Ang Madilim na Bahagi ng Kasaysayan
Katulad ng ibang mga bayani, iginugunita pagkabayani ni Gat. Jose Rizal sa araw ng kanyang kamatayan, Disyembre a treinta. Subalit, iba ang kaso ng Gat. Andres Bonifacio, Nobyembre a treinta, araw ng kanyang kapanganakan.
Matagal nang isyu ang petsang ito dahil paano mo maituturing na ganap ang pagkabayani ng isang tao sa araw ng kanyang kapanganakan, at hindi sa araw ng kamatayan nito. Kung tutuusin, hindi naman sinadyang mataon ang araw ni Bonifacio sakto isang buwan bago ang araw naman ni Rizal na madalas pagtunggaliin. Hindi rin matutuwa ang Supremo ng Katipunan kung nabubuhay pa siya ngayon sa pagtutunggali sa kanila ng Bayani ng Bagumbayan dahil si Rizal ang isa naging inspirasyon ni Bonifacio upang labanan ang España.
Marahil kaya piniling huwag gunitain ang pagkabayani ni Andres Bonifacio sa araw ng kanyang kamatayan ay dahil ito ang pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayan.
Maliban sa hindi tiyak ang mga pangyayari, ay hindi parin matukoy kung totoo ang naiwang ebidensya ng kamatayan ng Supremo. Ang tanging pinanghahawakan lamang ng kasaysayan ay ang mga testimonyang hindi gaanong magtugma-tugma ng mga taong sangkot o nakasaksi sa kamatayan ng magkapatid na Bonifacio.
Iba-iba ang sinasabing lugar ng kanilang kamatayan, may nagsabing sa Bundok Buntis, mayroon naman sa Bundong Nagpatong, ng Maragondon. Sa kasalukuyan, isang bantayog na gumugunita sa pagkabayani ni Andres na matatagpuan sa pagitan ng dalawang magkadikit na bundok na ito.
Ang ikinamatay rin nila ay hindi matiyak. Maging ang taong nagpatupad ng kanilang kamatayan na si Lazaro Makapagal ay may dalawang testimonya. Sabi sa isa na pinatay nila ang magkapatid sa pamamagitan ng pagbaril. Ang isa namang testimonya na sinasabing nagtangkang munang tumakas ang Supremo matapos mabaril ang kapatid nito na tumakbo't binaril. Ayon na rin kay Makapagal, inilibing nila ang magkapatid sa isang mababaw na libingan na hinukay gamit ang kanilang bayoneta at minarkahan nila ito gamit ang mga tangkay ng puno ang mga tuyong dahon.
May naging testimonya rin si Guillermo Masangkay, isang heneral ng Katipunan at kaibigan ni Andres Bonifacio, pinatay si Andres sa pagsaksak at pagtaga habang nasa isang duyan ito. Nakasakay umano si Andres sa isang duyan nang dalhin sa kabundukan ng Maragondon dahil mahina na di umano ang dating lider ng kilusan. Ayon kay Masangkay, nakuha niya ang impormasyon mula sa isa sa mga tauhan ni Makapagal. May sumusuporta ring testimonya ang di umamong saksi na magsasaka na nakakita sa 5 kalalakihan na pinapatay ang isang lalaki na nasa duyan.
Iba naman ang paniniwala ng ibang historyador na pinatay si Andres Bonifacio sa pagsaksak ng bayoneta at sa paghampas ng bato sa ulo. Nabuo ito nang matagpuan ang di umanong labi ni Bonifacio sa isang taniman ng tubo. Natagpuan itong may basag ang bungo, ngunit hanggang ngayon ay di parin lubusang matiyak ang katotohanan ng mga labing iyon.
At ang pinakamasakit, kapwa Pilipino ang naging dahilan ng kamatayan ng tinuturing natin na isang bayani.
Gaano man kadilim ang kanyang kamatayan, ang mahalaga ay dapat nating maalala ang liwanag na idinulot ng pagmamahal sa bayan ni Andres Bonifacio y de Castro upang makamit natin ang kalayaan.
http://jaredramos.wordpress.com | http://jaredramos.tumblr.com/ask | http://twitter.com/itsmejaredramos