“I can do all things through him who strengthens me.”
--Philippians 4:13
Sa loob ng apat na taon ng paghihirap, pagsusumikap, pagpupuyat, pagpo-procrastinate at pagtambay tuwing bakante ang oras, eto na. Nakamit ko na/natin ang pinakamimithi ng mga magulang mo at ng sarili mo. GRADUATE KA NA. Kalakip nito ang pag-asang mababago mo ang buhay na nakagisnan mo noong mga panahong hilaw pa ang kaalaman mo sa buhay na ipinagkaloob sayo. Sa loob ng apat na taon, tinulungan ako ng PUP at ng mga taong bahagi nito ang paghubog sa sarili ko, pagbibigay ng mga kaalaman patungkol sa kursong tinahak ko sa kabila ng kakulangan sa aparatos sa laboratoryo, pinansyal na suporta mula sa pamahalaan at ang mga hindi nagbabayad ng buwis na silang nag-papaaral sa mga Iskolar ng Bayan. Sa pagkakaroon ng mahabang PASENSYA, sa pila’t mapa-FEWA, mga kaibigan, pasang-awang subjects, at ma-cholesterol na sisig at beef submarine na nagbigay kahulugan sa apat na taong iginugol ko sa PUP. Panibagong yugto ng buhay ko na ang tres at singko ay wala ng halaga, ang Latin honor ay isa nalamang titulo sa mayroon at ang bagong eskwelahan mo ang lipunang kumplikado, puno ng kumpetisyon, iba’t ibang uri ng mga taong mag-aangat magbababa sayo. Hindi ko alam paano ko sisimulan, dahil hindi ito Valedictorian Speech pero sige na nga feeling ko to na yun. Pagbigyan nyo na.
Hindi ko gusto ang kursong kinuha ko, wala akong ideya kung ano nga ba ang BS Food Technology. Pinagpipilian ko pa noong iinterviewhin ako kung saan ako uupo kung sa Office Administration ba o sa naunang nabanggit na kurso. Pero sa totoo lang, maniwala na kayo please BS Civil Engineering, BS Physics ang gusto kong kunin pero gago lang talaga at hindi ko nilagay sa mga choices. Ininterview. Tinakot mahirap daw ang mga subjects, tanong saking “Kaya mo ba?” sagot ko “Kaya naman po.” Nag-aalangan. Challenge accepted.
Noong unang semestre ko, okay naman. De-aircon ang room kaya first choice, may tiles, maganda ang mga upuan, white board na akala ko sa private school lang meron at ang lamig the best! Sa isip-isip ko, “Puputi ako dito.” Wala akong ideya sa mga subject na kukuhanin ko maliban sa puro daw Chemistry at Math ang subjects na syang ipinanakot sakin noong iniinterbyu ako. Hindi ako natakot kasi alam kong kaya ko pero yun ang akala ko, ng buklatin ko ang syllabus. Putangina puro Chemistry ang hayop na kurso, may calculus pa! Tangina di ko alam kung saan ako aabot nito. Badtrip, sa lahat ng pinakaayaw kong subject, yun pa ang medyo Major. Tinantya ko ang kapasidad ng sarili ko. Feeling ko hanggang second sem lang ako. Di ako tatagal, Shift course, back out change of plan. Badtrip. Pero hindi ko ginawa yun, naglakas loob akong panindigan ang sinimulan ko, tatapusin ko to.
Lumipas ang mga taong napaulanan ako ng 2.75 at 3.00 sa SIS grade ko, hindi ako pinaghinaan ng loob. Nag-aral, nagpanggap na nag-aaral, pumasok, at matuto sa abot-kaya ng utak ko, gumawa ng pinagpupuyatan ko na labreports at kung anu-ano pang paperworlds. Pero sa totoo lang, putangina kaya ko pa ba? Ang pangit ng grades ko. Aminado akong pangit ang magiging TOR ko. Tatanggapin pa kaya ako sa trabaho nito? Baka sabihin eh “Ang bobo naman nito!” Isinantabi ko yun dahil alam kong may ibubuga pa ko, kaya ko pa. Bumagsak ako ng dalawang beses, iba sa pakiramdam ang makakita ng 5.00 sa grade mo. Manlalamig ka, hindi mo alam kung matatawa ka. Sinubukan kong irefresh pero hindi na mababago. BUMAGSAK AKO. Sa mga araw na iyon, maraming nagsasabing, “Kaya mo yan”, “Okay lang yan”, “Pagbibigyan kayo nyan” salamat sa simpatya pero tangina hindi ko kinaya. Pinakiusapan baka sakaling may magagawa pa, sa awa ng Diyos matapos kong magdrama. Nag-removals ako. Pinag-aralan ko ng husto ang Calculus, salamat sa kaibigan kong si Serrano dahil pinaintindi nya sakin ang hindi ko naintindihan sa instructor namin. Parang nagsusumigaw ang mga formula na noon pa ma’y bulag ako sa katotohanang maaari ko pa palang matutunan. Yun ang kagandahan sa pagbagsak, matututo ka sa pagkakamali mo, may tutulong na mag-aangat sayo sa mga panahong patuloy mong ibinababa ang sarili mo. “Kaya mo naman pala eh”. “Oo nga, kaya ko pala” Naipasa ko ang subject. Salamat sa Diyos! Usad!
“Fear not, for I am with you; be not dismayed, for I am your God; I will strengthen you, I will help you, I will uphold you with my righteous right hand.”
--Isaiah 41:10
Hindi ko alam kung tama ba tong pinasok ko, may mga panahong hindi ako gaanong interesado sa mga natututunan ko. Madali akong makalimot sa mga lectures, kaya hindi ko nakakasabay sa discussion after class. Pwede rin kasing makakalimutin ako o hindi nga lang talaga ko interesado. Kaya siguro hindi kagandahan ang grades ko kasi medyo tamad akong mag-aral. Alam kong matalino naman ako--noo palang, hindi rin naman ako bobo. Siguro nga tamad lang. Kung naging mas masipag, determinado at GC ako, may Latin honor siguro ako pero joke ko lang yun. Pinush ko ang sarili ko pero may hinahanap pa din ako, mas interesado ako sa pagsusulat. Bakit hindi ako nag journalism o nag creative writing sa ibang eskwelahan? Bakit nag food tech pa ko? Kasi mas madaling magkatrabaho dito at sa pagsusulat eh hindi naman ako magkakapera? Bakit hindi ko pinag ukulang pansin ang hilig ko sa pagsusulat at tinuloy ko ang isang daang alam kong papatirin ako sa kapalpakan? Powertrip ng tadhana. Ito siguro ang inilaan sakin ng Diyos, tutulungan ko ang sarili ko habang tinutulungan Niya ako. Push yourself ika nga. Proud food tech pa din ako dahil sa kabila ng hirap ng mga nkklk na mga subjects, NAKA-GRADUATE AKO! MAY DEGREE AKONG PINANGHAHAWAKAN! PROUD!
Sa mga panahong hindi ako nakakapasok kasi wala akong pambaon, pero ang idinadahilan ko nalang sa mga classmates ko nun “May sakit ako”. Badtrip pero okay na din rest day. Sa mga araw na pinapasok ko na tanging pamasahe lang dala ko at walang pambiling pagkain, ang sinasabi ko nalang, “Diet ako eh” pero sa totoo lang kumakalam ang sikmura ko. Hindi ka makakapag-aral ng maayos pag walang laman ang tyan mo, hindi mo maiaabsorb ang lecture kasi gutom ka. Pero sa kabila ng lahat ng yun may mga kaibigan kang handang magpahiram ng pera sayo, ibahagi ang baong pagkain nila. Maraming Salamat sa inyo. Sa isang burger with cheese and hot sauce masaya na ko. Ipanlalaman tiyan ko sa buong araw ng pagpasok ko.
Sa loob ng apat na taon na hirap at sarap mostly hirap, sa financial, social, mathematical, scientifical, spiritual at kupal matututo kang tumayo sa sarili mong mga paa kasabay ang pag-akay sayo ng mga taong naniniwala na kaya mo at may tiwala sayo na matatapos mo ang sinimulan mo. Kung minsan eh nagiging tamad ka at LAGI KANG NAGPO-POCRASTINATE sa mga gawaing inatang sayo, sa mga mindset na okay na yan, bahala na. Kailan mo napadalas ang minsan? Kung gusto mo ng pagbabago, baguhin mo ang sarili mo, ang takbo ng utak, pananalita at gawain mo.
Sa mga magulang kong nagpakahirap magtrabaho, na araw-araw akong binibigyan ng baon, sumusuporta at pinagsasabihan minsan pag hindi kagandahan ang grades ko. Maraming salamat sa pang-unawa, paniniwala na kaya ko ang kursong to. Sa lahat ng hirap at sakripisyo, susuklian ko kayo ng magandang buhay na may pagkukusang pagbibigay na taos pusong pasasalamat na hindi matutumbasan ng sinuman. Ang pagod na dinanas ko sa eskwelahan, sa pag PILA ULIT PILA, sa pasensyang pagkahaba-haba, sa konting sakripisyong inilaan ko alam kong wala pa sa kalingkingan ng lahat ng yan ang dinanas ninyo.
Maraming salamat sa mga taong naging bahagi ng buhay ko, sa sarili ko, sa mga jeep, tricycle at bus driver, LRT operators, kapwa ko PUPian, sa mga lalaking naging kaibigan ko lang nawa’y maging masaya kayo dahil masaya na din ako. Sa mga guro’t opisyal ng administrayong PUPian style salamat kahit hindi ko kayo lahat kilala. Maraming salamat sa taong naniniwala’t nakakaintindi sakin ng walang sawa. <3
HIGIT SA LAHAT Maraming salamat sa Diyos na syang nagbigay sakin ng lakas, unawa, pagmamahal sa iba, pasensiya. Alam Nyang kaya ko ang lahat ng pagsubok na ibinibigay niya dahil siya ay may tiwala sa akin. Without You, I won’t succeed. You have plans and reasons for me which reasons knows not.
Congratulations sa lahat ng mga nagsipagtapos! Magpunyagi at maghanap na ng trabaho. Huwag tambay. Welcome to the world of Unemployment! Lol. Tanggalin ang sana’t puro baka. Gawin ang naisin at maniwala sa sarili! Huwag magpaalipin sa pera, ang mahalaga magiging masaya ka. Eh kung pera magpapasaya sayo, push mo! Hahaha. Mas maigi ng nagsisimula sa mababa at pag nahasa ka na ng husto at alam mong kaya mo ng i-take to the next level ang sarili mo samahan mo ng dasal at pananalig sa Diyos.