Moving On Doesn't Mean Forgetting
Sa ika-nth na pagkakataon, muli ko nanamang natagpuan ang sariling binubuklat ang mga pahina ng aming kwento. Ang mga - oo na, kahit kailan hindi naman nagkaroon ng 'kami' kaya mali ang pangungusap ko. Okay fine. Take Two. Sa ika-nth na pagkakataon, muli ko nanamang natagpuan ang sariling binubuklat ang mga pahina ng aking kwento. Ang mga kwentong muntik nang magpa-paniwala sa aking posibleng maging kami, kahit obvious namang isa lang 'yong malaking kahibangan. Pero tapos na ako sa ganoong drama, tinanggap ko na naman 'yon nang buong puso. Linunok ko lahat pati tinik at buto, kaya hindi ko alam kung ano nanaman ang problema. Hindi ko alam na ganto pala 'yon. Kahit pala naka-move on ka na, kahit pala hindi na gaya ng dati ang sitwasyon, kahit alam mong wala na, hindi pa rin mawawala sa isip mo ang lahat-lahat. Biglang mo na lang maalala, bigla ka na lang mananabik sa isang bagay na wala. It is like missing the intangible. Kung sabagay, hindi naman kasi magkasing-kahulugan ang pag-move on at pag-forget, hindi ba? Kapag sinabi mong nakalimot ka na, wala ka na talagang naaalala o maaalalang anuman tungkol doon, katulad ng amnesia, kahit sa anong paraan pa sa 'yo ipaalala. Pero kapag sinabi mong naka-move on ka na, naka-move on ka lang. Sa tagalog, umusad ka lang, humakbang paabante at papalayo sa nakaraan, ngunit hindi pa rin mabubura sa alaala mo ang mga panahong minsan kang na-stranded. Hindi mo 'yon malilimutan kahit gaano pa kalakas ang pagkakauntog mo sa manibela, nang humarurot. Maaaring malimutan mo siya nang saglit, pansamantala, dahil naibaling mo na sa iba ang iyong pansin, iba na ang iyong pinagkaka-abalahan, pero sa presenya lamang ng isang tao,.bagay, hayop, pook o pangyayari (mas maikli siguro kung sinabi ko na lang na 'noun' o 'pangngalan'), maaaring maaalala mong lahat muli. Noong minsang nakalimutan mong may sinaing ka palang malakas pa ang apoy, nakalimutan mo nga ba talaga o nalibang ka lang sa panunuod ng teleserye, k-drama at PBA? Noong napansin mo ang amoy na nanggagaling sa kusina, hindi ba't patakbo ka pang nagpunta roon? Ginambala ka ng amoy nito mula sa pagiging abala mo, at doon nagbalik ang iyong atensiyon sa napabayaang kanin, hindi mo nakalimutan. Dahil kung nalimutan mo na nga talaga, hindi ka sana kinabahan at nagmadali noong maamoy mo ang sunog na sinaing, syempre lagot ka 'pag naging tutong lahat 'yon. Ganoon rin naman, sa presensiya lang ng isang 'trigger', muling nagbabalik ang lahat, bagay na hindi naman masama. Sa katunayan, mabuti pa nga iyon dahil nangangahulugan lamang ito na gumagana pa ang long-term memory mo kahit paano. O 'di ba? Hahaha! Wala namang masama roon, huwag mag-panic o isiping, "Hindi pa pala talaga ako nakaka-move on". Umusad ka na at ang kotseng sinasakyan mo, may side mirror ka kasi kaya nakikita mo pa rin kung ano'ng nasa likuran. Ngunit hindi ka dapat mabahala, hindi ka na muling mababangga, gamitin mo lang ang salamin nang tama. 5.20.17 12:44AM








