yosi
Gabi na. Naglalakad tayo papunta sa bahay namin. Madilim ang paligid, tanging ilaw lang sa mga poste ang liwanag. Nagsindi ka ng yosi, humithit, sabay ibinuga. Kitang-kita ko ang usok habang ito'y unti-unting humalo sa hangin at tuluyang mawala. "Nagyoyosi ka na naman," sabi ko. "Ngayon lang ulit," sagot mo. "Bakit ba hindi mo tigilan 'yan?," tanong ko. "Pakiramdam ko nabubuo ako nito. Nawawala stress ko. Masaya," sabi mo. "Hindi ka masaya. Nasanay ka lang na 'yan ang ginagawa mo kaya akala mo kailangan mo." "Haha, pwede rin." Hindi ko maintindihan 'non kung bakit nahilig ka mag-yosi. Sabi mo tuwing nasestress ka lang naman. Sabi mo nahihirapan kang itigil. "Hindi kasi 'yun basta-basta." Tinanong mo ako 'non kung bakit wala akong bisyo. Sabi ko 'non, 'di ko alam. Ano ba sa 'yo ang bisyo? 'di ba, 'yun ang mga bagay na masama sa iyo pero 'di mo matigilan. Akala mo, wala akong bisyo. Meron - ikaw, at ang pagpili ko sa 'yo nang paulit-ulit. Ang tagal na rin pala. At tama ka, ang pagyoyosi, hindi mo basta naititigil - parang pagpili ko sa 'yo, na kahit walang magandang dulot ay itinutuloy ko pa rin. Ikaw ang yosi. Nagpapasaya sa akin sa tuwing pakiramdam ko hindi na ako sasaya pang muli. Pumapawi ng lungkot na minsan mo nang nadala, at madalas na kasama ng mga galit at takot kong magkamali. Tinatakbuhan ko sa tuwing hindi ko na alam kung saan ako papunta, kahit ang dami-daming ibang daanan, pinipili ko pa ring umuwi sa 'yo. Hithit, buga, hithit, buga. Paulit-ulit kong sinabing titigilan ko na, pero paulit-ulit pa rin akong bumabalik. Tuloy pa rin sa paghithit at pagbuga, hanggang sa maramdaman ko ang pagbagal ng tibok ng puso ko dahil sa sakit, dahil sa alam kong mali pero ginagawa pa rin. Sa huli kong pagbuga, nakita ko ang usok na nilikha mo, unti-unting sumasama sa hangin, at hinihintay ko na lang na mawala. Tama ka, hindi basta-basta natitigil ang pagyoyosi. Mahirap ngang tigilan ang nakasanayan. Nakarating tayo sa bahay ko, naubos na ang yosi mo. "Bye, Sean. Ingat ka," sabi ko. "Bye, Jade."










