Paano na ang kinabukasan, sa kamay ng Pamahalaan?
“Nasaan nga ba ang tunay na pagbabago?”, iyan ang isinisigaw ng aking munting puso. Simula nang mamulat ako sa mundong ito ay di ko pa kailanman nasilayan ang totoong liwanag ng progreso sa bansang ito. Di ba nila napapansin na ang lupang ginagalawan natin ay umiiyak para sa simpleng pag-angat at pag-unlad?
Napakaraming pinuno na sa bansang ito ang nagdaan. Mga pinunong nangako para sa ikabubuti ng bansa. Pero tila napansin kong kulang sila sa gawa. Dumako tayo sa salitang “kahirapan”. Isang karaniwang salita ngunit may malawak na usapin. Kung iisipin, ay napakarami nang mga lider ang nagsasabi na sosolusyunan nila ang problema ng bansa pagdating sa kahirapan. Ngunit kung susumahin natin, makikitang lalo lang lumalaki ang suliranin ng bansang ito sa ganitong usapin, taon-taon. At kung tatanungin kita ngayon, sa tingin mo ba ay kakailanganin pa ng ating mga kababayang Pilipino na magtrabaho sa ibang bansa para tustusan ang pamumuhay ng kanilang pamilya kung maunlad naman ang Pilipinas? Malamang ay Hindi. Maliban sa isang kadahilanang nagkakahiwa-hiwalay ang mga Pilipino sa kani-kanyang mga pamilya, ay nais ko ring ipabatid ang pagbaba ng ekonomiya. Kung halos lahat na lang ng mga Pilipino ay maglilingkod para sa ibang bansa, sino pa ang matitira para sa tinubuang Pinas? Hindi ba’t isa itong kahihiyan para sa lupang sinilangan? O, Kahirapan, mistulang epidemya sa nagbabagong lipunan.
Ang teknolohiya, siyensya at modernong industriya ay ang mga bagay na halos nagpapagana sa makabagong henerasyon. Kasabay ng pag-unlad ng mga bagay na ito ay tila nakakaligtaan na ng pamahalaan ang pagdiskubre sa pagkitil ng karukhaan. At habang abala ang lahat sa mundong ginagalawan nila ay unti-unting namang humahanap ng paraan ang mga maralita upang maabot ang kasaganahan. Ngunit bakit sila ang tumutuklas sa bagay na ito, samantalang andiyan ang gobyerno at nagpapatakbo ng mundo? Wala ka bang napapansin? Sa usaping industriya, ang mga kamay natin ay may pinapatakbong makina, ngunit sino ang nakikinabang? Hindi tayong manggagawa kundi ang mga kapitalista.
Kawawang lipunan, mistulang napagiiwanan. Progreso raw nito’y magdudulot ng kaliwanagan. Mga solusyon sa kaginhawaan, ako’y nalalabuan. Pangako ng gobyerno ang pag-asang umulad, isang bagay na pinanghahawakan ng buong sangkatauhan. Mga lider ng bansa, nawa’y magising din sa katotohanan, na ang bansang ito ay humihingi ng katarungan.











