Upos
Habang niroromansa ng musika ang buong kwarto, nagsindi ako ng sigarilyo. Nilasap ang mainit na kape. Dumadaloy ang usok paitaas.
Napaisip ako.
Ang tao, bakit nandito? Bakit nandito sa mundong inosente sa lahat ng bagay? Bakit narito ang mga makasalanang tao? Bakit nito binabahiran ng karumihan at ibinabaon sa kasadlakan ang mundong paraiso?
Marahil sa kasalanan ito ng mundo. Hinayaan n'ya ang mga taong makitira at makigamit ng kanyang katawan. Hinayaan n'yang manipulahin at paikot-ikutin s'ya ng tao sa kanilang mga kamay. Ngayon, s'ya'y ngalay na ngalay.
Laylay na ang mga sanga, ubos na ang mga dahon. Nawala na ang mga huni ng ibon. Nasaan na ang kulay bughaw na dagat? Ang kalangitang puno ng sigla? Ang saysay kung bakit umaagos ang tubig sa ilog patungo ng batis? Nasaan na ang mga lamang-dagat na nag-uumapaw?
Ang bawat patak ng kasalanan ay may katumbas na parusa sa kanya. Ang bawat pagdeklara ng giyera at isang malaking sampal sa kanya. Ang maling desisyon na nagawa ng mundo ay habang-buhay na nitong pagsisisihan.
Nawalan na ako ng gana....
*Tinaktak ang sigarilyo*
Ngunit bawal pa pala ako magpahinga.
*Pinatay ang sigarilyo*











