipit ka sa sakit ng tiyan. Hanggang sa dalhin ka namin sa mga ospital pero putangina wala man lang tumanggap sa iyo. Hanggang sa nakatulog ka no'ng umuwi na tayo. Akala ko, pagod ka lang noon at nagbabawi ka lang ng tulog. Habang tulog ka, nagbati kami ng kapatid mo, kahit hindi ako sang-ayon sa mga naiisip niya. Parang mas gumanda nga ang tulog mo noon. At bumawi rin ako ng tulog. Kaso ginising ako ni Mama, kasi bumababa na ang oxygen level mo. Lahat ng first aid na itinuro, ginawa ko. Umiiyak si Mama pero hindi ko pinapansin. Alam ko kasi babalik sa normal ang vital signs mo. Pero biglang hindi ko na naramdaman ang paghinga at pulso mo. Pero hindi ako nagpatalo, kasi hindi ko pwedeng sabayan ng iyak si Mama. Tapos bumuntong hininga ka. Akala ko, okay na. Hanggang sa wala na akong maramdaman mula sa iyo. Pati tibok ng puso mo, tumigil na. Tapos bumitaw ang kamay mo. Saka nagwala si Mama. Ako, hindi ko alam kung ano ang nangyari sa akin. Hinahawakan ko pa rin ang kamay mo. Niyayakap. Saka naramdaman ko ang kawalan.
Pero tangina, hindi pwede magluksa lang kasi kailangan mailagak ka na sa burulan. Walang ibang maglalakad ng mga dokumento maliban sa akin. Tulala si Mama at wala si Kuya noon. May sakit. Walang ibang choice. Ikaw ang gumagawa nito dati. Pero noong araw na iyon, ikaw na ang dahilan.
After three days, sumama na rin si Lola Liling sa iyo. Hindi ko na alam kung ano pa ang mararamdaman ko. Lalo siguro ni Mama. Bakit naman napakalupit ng Oktubre sa pamilya natin?
Ang sakit sakit pa rin pero kapag naaalala ko na nakapagsabi pa ako sa iyo ng I love you at sumagot ka rin ng I love you too, naisip ko, may tama akong ginawa sa iyo bago ka mawala. Tuwang-tuwa ako na naiiyak noong sumagot ka ng I love you too. At natakot din ako kasi baka mangyari ang kinatatakutan ko. At putangina, nangyari na nga.
Papa, sana mapanaginipan kita ngayong gabi. Kahit hindi ka magsalita. Pagaanin mo lang ang loob ko at yakapin mo ako. Pero huwag mo muna ako yayayaing sumama kasi hindi ko pa napapayaman sina Mama hehe. Sana yakapin mo ako sa panaginip, Papa.
Nga pala, malapit na ang Pasko at birthday mo. Ang minsang naging pinakapaborito kong buwan ay hindi ko na alam kung paano ipagdiriwang ngayong wala ka na.
Papa, tulad ng sabi ko pero hindi ko naman madalas sabihin sa iyo dati, mahal na mahal ko kayo ni Mama higit sa buhay ko.


















