IV. “Break-time Muna Ate/Kuya” Reflection Paper
Kapag sinasabing immersion o volunteered work, ang unang pumapasok sa isip ko ay ang mga simpleng manggagawa sa bansa katulad ng mga karpintero, gwardya, housekeeping o service crew. Isang importanteng proyekto sa asignaturang ito ay ang “Breaktime muna Ate/Kuya” kung saan inaasahan kaming pumalit sa trabaho ng isang napiling manggagawa ng panandalian. Sa patuloy na pagpapaganda ng proyektong ito, napagsunduan ng mga estudyante at dalubguro na pumili ng manggagawang kumikita ng malaki o may estado sa buhay. Sa naging pagbabago ng kundisyon ng proyektong ito, ang nakikita kong layunin ay upang makilala ng mga estudyante ng mas malalim ang mga dalubguro na nakakasalamuha nila. Upang hindi lamang matapos sa guro at estudyanteng relasyon ang pagkakakilanlan ng bawat isa sa isa’t isa. Natipuhan namin ng aking katuwang sa proyektong ito ang isang dalubguro na masasabi kong malaki ang suporta sa mga estudyanteng kanyang hinahawakan.
Ang naturang gawain na pandalian kong ginawa ay maging isang Critique sa mga isinumitang papel ng mga estudyante sa dalubguro. Nagbasa ako ng maraming papel patungkol sa isang paksa. Sa apat (4) na oras na itinagal ng panandaliang boluntaryong pagtatrabaho, masasabi kong mahirap ang mga gawain ng mga dalubguro base sa naging karanasan ko. Ipalagay mong lagpas ng isang daan (100) ang iyong estudyante at lahat ng ito ay may isinumiting papel na kailangan mong basahin at bigyan ng grado at kailangan mo pang gumising ng maaga upang magturo maghapon. Hindi ko man masasabi na nasanay na lamang ang mga dalubguro, pero masasabi kong kahit magbasa lamang ay nakakapagod na.
Upang kilalanin pa ng malalim ang dalubguro, gumamit kami ng Filipino Research Method na Pakikipagkwentuhan at Pagtatanung-tanung. Swerte na lamang namin dahil kakilala namin ang dalubguro at magaan ang pakiramdam namin sa isa’t isa. Isa pang nakakagulat na bagay ay magkasing edad lamang kami ng dalubguro na ito. Ang naging panimulang tanong ay “Ano ang nagtulak sa iyo sa Psychology?” Noong nagsimula na syang magkwento, naging madali na lamang para sa akin ang magtanong at sumang-ayon sa kanyang mga sinasabi. Naging maayos ang pakikipagkwentuhan ko sa dalubguro dahil interesado ako sa kanyang mga sinasabi at siguro, dahil magkasing-edad lamang kami.
Pagtapos ng pagtatanung-tanung at pakikipagkwentuhan, napagtanto ko lamang na maikli lamang ang oras natin sa mundong ito at dapat na ginagawa natin ang mga bagay na nais nating gawin habang kaya pa. Dito ko rin napansin na ang dalubgro ang magaling sa pakikisama. Dahil sa saglit lamang na panahon na kami ay nagkakilala, nagawa nang magkwento ng dalubguro ng mga bagay na may kaugnayan sa kanyang pag-aaral upang maging dalubhasa pa sa napiling kurso.
At dahil tinuring ko nang hindi ibang tao ang dalubgurong ito, para sa akin, mayroon na kaming Shared Identity dahil kapwa ko siyang naniniwala sa kahalagahan ng kalusugang pangkaisipan. Isang malaking bagay para sa akin ang magkaroon ng dalubguro na madaling lapitan kapag may kailangan. Ginagawa nilang madali para sa akin ang pagiging kolehiyal at habang buhay kong tatanawin na utang na loob ang mga bagay na nagawa ng dalubgurong ito sa akin at sa aking pag-aaral sa kolehiyo.
Upang tapusin ang pagwawari-waring ito, ako ay lubos na nagagalak dahil sa nalamang kong metodo sa pananaliksik ng mga Pilipino. Ito ay babase lamang sa pakikipag-ugnayan mo sa ibang tao at pakikipagpalagayang loob. Napaka dali at walang hamon ang mga metodong ito at pinapadali ng mga metodong ito ang paglikom ng mga impormasyon o datos. Bilang Pilipino, Inaasahan kong lumago at madagdagan pa ang kaalaman natin sa mga metodong ito.















