ikaanim
tama. hindi nabibigyang lunas ng panahon—o mahabang panahon— ang bakas ng kahapong pilit kinalilimutan—o inaalala— katulad ng mga lihim na kinakatakutang malaman ng iba— o ng mga tinig na humihingi ng tulong sa kawalan—dahil sadyang may mga lihim na kailangang maisiwalat para gumaan nang gumaan ang pabigat lang nang pabigat gaya ng lihim ng pag-ibig, ng poot, ng pagkasuklam, o ng pasasalamat at kapatawaran maging ang lihim ng pagkalas at pag-aklas na hindi mabigkas-bigkas dahil kalakip nito ang kahapong pilit kinalilimutan—o inaalala— tulad ng mga bagay na nilamon ng nagbabagang apoy at naabo o ng mga nag-aalab na damdaming nananatili lamang sa kaibuturan kahit nagpupuyos na ang damdaming makawala— o manatili—sa tanikala kung bakit? dahil sadyang may mga tinig na hihigop ng tapang at magpapanginig ng boses hanggang sa mautal nang mautal at mawala na nang tuluyan kaya’t mas pinipili na lamang ikubli ang katotohanan—kalayaan— kahit hindi pa nasusubukan sapagkat oo nga naman bakit ka susugal kung walang kasiguraduhan ang bunga ng pakiwari at baka-sakali— ang mabuo o lalong masira— ano bang pinagkaiba? hindi kapayaan ang dulot nito sa ‘kin: ang maipit lagi sa pagitan ng atras-abante at manaig ang kontradiksiyon ngunit narito pa rin ako; dahil minsan—o madalas—parehong masakit ang makalimot at makaalala ang maglihim at maghilom ang gawa-gawa at katotohanan tulad ngayon gaya dati habambuhay.








