Akala ko walang hanggan, pero eto tayo sa dulo.
Fourth year tayo ‘non. Galing ka ng kabilang section. Hindi nga kita pansin ‘non eh. Pero, gago siguro ang mundo. Kung hindi naman ako nahawa ‘nung sakit mong ‘yon, hindi tayo mag-uusap eh. May girlfriend ka ‘non, pero hindi ka tumitigil. Hindi ko alam kung anong gusto mo – kung saan ako lulugar at pupulutin ‘pag natapos lahat ng ‘yun. Iniisip ko ‘nun kung saan tayo mapupunta pagkatapos nating gawin lahat ng ‘yun, pero ‘di ko naman pala kailangang mag-isip masyado, kasi mawawala ka rin pala.
Ang mga pangakong binitawan?
Lumipas ang isang taon nang hindi ka nagpaparamdam. Hindi na rin ako lumapit ‘non sa’yo, kasi wala namang silbi ‘yun. May problema ako, at mas mahalaga ‘yun noon. Akala ko, tapos na tayo noon eh. Pero bumalik ka, dahil sa post ko tungkol sa isang concert ng bandang pareho nating gusto. Tanda mo pa ba noong sinabi mo na sa susunod na concert nila rito, magkasama na tayong manonood?
Noong ika'y nilalamig, ako'y iyong init.
kapag takot sa bukas, ako'ng unang sisilip
Sa pagbalik mo, wala ka nang girlfriend. Hiwalay na pala kayo. Bumalik tayo sa dati na parang hindi tayo naghiwalay – na para bang walang nangyari. Naging malapit tayo ulit, at sa pagkakataong ito, pareho tayong malayang gawin ang mga bagay na pareho nating gusto. Noong ginagawa natin ‘yung thesis mo, sobrang saya ko – kasi pinili mo akong maging bahagi ng isang bagay na importante sa’yo. Kahit pagod na pagod ako ‘nun galing school, kahit pagod na pagod na ako sa dami ng gawaing-bahay, kahit maaga pa klase ko sa susunod na araw, para sa’yo, nagpuyat ako para lang matapos natin – para lang makatulong sa tambak mong gawain.
Di pa din sapat kasi ika'y mawawala na.
Nawalan ng gana ang tadhana.
Nanlalamig ang dating nagbabaga.
Natapos natin ‘yung thesis. Natapos natin ‘yung sem. Natapos din tayo. Bigla ka na namang nawala, na parang wala kang ipinangako sa akin. Bigla kang natapos na para bang isa ka ring subject na good for one sem lang. Pakiramdam ko tuloy ‘non, ginamit mo lang ako para mairaos ‘yung gawain. Sabi mo sa akin, busy ka lang.
Kung maibabalik lang sana.
Titiisin ko na kahit paulit-ulit
Tapos pipilitin ko na di maulit
Ang masulyapan mo yung dulo
Ang gaan pa pala natin noon, ‘no? ‘Yung thesis lang, ‘yung deadline, ‘yung schedule nating hindi magtugma. Pinoproblema lang natin kung kailan tayo magkikita, kung saan, anong oras, pwede ka ba ‘non, pwede ba ako ‘non, wala bang ipapasa sa Monday? Nagtataka ako ‘non kung bakit ang dali para sa akin na magbitaw ng mga gawain, magsabi ka lang kung kailan. At ngayon, hindi ko mapigilang hindi isipin na sana ‘yun na lang ulit ang mga problema natin.
Bawat segundo sa aking puso iuukit.
Lahat ng alaala aking iguguhit,
para makalimutan mong may dulo.
Alam mo, pakiramdam ko, kung naalala mo lahat ng nangyari kung paano ko ito naalala, kung nakita mo lahat kung paano ko ito nakita, siguro, hindi ka rin madaling makakaalis. Siguro, mapapahinto ka rin at mapapatanong kung bakit palagi tayong ganito. Bakit parang andyan na, pero wala pa rin?
Nanlalamig na ang iyong braso.
Bakit ganyan? Bakit ganyan?
Kung pwede lang pakisagot lahat ng bakit.
Pwede ko bang malaman kung bakit ang bilis mo lang akong nabitawan? Alam mo, sana, hindi na lang ako nagkagusto sa’yo, pero hindi ko pinagsisisihan ‘yon, kasi dahil sa’yo, natuto ako na kaya kong magbigay nang hindi naghihintay ng kapalit. Pero dahil din sa’yo, kwinestyon ko lahat ng mali na pwede kong makita sa sarili ko.
Kailangan ko lang malinawan.
Bakit ganyan? Bakit ganyan?
Nakita ko ‘non sa Facebook mo na may nagugustuhan ka na palang iba. Hindi ko alam kung ano ‘yung dapat kong maramdaman ‘nun, kasi ‘di naman naging tayo. Nalaman ko rin mula sa’yo na ‘nung mga panahong umiiwas ka na ay nagpaparamdam sa’yo ‘yung isa mong ex. Pero hindi na. Hindi bale na lang.
Handang panindigan lahat ng ating plano.
Sigurado kahit di kabisado.
Tanda mo pa ba ‘yun? ‘Nung sinabi mo sa akin na sa susunod na pagdating ng paborito nating banda ay magkasama na tayong manonood ng concert nila? Tanda mo pa ba ‘yung nakapanood tayo ng sine dahil sa wakas nakakita na rin tayo ng oras na pwede tayong pareho? Tanda mo pa ba ‘nung una mong hinawakan ‘yung kamay ko? Tanda mo pa ba ‘nung nagtatanong ka pa sa akin kung nasaan na ako, kung nakauwi na ba ako, kung okay lang ako? Tanda mo pa ba ‘nung nagpapaalam ka pa sa akin kung saan ka pupunta? Tanda mo pa ba ‘nung nagsesend ka ng mga kantang tinugtog mo sa gitara para sa akin? Tanda mo pa ba ‘yung panahong sinasabi mo sa akin lahat ng mga kwentong mayroon ka, kasi pakiramdam mo ako lang ‘yung pwedeng makinig sa’yo? Kasi ako, oo, tandang-tanda ko pa.
Walang pake kung di sapat
Kasi ikaw ay mawawala na.
Nawalan ng gana ang tadhana.
Nanlalamig iyong dating nagbabaga.
Kung maibabalik lang sana.
At kagaya ng lagi mong ginagawa, nawala ka na naman. Hindi ko na alam kung pang-ilang beses na ito, o kung pang-ilang ulit ko nang sinabi na nawala ka sa post na ito, pero nawala ka na naman. Sabi ko sa sarili ko ‘non, uumpisahan ko nang umalis mula sa’yo. Naging matagumpay naman ako, nakausad kahit papaano.
Iindahin ko ang sakit na gumuguhit.
Ngingiti sa likod ng luhang pumupunit
Baka masulyapan mo yung dulo.
Sumali ako sa dyaryo ng school. Naging editor ako doon, at kinailangan ko na magpunta sa Caloocan campus, kung nasaan ka. Kinakabahan ako noon kasi unang beses kitang makikita pagkatapos ng isang taon. Gago talaga ang mundo, kasi nawala ako sa campus na iyon, at dalawa kayong tinext ko pero ikaw lang ang sumagot – kung kailan kita hindi inaasahan.
Ibibigay ko ang lahat paulit ulit.
Bawat pagkakataon ay aking isusulit,
Basta matalikuran mo yung dulo.
Bumalik tayo sa dati. Ipinakilala mo ako sa mga kaibigan mo na hindi nagtagal ay naging mga kaibigan ko na rin. Bumalik tayo sa dati, ang pinagkaiba lang, ngayon, mayroon tayong bagahe na pareho nating iniiwasang ipakita. Hindi ko alam kung ano ‘yung sa’yo – sana pala nagtanong ako. Nandito na naman tayo sa unang sem ng academic year. Parang ‘nung isang taon lang, ganito tayo, ngayon, ganito pa rin, pero pakiramdam ko noon, better na. Naniwala ako ‘non na kung sinubukan natin ulit, panigurado, kakayanin na natin. Pero kagaya ng mga bagay na minsan nang nabasag, hindi na tayo makakabalik nang buo, hindi ba?
'Wag ka munang tumalikod.
Tuwing pupunta ako doon para umattend ng meeting, lagi ninyo akong isinasama sa mga lakad ‘nyo. Kayo ng mga kaibigan mo, para kayong magkakapamilya, at masaya ako na naging bahagi ako ng pamilya ‘nyo. Masaya ako na sa loob ulit ng unang semester, nakilala ko ang mga tao na nasa likod ng thesis na ineedit ko lang dati. Masaya ako na nagkaroon ako ng pamilya sa lugar na hindi ko inaasahan. Ang saya pala talaga ng mga first sem ‘no? Sana pwedeng first sem lang lagi.
Wala na bang bisa aking dalangin?
Tinataboy na ba ng langit?
Nakikiusap na lang sa hangin,
Ngayon wala ka na sa akin.
At gaya lahat ng ordinaryong sem, natapos ulit ang first sem. Pang-first sem lang siguro tayo ‘no? Kasi ‘pag natatapos ‘yun, natatapos din tayo. Second sem na ngayon, at kagaya ng naunang second sem, nawala ka na naman.
Bakit ba biglang meron tayong dulo?
Pangako mo walang hanggan.
Bakit nandiyan ka sa dulo?
Pero iba rin ‘tong second sem na ‘to eh. Kasi noon, nagkakagusto ka lang sa iba’t ibang babae. Sanay naman na ako roon. Pero ngayon, may girlfriend ka na ulit. Last sem mo raw sya nakilala, sa isang bar. Naalala ko tuloy noon, kung siguro pumayag ako na sumama sa’yo ‘nung niyaya mo ako, hindi mo siguro siya nakilala. Sana pala ‘nung mga oras na magkasama tayo, sana mas inenjoy ko na ‘yun. Sana hindi ako umuwi agad, sana ‘pag kinakausap mo ako, mas lumapit pa ako. Sana hindi ako masyadong lumayo. Pero hindi na. Hindi bale na lang.
Pwede bang kalimutan mong may dulo?
Handa 'ko sa walang hanggan.
Pangako mo walang hanggan.
At eto na, ‘yung dulo na dapat matagal na nating narating. Siguro, kahit anong effort ang ibigay ko para hindi tayo makarating dito, wala talaga eh. Andito na tayo. Ang apat na taon, natapos din. Gago talaga ang mundo. Hanggang dito na lang siguro talaga tayo, kahit anong subok, kahit gaano kasaya, kahit gaano kasakit – hanggang dito na lang. Sana maging okay ka, wala akong ibang gusto para sa’yo kung hindi maging okay ka. Sana maging masaya ka, kahit hindi para at dahil sa akin.
Kung ika'y mawawala sa aking piling,
Lingon ka lang paminsan minsan.
Sa ating dulo, di ako lilisan.