Mahalagang Araw
Ilang araw na lang at muli nanamang sasapit Ang masayang araw kung saan ko hinain Ang mga katagang hinihintay mong aking sambitin, Sa simpleng "Pacheck nga ng status ko" Natanggap mo ang aking tugon.
Hindi sa muli pa akong umaasa Alam ko sa sarili kong tapos na talaga Pero aaminin ko, napapatigil pa rin ang tibok ng puso panandalian Sa tuwing makakarinig ako ng kantang ating pinagsaluhan.
Masaya na ako ngayon, alam kong ganun ka rin Kaya alam kong darating ang panahon Matatapos rin ang pag aalay ko ng mga salitang kailanma'y di makararating sa dako mo.
Gusto kong magpasalamat kasi hindi ka na dumadalaw Ni sa panaginip ko'y hindi na din kita natatanaw Unti-unti ko ng nabubuo ang aking tahanan Tahanang iba na ang aking makakasama Iba na ang magsisilbing sandigan at po-protekta sa puso kong handa na muling magmahal.
Ngayon nga ay malaya ko ng nasasabi Handa na ako, hindi para gumanti Dahil alam kong nagawa naman natin hanggang sa huli Ang mahalin ang isa't isa kahit pa nga tinapos na.
Hindi ako nagsisi, ang mahalaga ay natapos tayong mahal kita at mahal mo ako, pero oo hanggang dun lang talaga siguro tayo.
Sa ngayon, hayaan mo lang akong iproseso Ang tuluyan kong pagsasara sa mga natitirang bukas na pinto. Unti-unti, makakaya ko rin ang lumakad palayo Lilingon ako pero wala ng luha sa mga mata ko Hindi ko na rin babaunin ang mga alaala mo Kasi sapat naman na ang paghihintay ko
Salamat sa pinagsamahan, sa mga natutunan ko mula sa'yo Techie naman akong tao noon pa, pero nang dahil sa'yo Mas namulat ako sa mga bagay na nakakatulong hanggang ngayon sa trabahong meron ako. Salamat sa lungkot at saya na kaakibat ng ating kwento Dahil dun tumatag ako at napatunayan kong kaya kong magmahal ng higit sa inaakala ko. Salamat kasi nagsilbi kang kanlungan ko. Salamat dahil sa'yo nalaman ko kung ano ang halagang kaakibat ko.












