Kumakalam na ang kanyang sikmura.
Hindi niya pinansin ang kumukulong tiyan habang hila-hila niya ang sako ng nakolektang kalakal. May iilang kalsada pa bago makarating sa junk shop kung saan niya ibebenta ang nakuhang piraso ng bakal mula sa tambakan na malapit sa kinaroroonan ng kanilang kariton.
Tumigil siya upang pahirin ang pawis sa kanyang ulo at magpahinga nang sandali. Huminga siya nang malalim. Inayos ang pagkakahawak niya sa sako bago muling magpatuloy sa paglalakad. Kumakalam pa rin ang kanyang sikmura habang naglalakad papunta ng junk shop.
Hindi niya ito pinansin. Sanay na siya rito.
Mas bumigat ang sakong hila-hila habang patuloy na kumukulo ang tiyan. Hindi, isip niya. Ilang metro na lang. Kailangan niyang makabenta, Kailangang makakain ang kanyang pamilya.
Napadaan siya sa isang karinderya at bigla na lamang siyang tumigil sa tapat nito. Isa-isang tiningnan ang mga putaheng nakahain. Nilanghap ang amoy ng bagong lutong ulam. Napabuntong-hininga. Lumakas ang pagkalam ng sikmura.
Nadatnan niya bigla ang isang babaeng may hawak na plastik ng kanin. Papunta siya sa basurahan sa tapat ng karinderya. Akmang itatapon na ng babae ang kanin nang magsalita siya.
“Ate, itatapon niyo na po ‘yan?” tanong niya sa babae.
“Oo,” sagot ng babae. Kumunot ang noo ng babae at tiningnan muna ang plastik ng kanin na hawak, bago pagmasdan ang binata sa kanyang harapan. “Bakit?”
Binitiwan ng binata ang hawak na sako at lumapit sa babae. Iniabot ang dalawang kamay. “Sayang po. Pwedeng akin na lang?” pakiusap niya.
“Boy, ano pang kakainin mo rito?” tanong ng babae. Dinuro-duro niya ang plastic ng kanin. “Tutong na ito.”
Nakalabas pa rin ang kamay ng binata. Kumalam ang sikmura ngunit muling isinawalang-bahala. Tiningnan niya ang babae, nagmakaawa sa pamamagitan ng mga mata. “Ayos lang po sa akin ang tutong. Ayos lang po sa pamilya ko,” sabi niya, pilit kumbinsihin ang babae. “Basta po may makain, Ate.”
Napailing ang babae ngunit binigay pa rin sa bata ang plastic ng kanin. Ngumiti ang binata at nagpasalamat sa babae, bago tuluyang tumakbo pabalik sa kinaroroonan ng kanilang kariton.
Kumakalam ang kanyang sikmura pero, sige, tumakbo pa rin siya. Dala-dala ang nanlalamig na kaning tutong.
“’Nay,‘Tay, Andeng!” tawag niya sa pamilya nang makarating sa bangketa kung saan naroroon ang kanilang kariton. “May dala akong pagkain!”
Walang sumagot. Walang tao sa bangketa. Tanging ang kariton lamang ang nakaparada rito. Wala pa si Andeng, ang nakababatang kapatid – nagbebenta pa siguro ng sampaguita. Katataka-takang wala ang kanyang ama – siya dapat ang magbabantay sa ina na naiwan sa kariton dahil sa kanyang sakit.
“’Nay?” tawag niya sa ina. Wala pa ring sagot. Lumapit siya sa kariton. Nakita ang inang natutulog sa loob nito. “’Nay, may pagkain po akong dala.”
Hindi nagising. Ni naalimpungatan. Hindi niya nakitang gumalaw nang kahit kaunti ang ina sa ilalim ng sakong ginawa niyang kumot.
Hindi rin niya nakita itong huminga.
Nang hinaplos niya ang braso ng ina gamit ang mga daliring nanginginig, naramdaman niya ang lamig. Kasinlamig ng kaning tutong kanyang bitbit.
Nahulog mula sa kanyang kamay ang plastik ng kaning tutong. Napaluha. Napasigaw. Napahagulgol.
Kumakalam pa rin ang kanyang sikmura. Hindi niya ito pinansin.
Hindi na niya kailangan ng pagkain.