Reaksyon sa Demo-Teaching
Sa huling araw ng klase namin sa NSTP ay mayroong nag-demo teaching kung saan ipinakita ang paraan ng pagtuturo sa mga batang nasa Kinder pa lamang. Nais ipakita sa amin ng aming mga instruktor kung ano ang aming papasukin sa susunod na semestre kung saan nga ay kami na mismo ang sasabak sa pagtuturo. Habang pinapanuod ko ang nag-dedemo ay halong kaba at pagka-excite ang nararamdaman ko dahil nga mararanasan kong muli ang magturo sa ibang tao. Ang unang pagkakataon ay noong nagturo kami noon sa Alternative Learning System (ALS) sa klase naming ng EDUC 101.
Sa kabuuan ay naging maayos ang demo-teaching at marami akong natutuhan. Ibang-iba ang atake ng pagtuturo dahil mga batang nasa Kinder pa lamang ang tuturuan. Nakita ko na dapat ay lagi kang masigla sa harap ng mga bata at dapat lagi mong bitbit ang mga ngiti sa iyong labi dahil kailangan mo silang mahimok na mag-aral ng mabuti. Dapat ding siguraduhin na magiging masaya ang klase at gumamit ng makukulay at magagandang mga visual aids para magisurado na makukuha mo ang kanilang atensyon.
Isa sa pinakamagandang natutunan ko noong araw na iyon ay hindi natin dapat binibigyan ng pare-parehong pagsusulit ang mga bata. Dapat ay iayon natin ito sa kanilang kakayahan upang masigurado ang kanilang pagkatuto. Hinahati ang isang klase sa tatlong grupo – mga batang below average, average at above average. Sinisiguradong hindi alam ng mga bata na ang pagkakahati nila ay dahil dito dahil magududulot ito ng diskriminasyon sa kanila. Ginagawa natin ito upang masigurado na matututo ang lahat ng mag-aaral. Hindi maaaring kuhanin ang kaparehong pagsusulit ng isang batang nasa mas mababang antas ang para sa mas mataas na antas dahil siguradong di niya ito mauunawaan. Hindi rin epektibo na kukuhanin ng mga nasa mas mataas na antas ang pagsusulit ng mga nasa mas mababang antas dahil baka hindi sila ganahang sagutan ito sa dahil maaaring nadadalian sila dito. Ito ay isang magandang kaparaan upang ating matiyak na natutunan ng mga bata ang kanilang aralin dahil ang guro mismo ang nag-aadjust sa kung ano ang kakayahan ng bata.
















