March 18, 2024. Sa daan pauwi.
Bumalik ang grupo natin sa Protected Area Office para kunin yung mga certificates. Nagpagawa ka rin ng certificate nun kasi naaalala kong sabi mo na gusto mong may maipakita ka na totoong na-conquer mo ang Mt. Pulag kasi nga di naman yun ang hilig mo. Nahigit ka lang naman ng mga katrabaho mo kasi sabi sa'yo madali lang naman. Isang malaking scam pala. Hahaha
Weird nga eh kasi tayong dalawa yung saktong magkasamang pumasok doon sa office kasi sabi mo titingin ka ng mga souvenirs. Eh yun nga rin ang gagawin ko kaya pumasok ako ng office. Habang hinihintay ng iba nating kasamahan yung certificates sa labas ng office, sobrang abala naman tayo sa pagpili ng souvenirs na ref magnets nun. Nung nakapili na tayo, nagbayad na tayo doon sa babaeng staff at naghintay ng ilang minuto.
"Sayang wala akong dalang picture ko," sabi mo habang nakatingin ka doon sa isang mini gallery na puno ng pictures ng mga taong pumunta doon. Nakastapler ang iba't ibang sukat ng mga larawan nila, mapa-ID photo or polaroid ay naroon. Actually, napasilip din ako sa wallet ko kung meron akong ID photo pero maski isa wala akong nahanap.
"Ano, sir, maglalagay ka ng picture?" tanong ko.
"Ang lakas mong mag-sir eh mas matanda ka pa sa'kin!"
"Syempre formal tayo. Alangan namang kuya ang itawag ko sa'yo," paliwanag ko. "Bakit, ilang taon ka na ba?"
"Ikaw, ilang taon na?" tanong mo pabalik.
Tumawa ka at sinabing, "Oh diba mas matanda ka."
"Nye. Isang taon lang naman, kung makapagsabi ng mas matanda ako wagas eh." Tapos umupo ako doon sa mahabang upuang kahoy sa office.
Kinuha na natin yung mga certificates. May kanya kanyang envelope pa na binigay para di magusot. Pagbalik natin ng van, hindi ko lang mawari kung saan ko ilalagay kasi siguradong magugusot. Iniligay mo yung envelope mo sa pula mong ecobag na di ko malilimutan, at yung akin naman eh nirolyo ko at nilagay sa Aquaflask bag ko. Parehong nakasabit sa harapan natin yung ecobag at Aquaflask bag kaya di ko makakalimutan ang tandem na ito. Sure akong di mo makakalimutan ang buong eksenang ito, kasi ako hindi nakalimot.
Saglit palang yung byahe natin pauwi pero nagising ako dahil makurba ang daan at tumitilapon ako papunta sa'yo at kay papa. Hindi naman ganun yung dinaanan namin 2 months ago galing Buscalan kaya medyo nagtataka ako kung anong ruta ba ang dinaanan natin. Nung humimbing nang kaunti ang tulog ko, hinatak ako bigla ni papa at kinulong niya sa braso niya yung kanang braso ko. Pasandal na siguro ako sa'yo kaya walang kaabog abog na hinatak niya ako.
Napaseatbelt na ako nang dahil doon kasi nakakahiya naman sa'yo. Nakita mo yung inis ko sa byahe kasi pareho tayong tumitilapon at dumudulas sa espasyo sa pagitan natin. Nahuhulog lang tayo sa kinauupuan natin. Paglingon ko sa'yo, tahimik ka palang tumatawa. Hindi ko narin tuloy napigilang tumawa. Pareho tayong nakakapit sa hawakan sa harap natin kung saan nakasabit ang pulang ecobag at Aquaflask bag.
"Para tayong nasa Star City," sabi mo. Ang dami kong mga tawa nun, mga sampu.
Maya-maya pa'y nilabas mo ang ointment mo na di ko alam kung ano ang brand pero maliit lang siya. Kumuha ka ng kaunti gamit ang iyong daliri sabay pahid sa magkabilang sentido. Very tito.
Hindi ko napigilang sabihin yung nasa isip ko pero alam kong nakaganti ako sa'yo. "Mas matanda ako sa'yo pero hindi pa naman ako nagpapahid-pahid," sabay tawa.
"Huyy, grabe ka. Masarap kasi 'to ipahid. Nakakawala ng hilo. Nahihilo na ako sa byahe," sabi mo.
Nakita ko si papa na nakatingin nang masama sa akin kasi puro tawa tayo na hindi mapigilan.
"Usapang tito at tita 'to," sabi ko sa kanya at bigla kang tumawa ulit.
Nasa Nueva Vizcaya pala tayo noong mga oras na yon. Ang ganda ganda ng mga bundok na dinaanan pero nakakahilo ang daan.
Naalala ko pareho tayong nakaharap sa cellphone. Kausap ko yung ka-match ko na "mamang pulis" kung tawagin ko kasi isa siyang RCrim na naghihintay ng recruitment sa PNP. Dalawang buwan na kaming nag-uusap noong mga panahon na iyon. Sa totoo lang, January 16 kami unang nagkamatch. Anong meron ba kasi sa numerong 16?
Hindi ko alam paano pero nakita kitang nagsswipe right at left sa Bumble. Oo, alam kong sa Bumble yun kasi kulay dilaw. Buti nalang hindi naka-installed ang Bumble ko kundi mahahanap mo ako sa nearby places.
Napansin ko nga meron ka ring LinkedIn eh at iba pang apps. Hindi ko alam pero pagdating sa'yo ang lakas ng pandinig at paningin ko. Wala naman talaga akong pakialam sa'yo.
"Makikisali ako sa table niyo."
Nagstop over ang grupo natin sa Pampanga noong oras na yon. Dali dali kong hinila si papa sa Jollibee kasi iyon ang pinakamadaling isipin na kainin pang-dinner. Ang tagal pa nga pumili ni papa ng uupuan hanggang sa umabot sa bandang dulo ng fast food. Yung table na napili niya eh yung pang-apatan.
Habang bumibili si papa sa counter, gumagawa ako ng story nun. Maya maya pa'y nakatayo ka na sa tabi ng table at sinabi mo nga na makikisali ka. Nakatingin ako sa'yo nun habang paupo ka na sa harap ko. Nahanap niya kami eh nasa dulo na'to ng Jollibee. Hindi naman ako naiinis pero nabigla lang ako na kasama na naman kita sa tagpong iyon.
"Nakikiclose, 'no?" sabi mo pa.
Hindi ko na maalala kung ano ang sinagot ko sa'yo. Pero para saan pa kasama ka na namin eh. At saka isa na siguro yan sa nagustuhan kong ugali mo.
Kaharap ko si papa nun habang katabi mo siya. Hindi ka nahiya magkwento kay papa ng mga nangyari sa'yo sa Mt. Pulag. Nakakatuwa ka magkwento kasi puno ng saya at interes. Sa totoo lang, nakakaaliw yung mga kwento mo tulad ng magdamag na hirap mo sa loob ng tent mo. Naikwento mo pa ngang basang basa ang isinapin mong twalya dahil wala kang dalang sapin ng tent kaya tagos ang lamig sa pagtulog mo. Naikwento mo rin yung isinabit mong rosaryo sa loob ng tent kasi sabi mo takot ka sa mga posibleng maligno doon sa bundok. Nabanggit mo rin na pagbukas mo ng tent noong gabi, wala kang ibang nakita sa labas kundi kadiliman at katahimikan kaya umurong na lang ang ihi mo.
Hindi ka nahihiya noong oras na yon ngunit nahihiya ako na supermeal ang order ko. Ang takaw takaw ko naman sa part na yon.
Nagkaroon ng bagong arrangement sa van pagkatapos ng dinner. Hindi na tayo magkasama sa van dahil nalipat kami sa kabila. Iyon na pala ang huli nating pagkikita, yung nakita mo akong kumakain ng supermeal tapos inalok mo ako ng extra rice mo.
Siberia by Ang Bandang Shirley
Isinulat ngayong May 4, 2024 | 5:36 PM