Ikaw yung...
Nakatanaw sa buwan, sa ilalim ng kalangitan
Nang biglang pumasok ka sa aking isipan
Di ko alam kung bakit biglaan na lamang
Basta ang alam ko lang ay ang katotohanang…
Ikaw yung matang malamlam at mapupungay
Na hindi makikitang ako'y naghihintay
Ikaw yung tengang walang kakayahang madinig
Ang mga salitang aking isinasatinig.
Ikaw yung kalangitang bughaw at malawak
Ngunit kailanma'y di ko magiging hawak
Ikaw yung araw na dala ay liwanag
Pero kinabukasang kasama ka ay di man lang mabanaag.
Ikaw yung bituing maningning at marikit
Di ka kayang maabot kahit anong pilit
Ikaw yung nasa taas na kaya kong tingalain
Subalit ako'y imposible mong mapansin.
Ikaw yung masining na pinta na di ko magagawa
Pagkat ang kamay ko, ang kaya lang iguhit ay letra
Ikaw yung awiting may mahirap na piyesa
At kailanman di ko kayang ikanta
Ikaw yung indak na di ko makukuha
Kasi yung pagsayaw, hindi sakin nakatadhana
Ikaw yung talento na sa akin ay wala
Talento na sa iba lamang ipinagpala.
Ikaw yung hiling na imposibleng matupad
Ikaw yung pangarap na lumisan na't lumipad
Ikaw yung iskulturang di ko kayang iukit
Ikaw yung bagay na sakin ay pinagkait.
Oo, ikaw yun, wala ng iba pa
Ikaw nga yung bagay na di sakin mapupunta.
Photo from ever generous, Mr. Google. :P














