Sana kaya mo rin akong ipaglaban.
Ang hirap maging babae. Minsan naiisip ko, grabe siguro yung kapasidad kong lumaban alang-alang sa pag-ibig kung isa akong lalaki. Kasi sa punto na 'to, kahit sabihin nating iba na ang panahon ngayon at pwedeng manligaw ang babae o siyang unang lumapit at gumawa ng paraan makuha lang yung taong gusto o mahal niya.. nakakulong parin ako sa mga salitang "babae ako." Oo, maituturing na kaduwagan, ngunit 'yun ako.
Araw araw iniisip ko, kung kaya mo lang akong ipaglaban, masaya siguro tayong dalawa sa bawat araw na nasasayang. Kung nakikita mo lang sana na napapasaya mo ko at kaya rin kitang mapasaya, na kaya nating pakalmahin nang magkasama ang bawat problema, at kaya kitang bigyan ng kasiguraduhan sa lahat ng bagay.. siguradong ang kasunod ay pag-ibig na sapat lang. Hindi labis, hindi rin kulang.
Hindi ko maintindihan yung parte na sinasabi ng ibang tao na may mga pagmamahal na hindi mo magawang ipaglaban. Marahil, hindi ako ganon, kaya hindi ko maintindihan. Marahil, talagang magkakaiba ang tao. Marahil, Love is really not enough. O kaya naman, hindi ganun kalalim yung nararamdaman, kaya naman kayang mabuhay kahit mawala yung taong yun sa mga kamay niya.
Bakit ang komplikado magmahal sa panahon ngayon? Bakit hindi kagaya noon, na kapag gustong-gusto ka ng lalaki, hahamakin niya ang lahat makuha ka lang. Bakit ngayon, hindi sapat ang may nararamdaman ka lang? Bakit ngayon eh parang laging may hinahanap at may kulang?
Hindi ba't wala namang sapat?
Hindi ba't walang perpektong sangkap?
Siguro hindi lang "tayo" yung totoong nakalaan. Siguro nga, hindi parin ikaw-at-ako ang itinakda para sa "walang hanggan."
Siguro'y isa ka na namang aral sa buhay ko. Pero, hindi parin ba sapat yung mga naranasan ko noon, para masabing natuto naman na 'ko? Hay jusko.
Kung pareho lang sana tayo, marahil ay alam mong pwede natin ilaban 'to. Alam mo rin na magiging masaya tayo, dahil hindi naman nag umpisang komplikado. Alam mo rin na kaya natin lumaban hanggang dulo.
Kung isa ka na namang leksyon sa buhay ko.. Siguro h'wag nalang natin pahabain pa ang istoryang 'to. Tara, bigyang tuldok na ang masasayang araw na magkasama tayo. Dahil nararamdaman kong - kung patatagalin pa, mas masakit ang kapalit kapag nasanay lang tayo sa panandaliang bagay na 'to.
Siguro nga, ako na dapat ang mag wakas nito.
Ngayon ay ika-12 na buwan ng taong 2023. Masasabi kong hanggang dito nalang ang kaya ko, mahal ko.












