Nabangga:Hindi Siya Happy Ending Part 3
Dahil nga sa hindi ako makatulog kagabi, nahuli na ako ng gising. Kainis. Nagmadali akong tumakbo patungo sa simbahan. Huli na ako ng ilang minuto. Hindi ko na napapansin ang mga nasa paligid ko. Tumakbo lang ako hanggang nasulyapan ko na ang simbahan. Malapit na ako. Pagpasok ko, hindi ko napansin na may palabas pala. Nagkabanggaan kami at parehas natumba. Napansin ko siya yung babae na nabangga ko dati. Yung babaeng matagal ko ng pinagmamasdan.
Nilapitan ko siya. Tinanong ko kung ayos lang ba siya.
“Ano ba!? Tumingin ka nga sa dinaraanan mo!” sabi niya.
‘Pasensya na,” sabi ko habang sinubukan kung tulungan siyang tumayo.
Mula sa likuran ko, may narinig akong isang panlalakeng boses.
Napatingin ako sa likod ko. Isang lalaking mukhang kagalang-galang. Malakas ang dating. Na nagmukhang dumi lang ako sa kuko niya. Nanliit ako sa lalaking ito.
“Babe, ok lang ako. Ito kasi eh, di tinitignan yung dinaraanan,” sabi ng babaeng nakabanggaan ko habang dahan-dahan na tumatayo.
“Pare naman, pwede sa susunod, mag-ingat ka ha?” sabi niya sa akin.
Wala akong nasabi. Nadurog ang puso ko. Gumuho ang mundo ko. Ang lakas na loob na inipon ko buong gabi, nagmistulang dumi na flinush ko lang sa inidoro. Para akong tinamaan ng dalawang malalaking bato sa ulo ng nalaman ko na may boyfriend na pala yung babaeng napupusuan ko at yung boyfriend pa niya ay wala akong panama.
Mula nun, tuwing may exam na lang ulit ako nagagawi sa simbahan bukod pag Linggo. Marahil masakit para sa akin makita uli ang babaeng nakabungguan ko ng dalawang beses. Natatakot na akong masaktan. Baka mamaya makabunggo ulit ako dahil sa katangahan ko.