May bibili sa kaluluwa mo kung ito’y ibabalot mo nang wasto at ilalako sa palengke. Mahirap man ang buhay maraming kakatwang tao sa mundo. Pumutok ang bulkan at nagtayo ang ilan ng gawaan ng kuwitis “para lalong makita nag abo;” gumapang ang lahar sa ilog at kapatagan at nagbenta ang iba ng bangkang papel upang ”gumanda ang tanawin sa pampang. ”Kailangan laman ang dahilan upang gumulong ang bituka o sumikat ang araw. At hindi ko tinutukoy ang pag-asa, hindi, ito’y ibong walang bagwis sa panahon ng dugo; ang binabanggit ko ay ang tibay ng bagang at kapal ng balat, dahil ang hinagpis ay walang gayuma na magkukulay sa tisikong panaginip. Sa magulong alakalakan ng dugo, salita ay rikit kung itinubog sa pulot, kaya nitong pataubin ang barko o ilihis ang bagyo. Kapural ang pulitika sa paghugot ng kuneho buhat sa bustipol, sa pag-ulan ng basura na kulay pilak, sapagkat hawak nito ang imbakan ng titk at grasa para sa pagod na lalamunan. “Ako ang una, ako ang una,” pahayag ng pera ng partido na tila ba wala itong kamatayan. Marahil, tanging Porac at Ormoc ang may bulak sa ilong, ang lugmok sa kakulangan ng pormalin. Kamatayan ay munting kati sa utak, bilis pawiin gaya ng alaala ng isang banyagang mukha. Pera. Pulitika. Palengke – napakagahaman ng buhay, kaynipis ng budhi, napakamura ng karangalan. Araw-gabi’y humihiyaw ang hangin sa pulbura ng baril – “Handa na ba ang kabaong? Handa na ba ang kabaong?”
"Mahirap Talagang Magsalita" Gg. Cirilo F. Bautista (Kirot ng Kataga, 1991)

















