SARILING PANANAW
Matapos ang panayam at pagmamasid sa komunidad marami akong aral na natutunan. Una, aaminin ko na hindi ko alam na ganoon pala kasinop at kahirap ang prosesong isinasagawa ng aming barangay sa paghahanda sa mga kalamidad.
Natuwa ako nang makita ko ang mga papeles na kung saan nakasaad ang mga plano ng barangay at mga hakbang upang maisakatuparan ito. Napagtanto ko rin na kulang pa rin ang pinansiyal na kapasidad ng aming barangay para tugunan ang buong komunidad kung sakaling magkaroon man ng malakas na bagyo, malaking sunog, o lindol. Mas naging malinaw din sa akin kung ano nga ba ang dapat gawin bilang isang mamamayan. Naiintindihan ko na hindi sapat ang maging alerto lamang sapagkat dapat ay mayroon din akong interaksyon sa aking barangay. Dapat ay matuto rin akong tumulong sa pagbibigay ng impormasyon sa iba, at dapat ay manghikayat din ako ng ibang tao sa komunidad na handang tumulong sa aming barangay. Isa pa, akin ring natutunan na mahalaga talaga ang magkaroon ng disiplina sa sarili. Ito ay hindi lamang sa ikauunlad ng barangay kung hindi ay ng bansa na rin sapagkat kapag natuto ang lahat ng tao mula sa iba’t ibang barangay na magkaroon ng disiplina’y hindi gaano mahihirapang umahon ang ating bansa matapos ang isang kalamidad.
Nararapat lamang na mabigyang solusyon ang mga isyung nabanggit sapagkat ito ang mga bagay na humahadlang sa pag-unlad ng aming komunidad. Hindi naman ibig sabihin na mayroong bagyo ay kalamidad na kaagad ito. Maaari pa itong maiwasan sapagkat ang bagyo ay isang bantang panganib lamang at kung mababawasan ang bulnerabilidad at maitataas ang kapasidad ng aming komunidad ay mas magiging mababa ang pagkakataong maging kalamidad ito. Masosolusyonan ito kung magiging aktibo ang miyembro ng komunidad at magkakaroon ng “pake” sa mga inilalatag na plano ng mga opsiyal ng aming barangay.
Bilang miyembro ng komunidad at ng Pilipinas, marami na akong magagawa simpleng paraan upang makatulong na mabigyang solusyon ang mga kinakaharap na problemang may kaugnayan sa kalamidad hindi lamang sa aming barangay, kung hindi na rin sa bansa. Ang mga paraang ito ay mahahati sa dalawa: bulnerabilidad at kapasidad. Una, matutulungan ko ang aming barangay na mabawasan ang bulnerabilidad sa pamamagitan ng simpleng pagpupulot ng basura at pagtapon nito sa tamang lagayan. Hihikayatin ko rin ang aking mga kaibigan at mga miyembro ng aming komunidad nang sa gayon ay mas maging madali ang pagpapanatili ng kalinisan sa aming lugar. Sa ganitong pamamaraan ay mababawasan ang pagkakataong bumaha sa aming lugar sapagkat kakaunting basura na lamang ang babara sa mga kanal. Ikalawa, makakatulong akong maibaba ang bulnerabilidad ng Pilipinas sa kalamidad sa pamamagitan ng aking mga social media platforms. Gagamitin ko ang mga ito upang maipaabot ang aking mensahe sa maraming Pilipino: “dapat ay magkaroon tayo ng disiplina at tanggapin natin na malaking papel ang ginagampanan natin sa pag-unlad ng ating bansa. Ikatlo, matutulungan ko ang aking komunidad na itaas ang kapasidad sa pamamagitan na pakikipagtulungan sa opisyal ng aming barangay sa pagbuo ng mga Barangay Risk Reduction Management Plans upang mas maging epektibo ang mga ito. Ikahuli, matutulungan ko naman ang Pilipinas sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang barangay upang malaman kung anong barangay ang kailangan pa ng tulong. Sapagkat hindi naman maikakaila na kahit may mga barangay mang sapat ang pinansiyal na kapasidad sa pagtustos sa mga ganitong klaseng plano at proyekto, marami pa ring barangay sa mga liblib na lugar ang higit na nangangailangan. Itatak lamang natin sa ating mga isipan na ang pag-unlad ng bansa’y nakasalalay sa atin kaya kailangan na nating kumilos kung nais natin ng tunay na pagbabago.











