“May pananagutang moral ang taong pinaglalaruan nang walang-ingat ang lunas ng penicilina sa sinumang igugupo ng impeksyong hatid ng mga organismong matitibay sa penicilina.”
Humigit-kumulang 70 taon mula nang di-sadyang matuklasan ni Alexander Fleming ang penicilina, nagsilaki tayong panatag sa ideyang nagagamot ng mga antibiotiko ang mga impeksyon. Sa nakahahabang bahagi ng kasaysayan ng sangkatauhan, mga mikrobyo ang ugat ng ating mortalidad – mitsa ng buhay ang munting galos, nakaambang magnaknak, manuot sa dugo, kumalat sa katawan, at pumaslang.
Kaya anong palad nating nagsilaking sandigan ang kaisipang nawawakasan ng mga tableta ang pananakit ng lalamunan, ang latay ng hapdi ng pag-ihi, o ang pamimintog ng namumulang braso. Nang dahil sa mga antibiotiko, natutuhan nating mapanatag sa apoy ng lagnat. Natutuhan nating bulatlatin ang katawan, magtuwid ng baling buto at magtanggal ng mga bukol. Nang dahil sa mga antibiotiko, pumurol ang kalawit ng kamatayan at humaba ang buhay ng sangkatauhan.
Bagkus nitong taon lamang ng 2016, namatay ang isang 70-taong gulang na babae sa Estados Unidos matapos kumalat ang mga sihay (cells) ng Klebsiella pneumoniae sa kaniyang dugo. Nakuha niya umano ang impeksyon sa India nang mabalian siya ng hita. Nanuot sa kaniyang buto ang mga mikrobyo, lumagos sa balakang, lumusong sa dugo na nagsaboy naman ng impeksyon sa buo niyang katawan. Nang maiwui siya sa Amerika, natuklasan ng kaniyang mga manggagamot na walang talab sa kaniyang impeksyon ang alinman sa 26 na antibiotikong kasalukuyang ginagamit sa Amerika.
Samantala, taong 2016 din nang matagpuan sa ihi ng isang 49-taong gulang na Amerikana ang isang anyo ng Escherichia coli na hindi tinatalaban kahit ng colistin, isa sa pinakamababagsik na uri ng antibiotiko. E. coli ang pinakaraniw na sanhi ng Urinary Tract Infection at may mga angkop na gamot na nairereseta upang malunasan ito.
Hindi na bago ang ganitong mga pangyayari. Tatlong taon pa lang buhat nang matuklasan ni Fleming ang penicilina, nakatagpo na ng mga mikrobyong resistante sa kamandag nito. Sa ngayon, tinatayang may 700,000 kataong namamatay taun-taon dulot ng mga bakteryang malunasan ng mga antibiotiko.
Resistensya sa Antibiotiko sa Pilipinas
Hindi banyaga sa atin ang dalumat na may mga bakteryang hindi tinatablan ng gamot. Talamak, sa mga pagamutan gaya ng Philippine General Hospital ang mga bakteryang hindi iniinda ang karamihan ng mga antibiotiko. Tumpak, hindi na ikinagugulat ng mga doktor sa pagamutan ng bayan kung, ayon sa mga pagsusuri, tanging meropenem o colistin na lang ang mabisang gamot sa impeksyon ng isang pasyente.
Bagkus hindi lamang sa mga pagamutan umiiral ang gayong mga mikrobyo. Ang naturang tibay ng mga bakterya sa kapangyarihan ng gamot ang sanhi ng pagsulong ng pamahalaan sa palatuntunan ng TB - Directly Observed Treatment Strategy (TB-DOTS) sa mga pamayanan. Sa programang ito, pinapapunta ang mga may-tuberkulosis sa mga sentro ng gamutan kung saan tinitiyak ng mga tagapagpatupad ng TB-DOTS na iniinom ng mga maysakit ang mga gamot na dapat nilang iniinom sa takdang oras at sa wastong paraan.
Tuberkulosis ang isa sa pinakatalamak na sakit sa Pilipinas. Napakadali nitong kumalat. Tuwing uubo ang isang tuberkuloso, nagbubuga siya ng mga gamikmik na patak ng tubig sa hangin. Sa mga ito lumululan ang mga sihay ng sakit, na kung malalanghap ninuman ay maaaring makahawa. Kung aabot ang mga sihay sa baga, madali nang mag-ugat dito ang impeksyon.
Nagagamot man, iilan lamang ang antibiotikong mabisa laban sa tuberkulosis. Layon, samakatwid, ng TB-DOTS na pigilan ang pag-usbong ng mga anyo ng TBng matibay sa gamot. Ngunit sa kabila ng programang ito, dumarami pa rin ang mga kaso ng tuberkulosis na resistante sa gamot.
Nananatili namang matalab ang karamihan ng antibiotikong inirereseta ng mga doktor ayon sa kani-kanilang wastong gamit. Sa ngayon. Marami nang dalubhasa sa kalusugang pangmadla at sa medisina ang nababahala sa tumataas na bilang ng mga kaso ng impeksyong hindi malunasan sa karaniwang gamutan. Ibinababala nila na dahil sa talamak na pag-abuso at maling gamit sa mga antibiotiko, napipinto na ang panahong wala nang maipanlulunas sa mga impeksyon. Mabagal ang proseso ng pagtuklas ng bagong antibiotiko, at mabilis kumalat ang nangakahahawang sakit. Nanganganib gapiin ng mabilis na ebolusyon ng mga bakterya (na lalo pang pinatutulin ng di-wastong gamit sa gamot) ang ating mga sandata laban sa kanila.
Tatatlo ang lihim sa likod ng wastong gamit ng antibiotiko – h’wag magreseta sa sarili, uminom ng gamot sa tamang oras, at tapusin ang takdang haba ng gamutan.
Hindi lamang mga bakterya ang ugat ng impeksyon. Sanhi rin ng nakahahawang sakit ang mga amag (alipunga), protosoaryo (malarya), at virus (Hepa B). Maituturing man silang lahat na “mikrobyo” dahil pawa silang lingid sa matang payak, hindi sila magkakapareho. Kawangis ng pagkakahawig nila sa isa’t isa ang pagkakahawig ng mga aso sa mga puno. Hindi sa gayon iisa ang uri ng gamot na ipinanlalaban sa kanilang lahat. Antibiotiko ang ginagamit laban sa bakterya, antifungal ang ginagamit laban sa amag, antiprotozoan ang ginagamit laban sa protosoaryo, at antiviral ang ginagamit laban sa virus (kung mabagsik na uri ito). Samakatwid, bakterya lamang ang tinatalaban ng antibiotiko. Mantakin natin, bagaman mamamatay ang aso sa kalabit ng gatilyo, halos hindi nito mapipinsala ang puno.
Gayunman, hindi basta bakterya ang salarin tatalaban na ito ng anumang uri ng antibiotiko. Napakaraming klase ng bakterya, at may mga bakterya gaya ng M. tuberculosis na napupuksa lamang ng iilang natatanging gamot. Isiping bagaman hayop ding gaya natin ang mga aso, lason sa kanila ang tsokolateng madalas nating ipanghimagas. Sa gayon, iniaangkop ang inireresetang gamot sa hinihinalang espesipikong sanhi ng karamdaman. Kaya iba ang antibiotikong ginagamit laban sa tuberkulosis sa ginagamit sa UTI, sa ginagamit sa pulmonya.
Hindi madaling tukuyin ang sanhing mikrobyo ng maraming sakit. Madalas magkakahawig ang mga sintomas ng impeksyon, batay sa apektadong bahagi ng katawan, mapa-bakterya man, virus, o amag ang salarin. Kaya mahalaga sa diagnosis ang malalim na pag-aaral at masusing pagsusuri.
Himayin natin ang danas ng ubo, sipon, at lagnat.
“Kambal na gamot” ang tawag sa tambalang Paracetamol at Amoxicilina. Nakapagpapababa ng sinat o lagnat ang paracetamol, habang lumilipol naman ng maraming uri ng bakterya ang amoxicilina. Kaya oras na makaranas ng ubo, sipon, at/o lagnat, malimit kasangkapanin ang “kambal na gamot” bilang lunas.
Ito ngayon ang suliranin – lingid sa kaalaman ng marami, virus, hindi bakterya, ang pinakamalimit na sanhi ng trangkaso. Walang bisa sa kanila ang amoxicilina. Anupa’ t di man inuman ng gamot, kayang-kayang iraos ng katawan ang trangkaso sa tulong lamang ng maraming tubig at pahinga. Mawawakasan ng sistema inmune ang trangkaso sa loob ng limang araw uminom man o hindi ng gamot (ngunit kung tumagal ang sakit, o lumubha ang sintomas, agad sumangguni sa doktor).
Ang Pag-usbong ng Tibay sa Antibiotiko
Ito ang sagot sa hindi mo naitatanong – oo, nakasasama sa lipunan ang padalus-dalos na pag-inom ng antibiotiko.
Lason sa mga bakterya ang mga antibiotiko subalit hindi kagyat lumilitaw ang epekto ng gamot sa mga impeksyon. Pagkainom sa tableta, tutunawin muna ito ng tiyan bago sipsipin. Pagkatapos, ihahatid ng dugo ang gamot sa bahagi ng katawang dinapuan ng impeksyon. Samakatwid, hindi iglap ang proseso at hindi lantay na gamot ang umaabot sa mga mikrobyo.
Hindi magkakasintibay ang mga sihay ng bakterya. May iba sa kanilang napupuksa agad sa unang dosis, at may iba namang kinakailangan ng maraming dosis ng antibiotiko bago mamatay. Nawawala naman ang mga sintomas kung nalipol na ang malaking bahagdan ng mga bakterya. Samakatwid, madalas magmistulang hindi makatwiran ang takdang haba ng gamutan. Subalit upang matiyak na napuksang ganap ang mga mikrobyo, mahalagang sundin ang takdang tagal ng lunasán.
Mapanganib kung may mga binhay (germs) na makaliligtas sa gamutan. Patunay na higit silang malakas kaysa sa karaniwan ang kanilang pananaig bagaman nalipol na ng gamot ang mga kauri nila. Samakatwid, mas mahirap silang patayin. Dito nagsisimula ang antibiotic resistance.
Sapagkat wala na silang kaagaw sa pagkain at espasyo, papalitan ng mga bakteryang nakaligtas sa gamutan ang mga bakteryang napaslang. Darami ang mga ito sa katawan, nang tahimik at walang sintomas, lilikha ng mga salinlahi ng binhay na higit na matatag kaysa sa karamihan ng mga bakterya ng orihinal na impeksyon. Nahahadlangan ng sistema inmune ng malulusog na tao ang paglaganap ng mga bakteryang ito. Subalit oras na manghina ang resistensya, o kapag nagapi ng mga bakteryang sadyang mabagsik ang likas na pananggalang ng katawan, mag-aalsa ang mga bakteryang lihim na lumaganap bilang panibagong impeksyon. Sa pagkakataong ito, mangangailangan ng mas mataas na dosis ng gamot, o di kaya ng mas mabagsik na gamot, upang maipanumbalik ang kalusugan.
Dahil talamak ang maling gamit sa mga antibiotiko – pinugtong gamutan, maling dosis, pag-inom ng di-angkop na gamot – nangyayari nang nangyayari ang prosesong inilarawan ko. Kaya palakas nang palakas ang mga mikrobyo at pahirap sila nang pahirap puksain. Hindi malayong dumating ang araw na wala na tayong maipanlulunas sa mga nakahahawang sakit.
May mga sakit gaya ng TB na pinakapayak na anyo pa lamang ay napakahirap nang gamutin.
Noong 2014, itinaya ng Kagawaran ng Kalusugan na mahigit 34,000 katao ang namamatay sa tuberkulosis sa bawat limang taong lumilipas. Noong 2010 naman, pang-anim ito sa mga pangunahing karamdamang pumapaslang sa mga Pilipino. Dahil mabalasik at matibay ang mga sihay ng tuberkulosis, tumatagal ng anim na buwan ang gamutan sa payak nitong anyo, gamit ang apat na magkakaibang gamot. Bagkus maaaring umabot ng sampung buwan hanggang isang taong singkad ang gamutan kung tuberkulosis namang resistante sa karaniwang dosis ng gamot ang kinakalaban.
Makalipas ang dalawang buwan ng gamutan, gumiginhawa na ang pakiramdam ng mga may-TB: dumadalang kundiman nawawala ang marami sa mga sintomas. Sa pag-aakalang nalunasan na ang mga sakit nila, marami ang tumitigil pumunta sa TB-DOTS. Subalit makalipas ang ilang buwan o taon ng paglaganap sa kanilang mga baga ng mga bakteryang matitibay sa gamot, muling mag-aalsa ang lihim nilang impeksyon. Babalik ang ubong madugo at ang pangangayayat. Kaya babalik sila sa pagamutan, na may karamdamang mas mahirap nang lunasan. Lalong matibay, lalong mabagsik, at lalong nakahahawa.
Malimit itong mangyari, kaya susuriin ang mga mikrobyo upang tuklasin kung aling mga gamot pa ang tatalab sa kanila. Sa ganitong mga pagkakataon, karaniwang pinahahaba ang takdang gamutan – sampung buwan sa halip na anim. Kung mamalasin, lilitaw na resistante ang mga karamdaman sa unang hanay ng gamot laban sa TB.
Tatatlo ang hanay ng gamot na panlaban sa tuberkulosis.
Ito ang masaklap sa mga impeksyon – naipapasa sila. Hindi maaaring sarilihin ang mga bunga ng maling paggamit ng antibiotiko dahil napakadaling kumalat ng mga mikrobyo. Paglalarawan: daan-daang mga bata at sanggol na nahawaha ng tuberkulosis mula sa kanilang mga magulang, lolo, lola, o kapitbahay ang nilulunasan sa PGH taun-taon. Isipin sa gayon, kung may sasakay sa LRT na mayTBng mabagsik at walang sinasantong gamot.
Napakasimple ng simulain sa likod ng pagpigil sa paglaganap ng resistensya sa antibiotiko –ang makatwirang gamit sa gamot. H’wag magrereseta sa sarili kung hindi doktor. H’wag magmimintis sa pag-inom ng gamot. Tapusin ang takdang haba ng gamutan. Sumangguni sa lisensyadong manggagamot kung nangangamba sa nararamdamang sakit.
Sa madilim na nakaraan ng ating kalusugan, mapanganib ang anumang sugat, nakamamatay ang mga bali, at mailap ang tagumpay sa pagtitistis. Himagsik natin sa kalikasan at sa kamatayan ang mga antibiotiko. Bagkus nanganganib tayong malugmok muli sa pusali ng nakaraan, na bumalik sa panahong taning ang mabalian at kakambal ng bawat sanggol ang kamatayan. Hindi naman tayo inaanod ng tadhana tungo sa hinaharap na ito. Maláy tayong tagapagpaganap ng ating mundo sa bukas na sawimpalad ang sinumang mahahawahan ng sakit. Malinaw ang maaari nating gampanang papel – maaari nating pabilisan ang datal ng luksang bukas, o maaari nating alalahaning may pananagutan tayo sa isa’t isang gumamit ng mga antibiotiko sa wastong paraan.
Talasanggunianan
2013 Manual of Procedures for the National TB Control Program. 5th ed., Department of Health, 2013, 2013 Manual of Procedures for the National TB Control Program.
“Antimicrobial resistance.” World Health Organization, World Health Organization, 2017, www.who.int/mediacentre/factsheets/fs194/en/.
Gallagher, James. “Bug resistant to all antibiotics kills woman.” BBC News Website, BBC News, 13 Jan. 2017, www.bbc.com/news/health-38609553.
McKenna, Maryn. “Long-Dreaded Superbug Found in Human and Animal in U.S.” Phenomena: A Science Salon, National Geographic, 26 May 2016, phenomena.nationalgeographic.com/2016/05/26/colistin-r-9/.