ANTI-MAGNETISM LAW
Kung ano ang iniisip mo, 'yon ang mangyayari.
Matagal ko nang sinasabi na positive thinker ako. I used to be a negative thinker. Akala ko positive thinker na talaga ako. Narealize ko, hindi pala talaga.
1. Count your blessings. Positibong pananaw. Pero gaya ng isang magnet, opposite poles attract, hindi ako nagbibilang ng blessings. Hindi na nga ako nagpapasalamat sa mga biyayang natatanggap ko, ang lakas pa ng loob kong magreklamo. Ang daming sana, ang daming inggit. Bakit 'yong iba, may sarili ng construction firm sa edad na 23. Samantalang ako eh 25 na, walang trabaho, walang lisensya, walang ipon.
Hobby ko na ang magbasa ng pocketbook, pampalipas oras at pampalibang. Sabi ng mga nerds, walang mapapala sa pocketbook dahil sinasayang mo lang oras mo. Mga nerdies, kanya-kanyang trip okay? Pero dito sa pocketbook, narealize ko na count your blessings.
Kung nagsasawa ka na sa pagkain ng kanin, aba, pag-isipan mo muna. Baka magtampo sayo ang bigas. Dahil ang mga Mangyan, pangarap nila na kumain ng kanin.
Pag feeling mo ikaw na ang pinakamalas sa mundo, isipin mo ang mga Mangyan (#rosetan).
2. Tiwala lang. Bakit hindi ka nagtitiwala sa isang tao? May dalawang dahilan. Una, dahil hindi mo sya kilala. Pangalawa, dahil kilala mo sya. Narinig ko lang 'yon. Hindi talaga ako ang orihinal na nakaisip no'n. Pero mapapaisip ka sa logic no'n.
Pano naman kung nagtitiwala ka sa maraming tao, pero hindi sa sarili mo? Pwede ba 'yon? Oo, pwede 'yon. Kapag may pinakamaliit kang insecurity sa katawan mo, alam na.
Pagkalipas ng mahabang panahon ay napag-isip isip ko na siguro kelangan ko na talagang harapin ang takot ko.
Magagawa mo ang isang napakahirap na bagay, kahit sa tingin mo eh imposible, basta nagtiwala ka sa sarili mo na kaya mo. Kung sa umpisa pa lang eh nagduda ka na sa sarili mo, magsasayang ka lang ng oras kaya wag mo na ituloy yang iniisip mo. Panindigan mo na lang 'yang kaduwagan mo at habambuhay mong yakapin 'yang takot mo. Habambuhay kang maiinggit sa mga may kotse dahil habambuhay kang takot sumubok magmaneho. Habambuhay ka lang nasa pwestong 'yan kung natatakot kang humakbang palayo.
3. Be positive. Kung parang me against the world ang drama mo, relax lang. Hindi porke't pangit ang nangyayari sa buhay mo ngayon, habambuhay na pangit 'yon. Malay mo sa future, mas pangit. Mas pangit talaga ang future mo kung hindi mo maapreciate ang present mo. Wala naman talagang future. At kahit anong gawin natin, magtime machine pa tayo, hindi tayo makakatuntong sa future. Dahil ang lahat eh present lang. Ang bukas pag dumating na, ngayon na tawag sa kanya. At ngayon ay magiging kahapon na lang pag dumating ang bukas. Pero kung bukas man 'yan o kahapon, hindi 'yan mahalaga. Ang mahalaga eh ung importante at importante eh ngayon. Ang mga ginawa mo kahapon, tapos na 'yon. Hindi mo na mababago 'yon. Ang pwede mo lang gawin, mabuhay ka nang matino ngayon, tingnan ko lang kung may irereklamo ka pa kinabukasan. Kung tingin mo, puro pangit ang nangyayari sa bawat ngayon na dumaan sa buhay mo, wag kang mainip. Mangyayari din ang maganda bukas. Kung dumating nga ang bukas. Marami kasi ang nag-iisip na agad kung ano'ng mangyayari kinabukasan. Subukan kaya natin na isabuhay ang ngayon. Wag nang isipin kung gano kapangit ang ngayon. Depende 'yon. Kung iisipin mong pangit ang nangyayari ngayon, manlulumo ka lang at mawawalan ng ganang mabuhay sa mundo. Pero kung iisipin mo na pangit nga ang sitwasyon mo ngayon pero may magagawa kang maganda, aba, baka may lumapit sa'yong maganda. Eh di sinuwerte ka pa. Gano'n daw kasi 'yon. Mag-isip lang tayo ng maganda, maganda din ang mangyayari. Basta may kasamang tiwala sa sarili at pusong mapagpasalamat, may naghihintay sa'yo na magandang bukas kahit gaano man ito katagal.














