Mahal, kamusta? Natatandaan ko pa, nung una kita makita Hindi ikaw ang taong pinangarap ko, hindi rin yung tipo ng tao na hinangad ko. Pero nabihag mo ako sa iyong mga salita, sa iyong mga mata - nabihag mo ang aking puso sa iyong musika. Nabihag ako sa iyong buong pagkatao... at ngayon nandito ka sa aking harapan muli.. Mahal kamusta ka? Apat na taon ang lumipas mula ng magumpisa tayong dalawa. Mula ng magkaron ng TAYO, sa ating dalawa lang. Naaalala mo pa ba ang bawat salitang binitiwan mo, ang pagmamahal na sabi mo ay sa akin lamang. Kaya mahal, binigay ko ang pagmamahal ko ng buong buo sa'yo. Ng walang pagaalinlangan, walang paghuhusga at wala ng papantay pa. Ngunit ito ay iyong iniwan sa gitna ng daan na walang mahihingan ng saklolo, sa sa ilalim ng karagatan na walang makakarinig sa nalulunod kong dadamin. Mahal, kamusta? Nasaktan ka rin ba? Sa iyong unti unting paglakad papalayo sa akin, habang pilit ko pang hinabol ang iyong mga kamay para hawakan ng mahigpit na mahigpit. Nahirapan ka rin ba? Sa mga araw na ako'y nagiisa at tanging ikaw lang ang hinahanap ng puso kong pinagtabuyan mo papalayo sa'yo. Naisip mo din ba na kahit papano ay lumingon muli patungo sa akin habang kaya pa isalba ang sarili at kaya pa makalimutan ang lahat ng sakit. Sa panahon lumipas, kahit anong sigaw sa pangalan mo, kahit anong hiling sa langit, kahit anong pakiusap sa mga bituin, hindi nila ako pinakinggan. Hindi mo rin ako pinakinggan. Kaya mahal, natuto ako maging matapang, tumayo mula sa pagkakadapa, at muling buhayin ang puso kong pinatay ng pagmamahal mo. At ngayon mahal, nandito ka muli sa aking harapan. Ang iyong mga tingin na hindi pa rin nagbabago at hindi binago ng panahon. Ang tinig na matagal ko hinangad na marinig muli. Ang buong ikaw na ninais kong makita at mayakap sa mga nagdaang taon. Ngayon nandito ka sa aking harapan - ang puso ko ay muli mong binihag. Nanumbalik lahat ng sakit, lahat ng lungkot at lahat ng alaala.. ngunit ikaw ay aking pinapatawad na. Dahil sa kabila ng lahat ng sakit, itinuro mo rin sa akin ang pagmamahal na wagas at totoo. Ang pagmamahal na hindi kailangan perpekto. Ang pagmamahal na walang hihingin na anuman kapalit. Na kailanman hindi kayang matapakan ng kahit sino, hindi kayang kalimutan lumipas man ang maraming taon. Mahal.. Kamusta? Mahal pa rin kita.