Sa Panahon
Magkaiba ang daigdig; ang pinagmulan ng buhay at ang katapusan nito. Ang nagmula sa abo ay bumalik sa abo. Ipinakita ang paglipas ng panahon sa simula ng pagtigil nito, ang mga mayroong hinihintay ay nawalan ng saysay. Sa paglipas ng panahon sila'y nasanay, walang malay sa buhay nila na linyang may pitong pantig. Ang numerong pito ay simbolo ng pagbabago, ang pagtatapos at ang pagsisimula muli. Ang kasalukuyan ay kailanma'y hindi naging totoo porket patuloy ang pagdaloy ng panahaon. Mula sa ngipin ng sanggol na simula ng lahat, ang hibla ng buhok na mula sa itim ay nagiging puti, at ang alabok na naipon na akala'y nakalimutan. Sa pagalis, sa simula, ang kaniyang talampakan na dati'y walang kupas ay ngayo'y puwede nang taniman ng kamote. Ang kapayapaang hinahanap nito ay nawala sa bawat tapak at napalitan ng kahirapan. Ang kahirapan sa pagbalik na akala'y bibigat ang damdamin, ang puso'y nahulog habang naglalakad, ay ang kapayapaang hinahanap pala. Ang panahon na dumadaloy sa tula'y ang ating buhay, na sapagkat alam natin ito'y magtatapos din, kay hirap mang isipin, tayo'y umiibig sa dilim. Subalit sa dilim tayo nakakahanap ng pahinga, ang ating mahimbing na tulog kung saan ipinapaubaya natin sa oras ang paglakas ng ating katawan at kaluluwa. Mula sa daigdig ng nabubuhay, sa kay raming naranasan ng persona, ito'y bumalik sa mahimbing niyang tulog na nagdala sakaniya sa kabilang daigdig, kung saan siya sinalubong ng kampana't banderitas. Ngunit pagdaloy ng panahon ay hindi sakaniya nagtapos dahil may kabilang daigdig pang nahihintay.









