Sana siniraan na lang
TAPATAN Ni Jay Sonza Feeback: [email protected] or [email protected] Facebook: www.facebook.com/t2j.sonza __________________
Nais kong linawin na kung totoong may kasalanan (impeachable offense) si Renato C. Corona bilang mahistrado ng Korte Suprema ay isa ako sa kabig na patalsikin siya sa puwesto ora mismo. Ngunit kung wala niyan, dapat lamang na ibasura ang kaso o mga kaso, bayaran siya ng danyos at ikalaboso ang lahat ng may akda ng mga paratang.
Kapag kinasuhan ang isang tao, dapat ay patunayan ang lahat ng habla na ipinupukol mo laban sa kanya. Ganito sa sistema ng hustisya, maging iyan ay sa korte ng batas (Court of Law) o kangaroo court (People’s Court). Sa madaling salita, hindi puwede ang sabi-sabi at gawa-gawang paratang. Kailangan mga totoong patunay.
Hindi na sana kinailangan pang i-impeach si Chief Justice Renato C. Corona kung ang habol lang nila ay magbitiw sa puwesto o magbikti ito. Hindi na dapat pang gumastos ng pera ng bayan para lustayin lang ng mga nagbibida-bidahan.
Dapat ay siniraan na lang ng siniraan ang mahistrado. Ginawan ng isang damakmak na kuwento, naglabas ng kung ano-anong dokumento peke man o totoo, nagsalita ang kung sino-sinong Herodes. Tutal ganito rin naman ang kinahinatnan ng lahat ng kanilang ginawa at ginagawa.
Akala siguro ng may akda ng lahat ng ito ay tanga at kalahati ang lahat ng Filipino. Gawin ang paninira ng paulit-ulit hanggang sa ang mismong gumawa nito ay pinaniniwalaan na ang lahat ng paglulubid ng kasinungalingan.
Tingnan nyo – ipinagharap ng walong sakdal, pagkatapos ay iniatras ang lima at kalahati; ang mga paratang ay hindi (impeachable offense) pagpapatalsik ang karampatang parusa; ang mga ebidensiya ay puro kundi man karamihan ay gawa-gawa (peke); ang mga saksi ay halos sabi-sabi lang alam (hearsay) ang alam; ang mga datos ay (bloated) ilang ulit na pinalaki upang magmukhang karumaldumal.














