Kausap ng babae iyong puso niya.
Baliw na, kumakausap ng internal organ mag-isa.
Sino naman ba kasi ang makikinig? Napagod na ang mundo.
Palagi na lang sinisisi ng babae ang walang malay na mundo.
Umiikot lang naman ito. Trabaho lang, ika nga.
Kasalanan ba ng mundo kung malungkot siya?
Kung ngayon, hindi siya mahal ng gusto niyang mahalin?
Ito nga, si tanga, sabi pa hindi na raw magmamahal.
May nakita na namang bago.
Tumitibok lang naman siya para sa dugo.
Pero syempre, sasabihin ng babae, ito na naman ang responsable.
Namili ka na naman ng bagong mamahalin, bulong pa nito.
Aasa ka na naman, sagot ng puso.
Ngingiti ang babae. Baliw na naman.
Mag-i-isip na naman ng kung anu-ano.
Yakap, halik, tang ina! Pati pangalan ng mga magiging anak.
Sa kagustuhan lang na may paglagyan ng pagmamahal.
Lalaban ang utak, ipapaalala niya na lahat naman ng bagay sa sistema, kontrolado.
Tulad ng puso, tama lang naman ang sirkulasyon niyan.
Nagkakamali lang kapag may nasira.
Eh sabi nga, lahat ng sobra, nakakamatay.
Pero itong si tanga, buhay na buhay naman.
Kahit sobra-sobra nang magmahal. Kahit umaapaw.
Tapos ano? Kasalanan pa rin ng puso kapag masakit na lang?
Kapag hindi na pasok sa pangarap ng babae.
Kapag gising na naman siya sa katotohanan.
Tang ina, mura pa nito. Maling pag-ibig na naman.
Maaawa ang puso. Bubulong, hindi naman iyan pagmamahal.
Gusto niya’ng sabihin na maganda naman talaga ang konsepto ng pag-ibig.
Na akala lang ng babae, pagmamahal iyong ibinibigay niya kahit hindi.
Sa tagal ng puso na kasama ang babae, kabisado na niya.
Ni minsan, hindi naman talaga ito umibig.
Dahil ang pag-ibig, hindi naman naging mali mula pa noon.
Mali lang ang mga tao na pinag-aalayan ng babae.
Ang puso naman, nanunuod lang. Titibok lang.
Titibok lang kahit nasasaktan ang babae.
Titibok para sa kanya, bago para sa iba.
Iyon naman kasi ang tama.
Ang unahin ang sarili bago ang iba.
Kaya hanggang wala pa, titibok lang ang puso.
Baka sa susunod, makahanap naman ng tama.
Kasi iyon naman ang dapat.
Tumuloy ang sirkulasyon kahit walang pinag-a-alayang pagmamahal.
Ngingiti naman ulit ang babae.
Sana para sa sarili naman niya, dasal ng puso.              Â
Ang gusto lang naman nito, tumibok para sa pag-ibig ng babae sa sarili.
Nakakapagod kasing tumibok nang tumibok kung ang gusto lang babae, huminga para sa ibang tao.
Eh, kaya nga isa lang ang puso.
Para lang sa babae, para lang sa may-ari.
Mabubuhay, mamamatay, para sa sarili.
Bago ang iba, bago ang mahal.