Patay Na Si Hesus {A Film Review}
Ang Patay Na Si Hesus ay ang unang pelikula na napanood ko mula sa Pista Ng Pelikulang Pilipino. Sa katotohanan, sa isang advanced screening ko ito naabutan, humigit-kumulang tatlong linggo bago pa magumpisa ang PPP. Sa kadahilanang ito tumaas ang aking antas ng pananabik kung ano ang maihahanda ng kauna-unahang PPP.
Sa mga unang sandali ng pelikula, mayroong sumagi sa akin na posibilidad na baka sobrahan nito ang pag-aarte kaysa sa nararapat. Ngunit sa hindi inaasahang bagsak ng kamao ni Iyay sa kanilang mesa, nakuha ni Iyay (Jaclyn Jose) nito ang aking saloobin kung dapat kong ibigay sa kanya at sa kanyang pamilya ang buong atensyon ko hangga’t natapos ang PNSH.
Dahil pinanood ko ito sa isang munting pook (Ili-Likha Artist Village) (P.S. Ang hirap tumawid sa maliit na malaalambreng tulay para makapunta sa teatro!!!), mas madali akong naging kumportable sa paligid ko. Sa tuwing tatawa ako sa isang eksena, lagi akong may kasabayan na humahalakhak dahil nga hindi naman mahirap na intindihin ang komedya na ibinabato ng mga tauhan sa manonood. Sinigurado ko sa mga pamunuan ng pelikulang ito na bawat manonood sa gabing ipinalabas ang PNSH sa Baguio ay nagbitiw ng mga salita bilang tugon sa mga linyang nabanggit.
Walang sandali sa pelikula na hindi gumalaw ang anumang muscle sa aking mukha. Lubha ko ngang nagamit ang aking noo, pisngi, at lalo na ang bunganga upang maipahayag ko ang aking saloobin. Kaya’t pagdating ng mga malumanay na eksena, nabibigyan ko ang aking sarili ng pagninilay sa mga maitutulad kong karanasan mula sa PNSH. Kung hindi naman sa pagninilay, inilalaan ko ang mga eksenang iyon sa paghahanda ng aking sarili sa isa na namang kabulastugan o twist sa kwento.
Mga Tumatak:
1. Normalisasyon: May mga pribadong gawain at usapin na dapat manatiling pribado; ngunit sa kaso ng PNSH, ang pagsasantabi ng ilang segundo para sa dalawang eksenang tinutukoy ko ay marahil ang unang beses kong masilayan sa anumang pelikulang napanood ko man, gawa man ng Pilipino o hindi. Ang una ay baka ang populasyon ng kalalakihan lamang ang makakaintindi. Pagdating ng pangalawang eksena, ang PNSH ay naghatid lamang ng isa sa mga pinakamatalinong pagsagot sa isang tanong ng bata na karamihan sa atin ay pinapagalitan ang bata o iniiba ang paksa ng usapan. Nakakamiss tuloy ang lutong-bahay ni nanay :(
2. Antas ng dedikasyon: Saludo para kay Ms. Jaclyn Jose at Ms. Mailes Kanapi sa kanilang pageensayo sa pagkatuto ng pagsasalita ng Cebuano upang maging malatotoo, kung hindi buong 100% ang daloy ng komunikasyon sa mga tauhan para sa mga manonood na bihasa sa wikang Cebuano. Bonus na paghanga na rin sa kayod ni Ms. Jaclyn sa pagmamaneho ng kanilang multi-cab. Makes me wonder kung nasa isang dinner si Ms. Jaclyn tapos badtrip siya sa mga kasama niya kaya nagrarant siya sa kanyang sarili in Cebuano para maivent out pa rin niya ang kanyang damdamin pero di siya magmumukhang masama hahahaha.
3. Paghahabi sa mga eksena: Hindi biro na magkaroon ng maayos na daloy ng pagkukwento sa biyahe ng pamilya ni Iyay habang kaliwa’t kanan ang pagbato ng mga pinakarandom na eksena. Tila sa bawat pagpapalit ng eksena ay magpapahiwatig ng pakakaabangang linyang ibibitaw ng isa sa mga tauhan na naglalayong makuha ang tawa sa kanyang manonood. Kung susuriing mabuti, ang pelikulang ito ay simpleng koleksyon ng mga pangyayari sa mga tauhan habang sila ay pupunta ng Dumaguete. Ngunit kudos sa pamunuan ng PNSH dahil ang transisyon ay hindi pilit, at mapapaniwala ka na sa anumang sandali ng iyong buhay ay mabibisita ka ng suwerte, kamalasan, o ang pagbibiro ng tadhana. Nasa sa iyo na lamang kung papaano mo ito tatanggapin at mamumuhay sa karanasan na ipamamalas nila.
Bonus: Nagawa ng PNSH na ipakita ang mga iba’t ibang aspeto ng kulturang Pilipino, gaya ng sa burol, sa relasyon ng ina sa kanyang mga anak, sa mga magkakapatid, sa pamilya at sa alagang hayop. Plus points!
Mga Tataglayin Pa
1. Pagbibigay-linaw sa gym sessions ni Jay: Ito lang yata ang pasilip sa mga katangian ni Jay na walang relasyon sa kasalukuyang estado ng kanyang buhay. Paumanhin po sa spoiler!
2. Pagguhit ng rutang tinatahak nila: Bilang isang mamamayan ng Pilipinas na limitado lamang ang aking mobilisasyon sa pagitan ng mga lupain sa Baguio at Tarlac, makatutulong sa akin, at siguro sa iba pang mga manonood, kung dadagdagan ng isang mapa na magpapakita sa layo ng kanilang nilalakbay mula sa Kamaynilaan. Tiyak din ako na kung isasama nila ang suhestiyon ko, tiyak na papatok ang mga pook na tinampok sa pelikula, at makatutulong ang turismo sa paglago ng mga lugar na naging stopover ng pamilya :)
3. Silip sa buhay ng mga tauhan matapos ang burol: Kahit pasilip lang sa buhay nina Iyay, Jay, Jude, Bert, at lalong lalo na si Sister sa puntong nakarating sila sa kanilang dapat na kalalagyan ay ang curiosity ko sa pelikula na dapat kong maatim. Sa taglay na kakaibang katangian ng bawat miyembro ng pamilya, nasabik ako kung hanggang saan aabot ang pagkamalikhain ng scriptwriter para sa mga tauhan. Ngunit, sapat na sa akin na hindi nila tinuloy ang gasgas na ending ng mga roadtrip movies kung saan binigyan pa ng screentime ang kanilang biyahe pabalik sa Kamaynilaan.
Hanga ako sa diversity ng pamilya ni Iyay at kay Iyay mismo. Si Iyay ay ang tigasin mong nanay, o ng kakilala mo, ngunit pinapakita ang likas na aruga at instinct ng isang nanay sa mga nangyayari sa kanyang mga anak. Napagtagumpayan ni Jude ang kanyang mga pagsubok bilang tao. Kung wala sa eksena si Bert, si Jude ay ang nagsisilbing sandigan ng kanilang nanay at ni Jay. Mabuhay ang LGBTQIA+ community!
Kaya’t itong si Jay ang repleksyon ng mga taong kinakapitan palagi ng mga dahilan kung bakit siya dapat na maging malungkot, pero sila pa ang naghahatid ng mga ngiti pabalik sa mukha ng kanyang mga mahal sa buhay. Kahanga-hanga din ang exposure na ibinigay kay Kuya Bert. At mas kahanga-hanga ang pagtrato ng PNSH sa mga katulad ni Bert. Ipinakita ng pelikula ang kawalan ng pangungutya sa mga nakasalamuha ni Bert; lalake man o babae, sa Luzon man o sa Visayas. Para kay Sister Linda, siya lang naman ang karakter na malaya, masaya, at random, ang pambansang Tita of Visayas, na siyang nagsilbing mansanas sa lechon na naghahatid ng saya at pananabik sa mga nakakakita dito, gaya ng Patay Na Si Hesus.
Ang pananaw at paglalahad sa daloy ng pelikula ay isang bagong ihip ng hangin sa kasalukuyang estado ng mga pelikulang komedya ng bansa. Napatunayan ng PNSH (kahit napagbulaanang isang lapastangan sa diyos dahil sinuri lang ang pelikula batay lamang sa pamagat nito) na kaya nitong magkaroon ng rerun sa mga sinehan sa anumang araw ng taon nang mag-isa.
9.0/10
I. Patay Na Si Hesus











