Mali ‘to
Kinakabahan na ko kasi imbis na mukha niya ang nasa isipan ko, letrato na nating dalawa ang tinitignan ko. Nakaakbay ka sa akin sa letratong iyon. Kitang kita sa letrato kung gaano ka kasaya noong gabing iyon base sa ngiti mo. Ako naman ‘tong si tanga, hindi alam kung ano ang gagawin kung ngingiti o tatakpan ang mukha.
Kinakabhan ako kasi ikaw na napapanaginipan ko sa gabi. Ikaw na yung taong nakikita kong paulit ulit sa imahinasyon ko; na magigising ako ng sa aking kama ng umaga, katabi ang isa taong mahimbing ang pagtulog. Noong siya ang nakikita ko, nababalot ako ng lungkot. Pero noong ikaw na ang nakikita ko, napapangiti ako.
Shet, mali ‘to.
Kinakabahan ako kasi alam ko mali ‘to. Maraming tututol sa atin. Maraming bababa ang tingin sa atin. Gusto ko na itong tanggalin sa isip ko kaya sinusulat ko ito. Pero walang nangyayari. Habang sinusulat kita, mas lalo lang lumalakas ang aking kutob, ang aking kaba na baka gusto mo nga ako at baka gusto na nga kita. Hinihintay mo lang ba ako? Kasi kung hinihintay mo lang akong lumapit sayo, baka abutin ka na ng siyam-siyam. Hindi ako makagalaw. Tuwing iniisip kita napaparalysa ako. Kung hindi naman, pakiusap: wag mo kong lalapitan, wag mo akong ngingitian. Sinabi sa akin ng mga kaibigan ko noon napakahirap ko daw tantsayhin. Ngayon ko lang naintindihan ito, ngayong nahuhulog ako sayo. Layuan mo ko. Isa akong bombang ilang segundo nalang sasabog na. Masasaktan ako, masasaktan ka.
Kinakabahan ako sa ‘yo.
Kinakabahan ako sa sarili ko.
Kinakabahan ako kasi baka tama ako. Kinakabahan ako na baka kaya lagi nalang tayong nasasawi ay dahil para sa isa’t isa pala tayo.










