Sa Ugat ng Pagnanasa
BABALA: ang sulating ito ay Rated PG. (Slight lang naman)
Ang mundo kapag bata ka ay umiikot lang sa kendi, tsokalate at paglalaro. Habang nagkakaedad at tumatanda, unti-unting nabubuksan ang malaki at masukal na pinto patungo sa mundo na noo’y lingid lamang sa ating mga kaalaman. Isang mundo kung saan, sa halip na trumpo, ay apoy ang nilalaro.
Mapusok, mapangahas, mainit at nakakapaso…
Kasabay nito ay mga pagbabago sa iyong katawan at damdamin, ang pagsibol ng pagnanasang umaagos mula sa kasuksulukan ng iyong utak pababa sa pagitan ng iyong mga hita.
Di tulad ng mga RPG sa nintendo at playstation. Masmabagsik ang paghihimutok ng tawag ng iyong laman. Tila parusa ang pagtanggi sa natural na proseso ng kalikasan. Magsisimula ang lahat sa paisa-isang pagtulak, paghagod, at pagsubok.. Hanggang sa ang paisa-isa ay makasanayan na, tila ba droga, sa adiksyon, sa sensasyon, ika’y makukuha.
Sa katagala’y hindi na sasapat ang mag-isa, mistulang pot session, kelangan na ng kapareha… kapareha upang makamit ang langit na iyong ninanasa, At sa kadiliman, sisimulan ang piyesta… tila undas, ang bawat pag-ungol ay pampagana… tila pasko, sa pagkain ay sagana… tila bagong taon, pagkatapos ng countdown ay putukan na…
..Pagkaraos ay pasasalamat… pasasalamat sa sarap, pasasalamat sa galak,pasasalamat sa ligayang pansamantalang nalasap.
Siyam na buwan ang lilipas, ang paglalaro ay nagbunga. Isang bata ang isisilang at luluha, kasabay rin ng pagluha ng kanyang ama’t ina. Luha ng kamangmangan, luha ng kahirapan, luha ng pagsisisi ng kanilang kapusukan.
..at sa huli, ang lahat ay magtatapos sa isang paghihinayang.
-KapitanChico-














