‘Her ako!’: Ang Ebolusyon ng mga Pelikula ni Vice Ganda at ang Representasyon ng LGBTQ+ sa Pilipinas
Kung sinabi ko ba sa inyo noon na bakla ako, irerespeto niyo ba lahat ng kakayahan ko?"
Ang mga pelikula ni Vice Ganda ay isa sa mga napakaimpluwensiyal na representasyon ng iba't ibang papel ng bakla sa mainstream na pelikulang Pilipino, at maging ng iba pang kasarian sa kanyang mga kuwento. Bilang isang komedyante, artista, mang-aawit, at TV personality, madalas siyang bumibida bilang pangunahing karakter—isang queer figure na nasa sentro ng naratibo, sa halip na manatiling side character o comic relief.
Kilala si Vice Ganda bilang gay icon ng Pilipinas na nag-ambag sa mas malawakang pagtanggap ng LGBTQ+ community sa bansa. Nagsimula ang kanyang kasikatan bilang mang-aawit at komedyante sa mga comedy bar gaya ng The Punchline at The Library, bago lumipat sa telebisyon sa pamamagitan ng programang It’s Showtime, kung saan lalo siyang nakilala ng masa. Mula rito, sunod-sunod ang kanyang mga pelikulang komedya kung saan kadalasang inilalarawan ang “bakla” bilang pinagmumulan ng katatawanan—madalas din siyang nagiging target ng sariling biro at pangungutya.
Sa paglipas ng panahon, kapansin-pansin ang unti-unting pagbabago sa kanyang mga pelikula. Mula sa paggamit ng kabaklaan bilang simpleng punchline, nagsimula nang pumasok ang mas seryoso at emosyonal na pagtalakay sa identidad, pamilya, at pagtanggap. Gayunpaman, hindi palaging diretso o ganap ang pagbabagong ito; kadalasang may tensyon sa pagitan ng komedya at mas malalim na representasyon.
Sa artikulong ito, iisa-isahin ang bawat yugto ng mga pelikula ni Vice Ganda upang suriin ang posibleng impluwensiya nito sa pagtingin ng lipunan sa LGBTQ+ community, gayundin ang paraan ng kanyang paglalarawan ng iba pang kasarian sa loob ng kanyang filmography.
Ang Simula: Katatawanan Bilang Sentro (2010-2013)
Una siyang bumida sa kanyang pelikulang Petrang Kabayo noong 2010, na siyang nagbunsod ng kanyang karera bilang komedyanteng artista. Makikita kahit sa simula pa lamang ng kasaysayan ng kanyang mga pelikula ang pagkakaroon ng magulang na tanggap ang kabaklaan ng kanyang anak. Sa kwento nito, gumanap si Vice bilang isang maldita at matapobreng queer na karakter. Karamihan ng mga tauhan sa pelikulang ito ay ayaw sa kanya dahil sa kanyang ugali, ngunit sa lahat ng mga insulto nila kay Vice, kadalasang nagiging punchline ang kanyang sekswalidad at kasarian.
Hindi perpekto ang kauna-unahang representasyon ni Vice bilang pangunahing tauhan na bakla, sapagkat nagsusulong ito ng mga nakapipinsalang stereotype tungkol sa komunidad ng mga queer—perverted ang karakter ni Vice sa mga lalaking karakter sa pelikula, at basta-basta na lang naaakit sa kanila, para sa kapakanan ng komedya. Mapapansin ang pagkatulad nito sa kanyang mga susunod na pelikula. Maaaring makasama ang ganitong uri ng representasyon ng LGBTQ+ sapagkat nagbibigay ito ng ideya sa mga manonood na ganito rin ang pag-uugali ng lahat ng queer.
Sa kanyang sumunod na pelikula, The Unkabogable Praybeyt Benjamin (2011), tinalakay ang ilan sa mga kinakaharap na mga paghihirap ng LGBTQ+ community, tulad ng rejection mula sa pamilya dahil lamang sa kanilang identidad, at ang pananaw na nakaiimpluwensiya ang kasarian at sekswalidad sa kakayahan ng isang tao. Bagaman, ang pangunahing karakter na si Benjie ay may pamilyang sumusuporta at tumatanggap sa kanya, mayroon pa ring nakahalong pagdududa sa kanyang kakayahan.
May kapangyarihan ang komedya ng pelikulang ito sa kung paano nito ginamit ang humor bilang instrumento sa paglalantad ng isyung panlipunan. Ipinapakita nito na katawa-tawa ang mga kasalukuyang ideolohiya ng lipunan at ang mga baluktot nitong pananaw, at iniimbita ang mga manonood na pagtawanan din ito.
Sa kabilang dako naman, maaaring natatabunan ng komedya ang seryosong mensahe ng pelikula at pinapagaan ang dapat na mabigat na isyu. Sapagkat komedya ito, maaasahang papanoorin ito ng mga tao upang maaliw at matawa, at posibleng hindi nila mamalayan at seryosohin ang tunay na mensahe na sinusubukang iparating ng kwento.
Maliban dito, patuloy pa rin ang pag-usbong ng stereotypical na representasyon ng mga tauhang queer, bagaman mas toned-down na sa pelikulang ito.
Nagpakita ng isang queer na relasyon sa pelikulang This Guy’s In Love With U, Mare (2012), kung saan tunay na nagmamahalan ang dalawang partido. Ngunit nang naghiwalay silang dalawa, naging obsessive naman ang karakter ni Vice, hanggang sa tinakpan niya ang mga dingding ng kanyang kwarto ng mga litrato ng kanyang ex. Nagbalak siyang kunin muli ang loob ng kanyang minamahal sa pamamagitan ng pagpapanggap na siya ay isang straight na lalaki upang linlangin ang babaeng fiance ng kanyang ex, para magkagusto siya sa tauhan ni Vice.
Mapapansin dito ang patriyarkal na pananaw ng pelikula ukol sa kasarian. Sa pelikulang ito, nakikita niya ang babae bilang karibal, madaling lokohin, at hindi tapat sa kanyang relasyon. Kaugnay rito, mas pinalaki nito ang mga nakapipinsalang stereotypes. Maituturing na obsessive ex ang karakter ni Vice, at maliban pa rito ay mapapansin ang bi-erasure kung saan hindi kinikilala ng mga karakter na maaaring magkagusto ang isang indibidwal sa parehong kasarian at sa ibang kasarian. Dagdag pa rito, ginagamit ang tema ng pagpapakamatay bilang komedya, na isang sensitibong usapin.
Kasunod na ipinalabas ang Sisterakas (2012) kung saan kapansin-pansin ang mensaheng “family comes first” sa ilalim ng slapstick humor at absurdong kwento. Makikita ang husay at karanasan sa komedya ang dalawang pangunahing karakter na ginampanan nina Vice Ganda at Ai-ai delas Alas. Ngunit mapapansin din na lubos na umaasa ang komedya nito sa pisikal na karahasan na karaniwang natatanggap ng tauhan ni Ai-ai.
Inilalarawan bilang isang flawed at queer na karakter ang tauhan ni Vice—hindi ideyalisado ang representasyon nito at hindi rin maiuugnay ang kanyang mga negatibong katangian sa kanyang kasarian at sekswalidad. Ipinapakita nito na tao rin ang mga queer—nagkakamali rin gaya ng iba—at nagbubunsod ng diskurso kung kailangan bang positibo palagi ang paglalarawan sa kanila. Sa kabilang banda, maaari rin itong makita bilang negatibong representasyon ng LGBTQ+ community.
Sa pelikulang ito, mas lumilitaw ang dinamika ng karakter ni Vice sa kasamang mga babae—dalawang babaeng karakter ang nagsisilbing pangunahing kalaban niya: ang kanyang kapatid at karibal na CEO. Bagaman may presensya pa rin ang isang lalaking pinagtatalunan, kapansin-pansin na hindi na ito ang sentro ng tunggalian; sa halip, nagiging mas mahalaga ang ugnayan at kompetisyon sa pagitan ng mga babae. Sa ganitong paraan, makikitang unti-unti nang kumakawala ang naratibo sa pag-asa sa male validation, kahit nananatili pa rin ito bilang maliit na subplot. Gayunpaman, nananatiling problematiko ang paglalarawan sapagkat sa huli, iniuugnay pa rin ang pinagmulan ng antagonismo sa impluwensiya ng ina—na tila naglilipat ng “sisi” sa isa pang babaeng karakter.
At sa huli ay ang pelikulang Girl, Boy, Bakla, Tomboy (2013), kung saan kapansin-pansin ang kakayahan ni Vice gumanap ng apat na magkakahiwalay na tauhan na may kani-kaniyang personalidad at identidad. Mahusay ang paghahatid ni Vice ng kanyang mga linya at ang kanyang pagsasagawa ng mga visual gags. Dagdag pa rito, may pinagsasaligang mensahe tungkol sa pamilya, pagpapabaya, at paghilom.
Ipinapakita rin dito ang dalawang queer na karakter na inaasahan ng kanilang pamilya na magtaguyod upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Gayunpaman, kapansin-pansin ang paglalarawan ng babaeng karakter ni Vice bilang kontrabida at mapaghiganti—karibal muli ni Vice at kaagaw sa mga lalaki. Sa kabilang banda, inilalarawan niya ang kanyang lalaking tauhan bilang mas kalma at lohikal ang personalidad at siyang palaging nagsasaway sa kanyang kapatid na babae. Ang tomboy naman ay pinakita bilang mas mahinhin, rasonable, at mas sensitibo kumpara sa bakla na eksaherado, dramatiko, at mapanlait. Maliban dito, mapupuna pa rin ang tipikal na pisikal na karahasan bilang komedya at ang mga mapanlibak na biro patungkol sa kulay ng balat na na-normalize sa panahong iyon.
Sa pangkalahatan, nagtatalakay ng mga seryosong isyu ang mga pelikula ni Vice patungkol sa diskriminasyon laban sa queer community sa Pilipinas, ngunit kadalasan ay nawawalan ito ng bigat dahil sa hindi balanseng pagsasama ng sinseridad at komedya. Hindi lahat ng bisibilidad ay nakakabuti para sa komunidad, at minsan ay iba ang nagiging epekto ng mensahe kaysa sa orihinal na intensyon na nais iparating ni Vice.
Sa panahong ito, kapansin-pansin din ang paraan ng paglarawan ng ibang kasarian—lalo na ng kababaihan—na madalas inilalagay bilang kontrabida, karibal, o sentro ng biro. Kasabay nito, umiikot din ang ilang naratibo sa validation mula sa lalaki, kung saan ang romantic o emotional fulfillment ng queer character ay nakatali sa pagtanggap o pagmamahal ng isang male figure. Ipinapakita nito na kahit may pagtatangkang iangat ang representasyon ng queer identity, nananatili pa rin itong nakaugat sa mas tradisyunal at limitadong pananaw sa kasarian at relasyon.
Kasabay ng mga dinamikong ito sa kasarian, mahalaga ring mapansin ang paulit-ulit na pagbabalik ng ugnayan ng queer na karakter sa kanyang pamilya. Sa mga pelikulang tulad ng The Unkabogable Praybeyt Benjamin, Sisterakas, at Girl, Boy, Bakla, Tomboy, malinaw ang mataas na pagpapahalaga ng pangunahing tauhan sa kanyang mga magulang at pamilya—madalas ay handang magsakripisyo o magbago para sa kanila. Ang pamilyang ito ang nagsisilbing emosyonal na sentro ng naratibo, kahit pa ito’y puno ng tunggalian o hindi pagkakaunawaan.
Sa ganitong paraan, nagsisimula nang mabuo ang isang mahalagang pattern sa filmography ni Vice Ganda: ang queer character hindi lamang bilang indibidwal na naghahanap ng pagtanggap, kundi bilang miyembro ng isang pamilyang patuloy na hinuhubog at pinapahalagahan, Ang temang ito ng pamilya ang magsisilbing tulay sa susunod na yugto ng kanyang mga pelikula, kung saan mas lilitaw ang kanyang papel bilang tagapag-alaga at tagapagsalo ng responsibilidad.
Paglitaw ng Responsibilidad: Alaga at Sakripisyo (2014–2017)
Mabilis ang pagsikat ni Vice Ganda sa industriya, lalo na ang kanyang mga matagumpay na pelikula. Maituturing na siya bilang isa sa mga highest-grossing na artista sa bansa. Sa kasunod na yugto ng kanyang filmography, mapapansin ang tema ng pagiging tagapag-alaga ng kanyang pamilya, kadugo man o hindi.
Ang unang installment sa grupong ito ay ang The Amazing Praybeyt Benjamin (2014). Kumpara sa naunang pelikula nito, napatunayan na ni Benjie ang kanyang halaga bilang sundalo at nakamit ang respeto ng kanyang kapwa, pati na rin ang pagtanggap ng kanyang pamilya. Ipinapakita ng pelikula ang isang queer na karakter bilang parent figure at tagapag-alaga. Tinatalakay rin nito ang mga paksa tulad ng grief at abandonment, at isinusulong ang ideya na hindi nililimitahan ng kasarian at sekswalidad ang kakayahan ng isang tao.
Gayunpaman, nananatili pa rin ang ilang queer stereotypes sa tauhan ni Vice—over-exaggerated na emosyon, perversion, at pagbibiro sa kapinsalaan ng iba, pati na rin ang ilang fatphobic na komento. Dagdag pa ay hindi pa rin nawawala ang presensya ng isang lalaking pinagtatalunan niya at ang kanyang itinuturing “karibal” na babae.
Sinusundan ng Beauty and the Bestie (2015) ang tema ng paglisan ng magulang at ang pag-ako ng queer character sa responsibilidad ng pag-aalaga sa mga naiwang bata. Makikita rin dito ang sakripisyo ng karakter ni Vice upang suportahan ang kanyang mga pamangkin.
Dito, muling lumilitaw ang stereotypical na pag-uugali—perversion at ang ideya na kung ikaw ay lalaki, may gusto sa iyo ang iyong queer na kaibigan. Maliban dito, makikita rin ang prehuwisyo laban sa kababaihan—sa pamamagitan ng pag-iinsulto sa katawan at mga “nakatatawang” pangalan tulad ng “Miss Upanghet” at “Miss Hindi-Virgin Islands.”
Sa The Super Parental Guardians (2016), muling ginampanan ni Vice ang papel bilang tagapag-alaga, pinatitibay ang trope ng LGBTQ+ character bilang tagapuno ng kakulangan sa pamilya. Malinaw ang mensahe ng pagmamahal at pagtanggap, at mahusay ang pagganap ng mga artista, kabilang ang mga batang aktor.
Sinusubukan ng pelikula na maglakip ng panlipunang komentaryo sa pamamagitan ng paghahalo ng komedya at bahid ng politika. Ngunit, nagkukulang ito sa pagiging kritikal o satirikal sa politika at walang malinaw na tindig sa kung ano ang gusto nitong iparating. Para sa LGBTQ+ na representasyon naman, kapansin-pansin pa rin ang mga nabanggit na steryotipo tungkol sa queer community—pagiging maingay, pag-iinsulto bilang biro, agresibo, at lubusang sekswal. Mayroon namang emosyonal na lalim ang karakter, ngunit natatabunan ito ng mga exaggerated na mga katangian.
Sa Gandarrapido!: The Revenger’s Squad (2017), nadagdagan ang tungkulin ng LGBTQ+ karakter ng pagiging bayani ng bansa, kasabay ng pagiging tagapag-alaga ng pamilya. Makikita rito ang lubos na pagiging malambing ng karakter ni Vice sa kanyang mas nakababatang kapatid na hindi niya kadugo—maraming payo at palaging pinapaalala na mag-ingat siya—hanggang sa maituturing siyang overprotective at nakakasakal para sa kanyang kapatid.
Tinatalakay nito ang pamilya, pagkakasundo, at ang queer character bilang idolized figure. Dito, hindi sentro ang kanyang kabaklaan kundi ang kanyang personal na karanasan at trauma. Ngunit, kita pa rin ang pattern ng pagbibigay ng love interest sa mga karakter, lalo na si Kweenie, na ginampanan ni Pia Wurtzbach, at ang karakter ni Vice sa dulo ng pelikula.
Makikita sa panahong ito ang unti-unting pagbabago sa representasyon—nagiging mas makatao ang queer characters at ipinapakita na kaya nilang gampanan ang mga responsibilidad sa pamilya. Bagaman hindi pa rin perpekto, ito ay isang hakbang patungo sa mas malalim na pag-unawa at pagtanggap.
Bagaman nananatili ang ilang stereotype, mapapansin din ang unti-unting pagbabago sa paglalarawan ng ibang kasarian. Ang mga babaeng karakter, na dati’y madalas kontrabida o punchline, ay nagsisimula nang maging kakampi o bahagi ng support system ng pangunahing tauhan. Gayundin, unti-unting lumilihis ang naratibo mula sa pagtuon sa romantic validation—lalo na mula sa lalaki—patungo sa mas malawak na konsepto ng pamilya, responsibilidad, at ugnayang hindi nakasentro sa romantikong pag-ibig.
Pantasya at Realidad (2018–2022)
Sa yugtong ito, tila nasa rurok na ng kanyang kasikatan si Vice Ganda—malaki ang audience, siguradong-sigurado na kikita ang pelikula, at malinaw na ang kaniyang “formula,” o istilo ng pagbabahagi ng kuwento at mensahe. Ngunit dito rin mas naging kapansin-pansin ang limitasyon ng pormulang ito. Habang patuloy ang visibility ng queer characters sa mainstream, nagsisimula nang mapansin ang paulit-ulit na estruktura at ang kontradiksyon sa pagitan ng mensahe at ng mismong pagpapakita nito.
Sa Fantastica (2018), makikita ang malinaw na duality ng kanyang brand. Sa isang banda, si Vice ang sentro ng pelikula—siya ang nagdadala ng enerhiya, emosyon, at direksyon ng kwento. May pagtatangkang maglatag ng mensahe tungkol sa pagtanggap sa sarili at pagmamahal, na sumisilip sa ilang linya at eksena. Gayunpaman, ang mismong pelikula ay paulit-ulit na bumabalik sa mga birong mapang-insulto, body-shaming, at seksual na mga gag na nagpapahina sa mensaheng ito.
Dito lumilitaw ang isang mahalagang ideya: ang queer character ay visible, pero hindi pa rin ganap na nirerespeto sa loob ng naratibo. Siya ang bida, ngunit siya rin ang biro. Ang linya ng karakter—”’Pag nagseryoso ba ako, mamahalin niyo ako?”— ay sumasalamin sa mas malalim na realidad: ang pagtanggap ay kadalasang may kondisyon. Kailangan mong maging nakakatawa, nakakaaliw, at magaan para tanggapin ka.
Sa The Mall, The Merrier (2019), nagpapatuloy ang parehong padron. May potensyal sana ang konsepto—ang mall bilang simbolo ng consumerism at modernong kulturang Pilipino . Ngunit, nananatili lamang ito bilang background o simpleng tagpuan. Sa halip na maging isang matalim na komentaryo, nauuwi ang pelikula sa pamilyar na halo ng slapstick comedy at family drama.
Gayunpaman, may isang paulit-ulit na tema na mas luminaw dito: ang queer character bilang haligi ng pamilya. Siya ang tagapamagitan, tagasalo ng problema, at madalas ang pinaka-nagsasakripisyo—ngunit hindi rin ganap na pinapahalagahan. Ito ay sumasalamin sa konsepto ng “invisible labor,” kung saan ang kontribusyon ng isang tao ay mahalaga ngunit hindi kinikilala.
Sa Partners in Crime (2022), may bahagyang paglihis mula sa nakasanayang porma. Mas toned-down ang seksual na biro at mas nakatuon sa relasyon—lalo na sa mga tema ng pag-iiwan o pagtatakwil, pagbabati, at tiwala. Ang karakter ni Vice ay may mas malinaw na emotional core: takot sa pagiging katulad ng isang taong nawalan ng koneksyon sa pamilya dahil sa sariling ambisyon.
Bagamat nananatili ang ilang elemento ng komedya at exaggeration, makikita dito ang unti-unting paglipat mula sa purely comedic persona tungo sa mas layered na karakter. Hindi na lamang siya tagapagpatawa—isa na rin siyang taong may takot, panghihinayang, at kagustuhan o pangangailangan na bumalik sa pamilya.
Sa kabuuan, ang panahong ito ay nagsisilbing transitional phase ng mga pelikula ni Vice Ganda. Nananatili ang mataas na visibility ng LGBTQ+ na mga karakter, ngunit nagsisimula nang mabunyag ang kakulangan sa lalim at inobasyon. Ang queer character ay patuloy na sentral at makapangyarihan sa naratibo, ngunit nakatali pa rin sa isang pormulang paulit-ulit at minsan ay sumasalungat sa sarili nitong mensahe.
Sa yugtong ito, mas lalong humihina ang presensya ng tradisyunal na “love story” bilang sentro ng kwento. Sa halip, napapalitan ito ng mga naratibong nakatuon sa pamilya, personal na pag-unlad, at emosyonal na koneksyon na hindi nakadepende sa romantic validation. Kasabay nito, mas nagiging balanse rin ang pagtingin sa ibang kasarian—hindi na lamang sila antagonistic figures, kundi bahagi ng mas komplikadong ugnayan sa loob ng kwento.
Mas Malalim na Pagtingin: Pagbabago ng Naratibo (2022-2025)
Dito nagsisimula ang tuluyang pagbabago ng “formula.” Hindi na sapat ang visibility—kailangan na ng lalim, nuance, at pananagutan sa kung paano ipinapakita ang queer identity.
Sa And The Breadwinner Is… (2024), malinaw ang shift mula sa “bakla bilang punchline” tungo sa “bakla bilang tao.” Si Bambi ay hindi na lamang comic relief; siya ay pagod, pressured, at emotionally stretched. Ang kanyang monologong “kung huminto ako, sinong gagalaw?” ay naglalantad ng bigat ng pagiging breadwinner at ng expectation na laging magbigay ang queer family member.
Mas nagiging grounded ang representasyon: hindi na karikatura kundi isang tao na nakararamdam ng pagkasala, may responsibilidad, at limitasyon. Gayunpaman, dala pa rin ng pelikula ang lumang porma—ang biglaang paglipat mula drama pabalik sa komedya ay nakakaapekto sa lalim ng mga eksena. Maraming temang sinubukang talakayin, ngunit hindi lahat ay nabigyan ng sapat na espasyo.
Sa kabila nito, ito ang malinaw na turning point: mula stereotype patungo sa humanity.
Mas lalo itong naituwid sa Call Me Mother (2025). Dito, halos tuluyan nang iniwan ang exaggerated comedic persona ni Vice Ganda. Ang kanyang karakter na si Twinkle ay isang ganap na magulang—mapag-aruga, flawed, at vulnerable.
Ang sentral na tanong—ano ba ang tunay na pagiging ina: dugo o pag-aaruga?—ay hindi sinasagot sa simpleng salita. Sa halip, ipinapakita ang komplikasyon nito sa pamamagitan ng relasyon nina Twinkle at Mara. Pareho silang may karapatan, pareho silang may pagkukulang, at pareho silang may pagmamahal.
Mahalaga rin ang representasyon dito: ang queer parenthood ay hindi na biro o novelty. Isa na itong lehitimong anyo ng pamilya na kailangang ipaglaban laban sa sistemang hindi agad kumikilala rito. Hindi na lamang nagsasakripisyo ang queer character—hinihingi na niya ang karapatan niyang kilalanin.
Kung ang mga naunang pelikula ay puno ng kontradiksyon, dito nagiging mas buo ang mensahe. Ang queer identity ay hindi na nakatali sa pagiging nakakatawa o entertaining. Ito ay ipinapakita bilang kumpleto—may lakas, kahinaan, at dignidad.
Sa kabuuan, ang panahong ito ang nagmamarka ng pinakamalinaw na ebolusyon sa filmography ni Vice Ganda. Mula sa visibility na walang lalim, patungo sa representasyong may intensyon at saysay.
Sa puntong ito, malinaw na hindi lamang ang mga pelikula ang nagbabago—pati ang mismong tindig ni Vice Ganda bilang storyteller. Mula sa mga naratibong umaasa sa stereotype at external validation, lumilipat siya sa mga kwentong mas nakatuon sa dignidad, relasyon, at pagkilala sa sarili at sa iba. Dito mas nahahayag ang kakayahan ng sining na hindi lamang sumalamin sa lipunan, kundi unti-unting baguhin ang pananaw ng mismong lumilikha nito.
Sa pangkalahatan, hindi maikakaila ang ambag ng mga pelikula ni Vice Ganda sa pagdadala ng LGBTQ+ representation sa mainstream na pelikulang Pilipino. Sa isang industriyang matagal nang konserbatibo, nagawa niyang ilagay ang isang queer na karakter sa sentro ng kuwento—hindi bilang sidekick, kundi bilang bida. Para sa marami, siya ang naging unang “mukha” ng komunidad na kanilang nakita.
Ngunit hindi sapat ang pagiging visible lamang.
Sa mga naunang yugto ng kanyang filmography, malinaw na ang representasyon ay kadalasang nakasandig sa stereotype—ang bakla bilang katawa-tawa, maingay, at laging handang gawing biro ang sarili. Kasabay nito, lumitaw din ang iba pang problematikong portrayals: kababaihan na binababa sa kanilang pisikal na anyo o ginagawang punchline, at mga bata na minsan ay inilalagay sa mga papel na inuulit ang parehong stereotype para sa komedya. Ang ganitong mga representasyon, kahit nakakatawa sa unang tingin, ay may epekto—inuulit at pinapatibay nito ang mababaw at minsan ay mapanirang pagtingin sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Sa paglipas ng panahon, makikita ang malinaw na pagbabago. Unti-unting lumalim ang kanyang mga karakter—mula sa pagiging punchline tungo sa pagiging tao: may responsibilidad, pagod, at emosyon. Sa mga huling pelikula, mas naging maingat ang paglapit sa mga temang tulad ng pamilya, identidad, at sakripisyo. Dito nagsisimulang makita ang mas responsableng representasyon—hindi perpekto, ngunit mas may kamalayan.
Gayunpaman, ang pag-unlad na ito ay hindi nangangahulugang nabura na ang mga pagkukulang. Nananatiling mahalaga na kilalanin ang parehong progreso at problema. Sapagkat sa isang medium na kasinlawak ng pelikula, ang paraan ng pagpapakita ng mga karakter—lalo na ng mga marginalized na grupo—ay may direktang impluwensya sa kung paano sila nakikita at tinatrato sa totoong buhay.
Sa huli, ang filmography ni Vice Ganda ay maaaring ituring bilang salamin ng mas malawak na kalagayan ng Philippine cinema: puno ng aliw at impluwensya, ngunit patuloy na hinahamon na maging mas responsable, mas inklusibo, at mas malalim.
Mahalaga ring makita na ang pagbabagong ito ay hindi lamang nangyari sa loob ng kanyang mga pelikula, kundi sa kanyang mismong pagtingin sa iba’t ibang kasarian at relasyon. Kung sa mga naunang yugto ay nakasentro sa stereotype, antagonismo, at romantic validation ang kanyang mga kwento, sa mga huli ay mas nangingibabaw na ang pagkakapantay-pantay, ugnayang hindi nakatali sa romansa, at mas makataong pagtingin sa bawat karakter. Sa ganitong paraan, makikita na ang ebolusyon ng kanyang filmography ay kasabay ng ebolusyon ng kanyang pananaw bilang isang artist.
Ang tunay na layunin ng representasyon ay hindi lamang ang makita—kundi ang makita nang tama. Ang visibility na walang respeto ay ingay lang—hindi pruweba ng pag-unlad.
//nina Gerty Duque at Sam Bugayong












