Ang Awtor at Pangunahing Karakter ng Istorya bilang Iisa (Walong Taong Gulang X Rosa)
Ang may akda ang nagdedesisyon ng mga elemento ng isang istorya. Mula sa buod, takbo ng istorya, lugar at oras ng mga pangyayari at pinakaimportante ay ang karakter. Pinakamahalaga ito dahil ang bawat detalye ng isang kwento ay umiikot sa karakter at ang karakter ng bawat istorya ang siyang nagiging pokus ng bawat mambabasa. Mula sa kanilang personalidad, mga desisyon sa bawat pangyayari, pati ang mga maliliit na detalye ng karakter ay mahalaga sa pagbuo ng isang makabuluhang istorya. Gaya ng nasabi, ang awtor ang magdedesisyon ng bawat detalye ng karakter. Maaaring ang karakter ay base sa isang isang taong nais ng awtor. Maaari ding ginawan lamang ng bagong personalidad ng awtor ang karakter. Maaari ding siya mismo ang karakter na ito o di kaya ay may maihahalintulad sa karakter ang awtor. Dito ay bibigyan ng pokus ang karakter na base sa awtor o may kahalintulad sa awtor. Ano ba ang magiging epekto nito sa takbo ng istorya? Ano-ano pang elemento ang maaaring maapektuhan ng ganitong uri ng karakter?
Sa isang kwento, ang ganitong uri ng pagpili ng karakter ay maaaring maka-apekto lamang sa buod ng istorya, ang pagiging tunay nito at ng mga pangyayari dito pati na ang mga emosyon na inilalahad ng kwento. Kung ang awtor ang mismong karakter, maaari masabi na tunay ang mga pangyayari sa kwento. Sa kwento ng 'Rosa' ni Rosa Maria Heneson, isa itong salaysay mismo ng awtor at ang karakter ay ang awtor mismo. Dito pumapasok ang authenticity ng kwentong ito. Kadalasan din kung ang karakter ay mismong awtor, ang kwento ay nakasulat sa first person point of view. Maaaring hindi obhektibo ang kabuuhan ng istorya, ngunit masasabi pa sin na may katunayan ang mga pangyayari sa kwento. Sa 'Rosa', obhektibo ang pagkwento ng awtor at ang mga subhektibong parte ay kaniyang idinugtong pagkatapos ng mga obhektibong salaysay. Sa ganitong paraan ay nananatili ang pagiging tunay ng mga salaysay ni Rosa Heneson. Mapapansin din natin na ang mga emosyon na gustong ilahad ng awtor sa kwento ay mas totoo at mas nadarama ng mambabasa. Ito ay dahil na din sa mga subhektibong parte ng kwento na maaaring ipasok ng awtor. Gaya ng sa 'Rosa', ang mga matitinding emosyon tulad ng galit, pighati at kalunkutan, paghihirap at mga munting kasiyahan ay naibibigay ng awtor sa pamamagitan ng pagsalaysay naman ng kanyang nararamdaman sa mga tunay na nangyari. Kaya din mas dama ng mga mambabasa ang mga emosyon na gustong ilahad ng awtor ay dahil ito ay suportado ng mga tunay na pangyayari.
Sa kaso naman ng kung ang awtor ay hindi ang karakter mismo kundi maihahalintulad lamang sa karakter, mayroong mga nabubuong pagdududa sa katunayan ng kwento. Hindi naman sa masasabing hindi tunay ang buong kwento ngunit may mayroong tsansa na hindi nangyari ang kwento kung kanino man. Tulad ng sa Walong Taong Gulang, isang akda ni Genoveva Matute, hindi siya mismo ang karakter sa kwento ngunit siya ay may pagkakahalintulad sa karakter partikular na sa kanyang propesyon bilang guro. Kadalasan din ay nakasulat ito sa first point of view sa kagustuhan ng awtor na mas dama ang mga emosyon na ilalahad. Ngunit dahil may duda ang magbabasa sa katunayan ng mga pangyayari, ay hindi ganoong kadama ang mga emosyon ng kwento. Masasabi din natin na ang mga aksyon ng karakter ay naiimpluwensyahan ng sariling desisyon mismo ng awtor. Isa siyang karakter na may sariling personalidad na maaaring naimpluwensyahan din ng personalidad ng awtor. Sa Walong Taong Gulang, masasabi natin na ang mga aksyon na ginawa ng karakter sa akdang iyon ay maaaring ang mga aksyon na gagawin din ng may akda kung siya ay nasa parehong sitwasyon bilang guro. Sa ganitong pangyayari ay nakakasilip din ang mababasa sa tunay na personalidad ng awtor.
Kung ang karakter naman ay hindi ang awtor, kadalasan nakasulat ang kwento sa third point of view. Dahil dito ay nawawalan ng authenticity ang kwento at ang lebel ng emosyon na gustong ipahayag ng awtor ay hindi makukumpara sa nakasulat sa first point of view. Taliwas sa nasabi, mayroon din namang mga awtor na kayang maglahad ng matinding emosyon gamit ang pangatlong punto de vista.
Sa pagsusulat ng kwento ay mahalaga na alam mo ang layunin mo sa pagsulat nito. Mahalaga din na ito ay naaalinsunod sa buong kwento. Mula sa pagpili ng point of view hanggang sa pagpili ng personalidad ng karakter ay kritikal para sa pagsulat ng epektibong kwento.
Ito ang sarili kong kopya ng Manila Noir. Binili ko siya pagkatapos kong mabasa ang “Comforter of the Afflicted” at “Satan Has Already Bought U” mula sa ating mga diskusyon sa klase. Binili ko ito dahil nagustuhan ko ang mga kwento na aking nabanggit. Isa pa ay fan din ako ng crime fiction na genre. Bukod sa mga nabanggit ko nang kwento, nagustuhan ko din mula sa pagbabasa ang mga kwentong pinamagatang:
“Aviary” ni Lysley Tenorio
“After Midnight” ni Angelo R Lacuesta
“The Professor’s Wife” ni Jose Dalisay
“Carino Brutal” ni R. Zamora Linmark
Di ko na babanggitin ang mga buod ng bawat istorya. Ito ang mga kwentong nirerekomenda ko din. Kung nagustuhan mo ang “Comforter of the Afflicted” at “Satan Has Already Bought U”, tiyak ko ay magugustuhan mo din ang ibang kwentong nabanggit ko.
Ang akdang ito ay may dalawang bahagi. Ang unang bahagi ay tungkol sa isang imbestigasyon ng isang inspektor at isang pari sa isang krimen. Ang pangalawang bahagi naman ng kwento ay nakatuon buhay at mga pangyayari sa nakaraan ng biktima ng krimen. Isa itong kwento ng kasalukuyan at nakalipas na pangyayari. Magtatagpo ang dalawang bahagi ng kwento na ito sa pangyayari ng krimen kung saan ito ay naganap sa tahanan ng biktima sa Lagro at nangyari sa kasagsagan ng bagong taon.
Ang pinakamalaking isyu na tinalakay ng akda ay ang isyu ng karahasan o domestic violence. Ito ay nagkaroon ng bunga sa nasasakupa ng karahasan
Pamilya- Ito ang pinakaunang naaapektuhan domestic violence. Lahat ng aspeto sa loob ng pamilya ay nasisira dahilan lamang sa pisikal at emosyonal na pananakit ng tao sa isang kabahagi nito sa pamilya. Unang nasisira ang relasyon ng bawat mag-anak sa pamilya. Ama sa anak, anak sa Ina, Ama sa Ina at ang mga relasyong panglabas ay nagkakaroon ng maruming bahid. Sa kadalasang kaso ng domestic violence, ang ama ang nananakit sa ina. Sa ganitong sitwasyon ay napapalayo ang loob ng anak sa Ama at maaari naman itong magkaroon na malakas na simpatiya para sa ina. Tulad ng nangyari sa akda kung saan ang anak ay nagkaroon ng lakas ng loob para labanan ang ama para maipagtanggol ang kaniyang mahinang ina. Makalipas ng maraming taon at kaya na ni Libby na itao ang kanyang sarili ay kaniyang tinulungan ang ina para lumayo sa kanyang ama. Lahat ng ito ay epekto ng paglapit ng kanyang loob at pagkakaroon ng malasakit para sa kanyang ina na nakaranas ng karahasan mula sa ama. Isa pang nasisira din ng karahasan ay ang relasyoon mismo ng ama sa ina. Bukod sa pagbaba ng antas ng pagmamahal sa isa’t-isa ay maaari pa itong magbunga ng kaso ng pagkamartit sa pag-ibig. Gaya ng nangyari sa kwento kung saan ayaw iwanan ng ina ni Libby ang kanyang asawa dahil nagkakaroon ng false hope. Ito ay kung saan iniisip ng ina na kaya pang maisalba ang relasyon ng kanyang asawa at pagkakaroon ng pag-iisip na kaya niyang tiisin ang lahat ng pananakit para lamang sa pagkakaroon ng isang buong pamilya. Dahil sa ganitong pag-iisip ng ina ay nagkakaroon din ng latay ang relasyon niya sa kanyang anak. Naiisip ng anak na masyado nang napariwara sa pagibig ang kanyang ina kaya’t hahayaan na lamang niya ito. Ito din ay nangyari mismo sa akda kung saan ay hinayaan na lamang ni Libby ang kaniyang ina sa piling ng ama kung saan niya gusto.
Bata- Ito ang pangalawa at masasabing inderektang naaapektuhan ng isang karahasan sa pamilya. Unang naaapektuhan ang relasyon ng anak sa magulang gaya ng natalakay. Pangalawa ay ang kaniyang pag-uugali at pamumuhay. Maaaring maging tahimik ang bata, hindi kadalasan sumasama sa ibang mga ka-edad, at nagmumukmok mag-isa. Ang sikolohikal na trauma na naidudulot ng karahasan ay ang siyang dahilan dito. Nagkakaroon ng malalim na pag-iisip ang bata at kawalan ng atensyon sa ibang bagay. Nadadala niya ito hanggang sa paglaki habang hindi natitigil ang karahasan. Nagiging karakter na rin niya ito. Kadalasan sila ay tahimik, kaunti lamang ang kaibigan, malalim kung mag-isip, at mayroong layunin na ipakita ang tanging galing o di kaya ay ipakita ang sariling halaga.
Sa kabuuan, isa lamang itong akda nagsasalayay ng mga pangyayari sa loob ng isang tahanan na puno ng karahasan at pang-aabuso. Masasabi ko na maganda ang pagkakahabi ng kuwento dahil napakahirap magsulat ng isang crime fiction na kwento. Kailangan mo maitago ang nararapat na itago at ilabas ito kung kelan kailangan. Para sa isang kwento na hinahabi ng dalawang sinulid (una at pangalawang bahagi), isa siyang natatanging kwento na nakuha ang nais nitong ipakita sa mga mambabasa.
"Nay, pahiram ako ng tablet. Magpi-picture lang kami ng kaibigan ko." Ito ang sambit ni Jade, isang estudyanteng nasa ika-apat na baitang, sa kanyang ina. Alas-singko na ng hapon at malapit nang maglabasan ang mga estudyanteng panghapon ang pasok sa Pulanglupa Elementary School. Si Mayeth at at ang kanyang kapit-bahay na si Lydia ay parehong hinihintay ang mga anak sa waiting shed na lagi nilang gawi tuwing may pasok.
"Ang aga naman ng labas niyo ngayon, nak?" ang tanong ni Mayeth sa kanyang anak.
"Wala daw po kasi si ma'am, absent daw kaya pinalabas nalang kami ng maaga." sagot naman ni Jade. "Ay paano ba yan, Yeth? Sige una nalang kayo umuwi. Hihintayin ko nalang si Axel dito" ang sambit ni Lydia sa kanyang kapit-bahay.
"Naku! Hindi na. Sabay na tayo umuwi. Malapit na din naman ang labasan ng grade six."
"Nay, pahiram na ako ng tablet." ang tila bugnot na muling pakiusap ni Jade sa kanyang ina. "Ay, sige sige. Eto o." tugon ni Yeth habang inaabot ang mumurahing tablet na kaniyang nabili sa isang isang tinderong Intsik sa Baclaran. Pagkatapos nito ay dali-daling umalis si Jade at pumunta sa kanyang mga kaibigan para kumuha ng kanilang groupie at selfie.
"Mahilig pala sa selfie si Jade?"
"Ay, oo ate Lyds. Lagi ngang nagpo-post siya sa Facebook ng mga picture nilang magka-kaibigan eh. . ."
"Yung anak ko naman di mahilig sa selfie pero laging nagbababad sa kompyuter! Laging may mga nilalaro at kung ano-ano pang kinakalikot. Kadalasan nga ay di na makasabay sa amin sa pagkain."
"Naku, ate. Medyo parehas pala tayo. Si Jade naman, nasa hapagkainan nga pero ang nasa harap niya ay yung tablet niya. Di mabitaw-bitawan! Kung ano-ano nalang ang pini-piktsyuran. Yung pagkaing kinakain namin, yung mga gamit niya sa eskwelahan, yung pusa namin! Jusko, di ko na alam ang gagawin sa batang iyon"
"Iba na talaga ngayon no? Puro cellphone,tablet, at computer nalang. Nahihilo na nga ako sa mga ginagawa ng mga bata eh. Parang ang hirap intindihin ng mga gadget na yan. 3310 lang ata ang alam ko kalikutin."
"Oo nga, sinabi mo pa, iba na ang mga kabataan din ngayon. Dati rati kapag dumating kami sa bahay galing sa eskwelahan, magma-mano pa kami kay Nanay pati kay Tatay. Eh ngayon pagdating ng mga bata ay dali-dali agad na hinahanap yung cellphone o tablet. Swerte nalang kung mapansin ka ng anak mo." hinaing ni Yeth. "Kapag kumakain din, dati nagdadasal pa, ngayon bago kumain, pag-picture nalang ang inaatupag." dagdag pa niya.
"Sabi naman ng asawa ko, noong bata pa daw sila ay mahilig silang maglaro at magkwentuhan pero ngayon ay halos di na makapag-usap ang mga bata pati kami. Lagi daw kami nakatunganga sa T.V. Di kasi siya mahilig sa mga palabas sa TV eh." sambit ni Lydia.
"Ay oo naman, di mo naman tayo masisisi kasi maganda naman yung palabas sa ABS diba? Lagi ko ngang sinusubaybayan yun Two Wives."
"Grabe! Intense nga yung pag-aagawan nila dun sa asawa eh. . ." ang sumasang-ayon na tugon ni Lyds. Nagpatuloy pa ang kanilang pag-uusap tungkol sa teleseryeng ito at pagkatapos ng ilang sandali. . . ay natapos din ito.
"Maganda din naman yung mga bagong gadget. Dati nagtitiis ako sa black and white na T.V. pero ngayon colored na at nasusubaybayan ko yung mga teleserye kahit sa cellphone." ani ni Yeth.
“Hinahampas-hampas pa namin yung puwet ng T.V. para luminaw eh.”
"Pati din pala tayo nabago na ng mga gadget na to'. Paano kaya sa mga susunod na taon no? O ilang dekada mula ngayon? Pano na kaya yung mga tao sa panahong 'yon? Gaano kaya kalaki yung pagbabago? Eh ngayon pa nga lang ang laki na ng kinaibahan sa dati." patanong ni Lyds.
Nakabinbin ang tanong na ito ni ate Lyds. Di nila namalayan na mahaba-haba din pala ang usapan nila. Namumula na ang araw at natanaw na nila ang mga grade six na palabas ng silid. Nakita ni Lydia si Axel na hinahanap din siya at dali-daling tinawag ito. Paglapit ni Axel ay tila nagmamadali siyang umuwi sa kanilang bahay. "Ma, tara na uwi na tayo!" ang mabilis na sabi ni Axel. Nagkatinginan na lamang si Lydia at Yeth at tila alam na nila ang dahilan ng pananabik sa pag-uwi ni Axel.
"O sige tawagin mo nalang si Jade doon para makauwi na tayo."
Kultura, Kalinisan at Seksualidad (Kamay, Kubyertos, at Sipit)
Ang dagli na ito na tungkol sa diyalogo ng dalawang tauhan sa tamang ayos ng pagkain ay isinulat ni Matilde Tinigilan. Madaming kaisipan ang natatalakay ng dagli tulad ng kolonyal na mentalidad ng mga Pilipino, ang pasaglit sa gender roles at ang konsepto ng tunay na kalinisan. Mula sa diskusyon ng dalawang tauhan, aking nahinuha na walang pinakatamang paraan ng pagkain basta ito'y ginagawa mo sa maayos at malinis na paraan at naaayon sa sitwasyon.
Sa unang bahagi ng dagli ay nabanggit na si Supya na galing sa Amerika ay tinuturuan ang mga kolehiyala ng Domestic Science. Sinabi niya na ang paggamit lamang daw ng tinidor at kutsilyo sa hapagkainan ang malinis na paraan ng pagkain. Base sa konteksto ng dagli na isinulat noong 1923 sa kapanahunan ng mga Amerikano, ang karakter na si Supya ay isang karaniwang Pilipino na mayroong kolonyal na pag-iisip. Kaniyang iniisip na ang mga pamamaraan ng dayuhan ay dapat tangkilikin, gayahin, o tularan dahil sila ay mas nakahihigit sa atin. Hanggang sa ngayon, buhay na buhay padin ang kolonyal na mentalidad sa kaisipan ng madaming Pinoy pagdating sa kung ano mang bagay. Sa panahon pa lamang ng mga Amerikano ay tayo'y na-brainwash na. Sa kanilang pananakop ay dala din ang kanilang kultura na gustong ipalaganap sa atin. Ang walang humpay na pananakop at pagsira ng ibang kultura ang dahilan ng pagkawala ng ating pagmamahal sa sariling kultura. Bunga na din ng madaming beses na pagsakop ay naiwang bulnerable ang ating kultura. Sa kabila nito ay di naman natin ito napo-protektahan. Mapapansin din mula sa dagli na ang panukala ng Domestic Science sa kanilang kolehiyo ay pinapatupad lamang sa mga babae, partikular na ang pagbabawal ng paggamit ng kutsara, kundi tinidor at kutsilyo lamang. Mabuti man o masama ito, ang masasabi lamang natin ay may konsepto na ng gender role sa panahon noon, na ang mga kababaihan dapat ang may kaalaman sa kalinisan partikular na ang pagpapanatili ng kaayusan na bahay. Sa katunayan ay mas matindi ang kapit ng konsepto ng gender roles sa kaisipan ng tao noong panahong iyon. Ang mga gender roles na ito ay bunga ng stereotypes at mga pangyayari noong panahon. Sa panahon ng giyera ay mas inaasahan ang mga kalalakihan na makibaka at ang mga kababaihan naman ang naiiwan sa kanilang mga tahanan o di kaya’y magsilbi sa mga sundalo. Maaaring totoo ang ibang stereotype ngunit hindi masasabing totoo ito sa lahat. Sa pagbabalik sa domestic science, hindi bang pwede din malaman ng kalalakihan ang ganitong bagay? Sa kabuuan ng dagli ay tinalakay ang kalinisan pagdating sa pagkain. Ngunit sa dulo ay mas lalo itong binigyan ng pansin. Ang mga pahayag tungkol sa pagiging malinis ng paggamit ng kubyertos at ang pagiging "madumi" ng pagkakamay ay mga pahayag na naglalarawan sa konsepto ng kalinisan sa isang kultura. Sa iba naman ay hindi nila itinuturing na madumi ang pagkakamay sa hapagkainan. Bakit nga ba kailangang malaman natin ang 'tamang' pagsubo ng pagkain, ang 'tamang' paghawak ng baso, ang 'tamang' paghigop ng sabaw at kung ano pang ibang 'tamang' pamamaraan? Hindi ba't tama din naman ang pamamaraan natin? Sa tingin ko'y okey lang naman pag-aralan ang ganoong bagay. Sa kasalukuyang panahon, maaari din naman nating magamit ang ganoong pamamaraan depende sa sitwasyon. Kung ikaw ay nasa isang pormal na restaurant ay hindi ka maaaring magkamay kundi kubyertos lamang. Maaring sabihin mo na malinis naman ang iyong pagkakamay ngunit hindi ito naaayon sa sitwasyon.
Sa pinakapuno't dulo nito, kahit ikaw ay gumagamit ng kahit anong kubyertos, o sipit gaya ng intsik o di kaya'y magkamay, hindi natin masasabi na ang isang paraan ay mas nakahihigit sa isa sa kahit anong aspeto dahil ang mga pamamaraan na ito ay galing sa kani-kanilang mga kultura. Maaaring higit ang isang kultura sa sa iba ngunit hindi ibig sabihin na mas tama ang kanilang pamamaraan kumpara sa iba. Higit sa lahat, mas nakabubuting igalang natin ang iba't-ibang kultura ng bawa't isa na siyang nagdidikta ng ating iba't-ibang pamumuhay.