May Dulo Pala
Naaalala ko pa no'ng una Masayang-masaya tayong dalawa Hawak kamay habang naglalakad Ngiti sa mga labi nati'y sagad
“Sa wakas,” sabi ko. “Sa wakas.” Nagtagpo na rin ang ating landas At mamamalagi ang mga bakas Ng pag-ibig na inakalang di magwawakas
Ngunit sa pagitan ng nadama nating saya Parang mayro'n akong hindi nakita Unti-unti tayong nag-iba Hanggang di na natin kilala and isa’t-isa
Pareho tayo dating laging sabik Sa ating bawat yakap at halik Ngunit ang pumalit at pananahimik Magkatabi ngunit walang umiimik
Pag-ibig na napakamakulay Unti-unting nawalan ng buhay Ang saya napalitan ng lumbay Sa isa’t-isa tayo'y naumay
Hinayaang mawala ang komunikasyon Kahit alam nating importante ‘yon Pag-ibig na singlalim ng karagatan Ngayo'y singbabaw ng tubig sa dalampasigan
Sinubukan kong iligtas, sinubukan ko Nagsalita ako upang marinig mo Ngunit imbes na makinig ka at mag-usap tayo Ang sabi mo lang, “ang drama mo!”
Mga away natin di pinag-uusapan Pareho tayong nag-aantayan “Matitiis nya ba ‘ko o matitiis ko sya?” Magbabati at babalik ulit sa umpisa
Habang tumatagal napapaisip ako Ano na lang ba ako sa buhay mo? Di ko na mahanap ang aking halaga Nasa sulok ako ng buhay mo’t nakatanga
Mga kaibigan mo'y di ako kilala Walang nakakaalam na may minamahal ka Tila ako'y bihag sa maliit na hawla Naghihintay at umaasang isang araw ako'y lalaya
Sa tagal ng ating pagsasama Sa'kin naging proud ka ba? Hanggang dulo nagtago ka Hindi mo masabi sa harap ng iba ang katagang “Mahal kita.”
Mahirap sumuko nang basta-basta Pero hindi ba mas mahirap lumaban mag-isa? Pa'no mo ipapanalo ang laban ng dalawa Kung sumusugod ka nang walang kasama?
Nagdalawa, tatlo, apat na isip Mga pangarap ko'y gumuguho pag ako'y pumipikit “Tama ba?” Tanong ko nang paulit-ulit Tama bang bumitaw na sa pagkakakapit kong mahigpit?
Naibigay ko na'ng lahat-lahat Ang tanong, “'di pa ba sapat?” Kinalimutan ko na ang aking sarili Sa pag-ibig masyado akong nawili
Pero ngayon ako'y nauto na Sa sarili ay dapat magtira Dahil mahalin man o iwan ka Alam mo sa sarili mong ika'y mahalaga
Oo masakit, lalo pag bago pa Ngunit balang araw babangon ka Maririnig mong umaawit ang mga ibon At ngingiti ka sa bagong buhay at pagkakataon
Hindi ko alam kung ano'ng nangyari Kung ba’t tayo nasira, hindi ko rin mawari Pero paalam, Mahal. Ayoko na Nakakalungkot isipin na pati langit may dulo pala












