Takot ako sa matataas na lugar, na sa tuwing titingin ako sa ibaba habang naglalakad, pakiramdam ko ako'y malalaglag. Nakakakaba. Nakakaubos ng hininga. Kaya naman sa tuwing ako ay aakyat, pinipikit ko ang mga mata ko. Hanggang sa tuluyang maglaho ang mga kaba sa dibdib ko. Ang takot sa pagkalula ko.
Tulad ng pagkatakot ko sa matataas na lugar, natatakot ako sa mga tingin mo. Mga tingin mong masyadong nakakalula. Mga tingin mong ayaw kong titigan dahil baka ako'y matuluyan, matulala at mahulog bigla sa kawalan. Ako'y walang kasiguraduhan na baka sa paghulog kong tuluyan, ako'y di mo saluhin at tuluyan mong iwan.
Natatakot akong tumitig sa'yo. Pero sadya sigurong matigas ang aking ulo. Tinitigan kita. At kahit nakakalula, tinitigan pa rin kita.
Nawala ako sa sarili bigla. Ni wala akong parasyut na dala. Pero sabi ko, bahala na. Sinuong ko ang salitang bahala na, walang kahit anumang dala. Ni hindi ko naisip na sa akin walang sasagip. Inisip kong nakatingin ka rin nang ako sa'yo ay tumitig. At tiyak kita mo rin, kung paano ako nahulog. Siguro naman ako'y iyong sasaluhin.
Ngunit teka, bakit parang ako'y nag-iisa? Tumingin ako sa itaas at nakita ka. Pinagmasdan mo lamang ako.
Wala ka bang gagawin? Wala ka bang balak na ako'y sagipin? Unti unti na akong nanghina, dahil bigla kang nawala.
Saan ka pupunta? Hanggang sa.... Hanggang sa naramdaman ko na lamang ang pagkawasak ng aking buong pagkatao. Nagkalasug-lasog ang buong katawan ko. Ngunit ako'y buhay pa. Gising na gising ang aking diwa. At tuluyang pumatak ang aking mga luha sapagkat ako'y nag-iisa. Tinalikuran mo ako't humarap ka sa iba.